Sa mga kuwentong madalas nating marinig tungkol sa baha, karaniwang bida ang malakas na ulan at kalamidad. Ngunit paano kung ang baha ay hindi dulot ng kalikasan, kundi ng kapabayaan at mga proyektong hindi natatapos?
Ang “Hanggang Humupa” na isinulat ni Kyte V. Villanueva, ay gaganapin mula Mayo 14 hanggang 16 sa taong 2026. Sa direksyon ni Chloei Angeline C. Fornea at sa pamamahala ng produksyon ni Erah Laurice P. Alcaraz, dadalhin ang mga manonood sa Barangay Hanggan—isang komunidad na matagal nang lubog sa baha. Isang sitwasyong hindi lamang pisikal ang pagsubok, kundi repleksyon ng mas malalim na suliraning panlipunan. Inaasahang magiging makapangyarihan at emosyonal ang dulang ito at angkop para sa lahat ng nais na makapanood.
Magsisimula ang mga pagtatanghal sa Mayo 14 sa ganap na 3 p.m. at 6 p.m., susundan sa Mayo 15 sa 11 a.m., 3 p.m., at 6 p.m., at magtatapos sa Mayo 16 na may mga pagtatanghal sa 9 a.m., 11 a.m., 3 p.m., at 6 p.m. Maaari itong mapanood sa Girl Scouts of the Philippines National Headquarters, Pilar Hidalgo Lim Auditorium, Padre Faura, Manila.
Paglalantad sa katotohanan ng mas malalim na ugat ng pagbaha
Ang dula ay umiikot sa kuwento ng Barangay Hanggan na anim na buwan nang binabaha. Higit pa sa simpleng sakuna, ilalahad nito ang mas malalim na dahilan ng suliranin, ang lokasyon ng barangay, at ang mga proyektong hindi natatapos. Sa pamamagitan nito, bibigyang-liwanag ang mga isyung panlipunan tulad ng kapabayaan, kakulangan sa aksyon, at ang epekto nito sa pang-araw-araw na buhay ng mga mamamayan.
Hindi lamang ito isang pagtatanghal upang makapagbigay ng aliw sa madla, kundi isang paanyaya sa masa na maging mulat sa reyalidad na kinahaharap ng ating bansa.
Inaanyayahan ang lahat na suportahan ang dulang ito at maging bahagi ng isang sining na may layuning magmulat at magbigay ng boses sa mga kuwentong dapat marinig, hanggang sa tuluyang humupa ang mga suliranin ng lipunan.
Para sa karagdagang detalye, maaaring bisitahin ang opisyal na Facebook page ng Artistang Artlets - UST.
