Layout By Antoine Tanag
Layout By Antoine Tanag.

Mga Kababaihang Humubog sa Kasaysayan ng Pilipinas


Sa bawat yugto ng kasaysayan, may kababaihang tumindig, nagbigay ng tinig, at nag-iwan ng makabuluhang marka. Kilalanin ang kanilang mga kuwento ng paglaban, pamumuno, pagpapamalas ng galing, at paghubog ng lipunan.


By Kristina Caasi, and Rael Steven Bayaca | Tuesday, 24 March 2026

Sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan, maraming kababaihan ang nag-iwan ng mahalagang marka sa lipunan sa pamamagitan ng kanilang talento, tapang, at dedikasyon. Mula sa larangan ng sining at libangan hanggang sa palakasan, politika, at pamamahayag, napatunayan ng mga babaeng Pilipino na kaya nilang maging instrumento ng pagbabago at inspirasyon. Sa kabila ng mga hamon at limitasyon na minsang kinaharap ng kababaihan, patuloy silang nagtagumpay at nagbigay ng karangalan sa bansa.

 

Sa mahabang panahon, ang mga pahina ng kasaysayan ay tila puno ng pangalan ng mga lalaking pinuno at bayani. Subalit sa ilalim ng mga tala, makikita na naroon din ang kababaihang nagpamalas ng kanilang katatagan, talino, at boses sa iba’t ibang larangan ng lipunan.

 

Ang kanilang mga kuwento ay hindi dapat manatili sa anino, kundi sa liwanag ng pagkilala at pagdiriwang. Mula sa rebolusyonaryong bayani hanggang sa mga makabagong tagapaghatid ng balita, sila ang patunay na ang kababaihan ay patuloy na humuhubog sa ating kasaysayan.

 

Ngayong Buwan ng Kababaihan, ating ipagdiwang ang kanilang mga kuwento—hindi lamang bilang tala ng nakaraan, bagkus bilang gabay at inspirasyon para sa kasalukuyan at sa kinabukasan ng ating lipunan.

 

Mga kababaihang kilala sa larangan ng pamumuno at pagbabago
Sa larangan kung saan madalas inaasahan ang kalalakihan, may mga kababaihang nagpamalas ng tapang at talino. Pinatunayan nila na ang pamumuno ay hindi nakabatay sa titulo, kundi sa kakayahang kumilos sa harap ng panganib at sa oras ng pangangailangan.

Si Gabriela Silang ang unang babaeng namuno ng rebolusyon sa Ilocos, patunay na kaya ng kababaihan ang pamumuno sa armadong pakikibaka. Si Melchora Aquino, na kilala bilang Tandang Sora, ay tinaguriang “Ina ng Katipunan” dahil sa kaniyang walang pagod na suporta sa mga rebolusyonaryo. Si Josefa Llanes Escoda ay nagtatag ng Girl Scouts of the Philippines at tumulong sa mga Pilipino noong digmaan bago siya dinakip ng mga Hapon.

Sa politika, si Corazon Aquino ay naging simbolo ng People Power bilang kauna-unahang babaeng pangulo ng Pilipinas na nagbalik ng demokrasya matapos ang diktadurya. Si Leni Robredo, dating bise presidente, ay kinilala sa programang Angat Buhay na nagbigay tulong sa libo-libong Pilipino. Sa kaniyang termino, nakatanggap ang kaniyang opisina ng pinakamataas na rating mula sa Commission on Audit sa magkakasunod na taon bilang patunay ng tapat na pamamahala. Si Miriam Defensor Santiago naman ay kinilala sa kaniyang talino at matapang na paninindigan laban sa katiwalian, at ginawaran ng Ramon Magsaysay Award for Government Service bilang pagkilala sa kaniyang integridad.

 

Mga kababaihang kilala sa larangan ng kaalaman at siyensiya
Sa larangan ng agham at edukasyon, nakapagbukas din ang kababaihan ng mga pintuan tungo sa mas malalim na pag-unawa at kaalaman. Ang kanilang pananaliksik at pagtuturo ay nagbigay ng bagong direksyon sa kalusugan, agrikultura, at kasaysayan ng bansa.

Si Fe del Mundo ay kinilala sa pediatrics, nagtatag ng Children’s Medical Center, at lumikha ng bamboo incubator na nakatulong sa mga sanggol sa malalayong lugar. Si Dolores Ramirez, isang National Scientist, ay nagpasimula ng pananaliksik sa plant breeding at genetics na nagpaunlad ng mga pananim gaya ng munggo at mais. Si Encarnacion Alzona, unang Pilipina na PhD holder, ay nagsulat ng mga akdang naglatag ng pundasyon ng historiograpiya sa Pilipinas at nagbigay inspirasyon sa kababaihan sa akademya.

 

Mga kababaihang kilala sa larangan ng panitikan at pamamahayag
Ang mga kababaihan ay nakapagpamulat sa mamamayan sa maraming makabuluhang bagay tungkol sa ating bansa. Sa kanilang pagsusulat, pagbabalita, at dokumentaryo, naipakita ang mga kuwento ng lipunan at naitala ang mga katotohanang madalas ay nais ikubli.

Si Maria Ressa, co-founder ng Rappler, ay ginawaran ng Nobel Peace Prize bilang pagkilala sa kaniyang tapang sa pagbubunyag ng disimpormasyon at pang-aabuso sa kapangyarihan. Si Jessica Soho ay kilala sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) at bilang The Philippines’ Most-Awarded Broadcast Journalist. Siya rin ay naging unang Pilipina na nakatanggap ng George Foster Peabody Award para sa mga dokumentaryong Kamao at Kidneys for Sale. Si Kara David, dokumentarista at propesor, ay kilala sa mga dokumentaryong nagbigay boses sa mga nasa laylayan ng lipunan. Siya rin ang tagapagtatag ng Project Malasakit Foundation, na nagbibigay ng tulong pang-edukasyon at pangkabuhayan sa mga taong itinampok sa kaniyang mga dokumentaryo. Si Leona Florentino, isang makata mula Vigan, Ilocos Sur, ay tinaguriang “Ina ng Panitikang Pilipina.” Ang kaniyang mga tula ay isinama sa Exposition Internationale sa Paris, patunay ng pagkilala sa kaniyang kontribusyon sa panitikan.

 

Mga kababaihang kilala sa larangan ng sining at industriya ng libangan

Sa paglipas ng panahon, malaki ang naging ambag ng mga kababaihan sa larangan ng sining at industriya ng libangan sa paghubog ng kultura at identidad ng ating lipunan. Sa pamamagitan ng kanilang talento sa pag-awit, pag-arte, at pagtatanghal, naipapakita nila ang iba’t ibang kuwento at karanasan na nagbibigay inspirasyon sa maraming tao. Hindi lamang sila nagbibigay aliw sa publiko, kundi nagiging simbolo rin sila ng dedikasyon, pagkamalikhain, at pagsusumikap sa kanilang larangan. 

 

Maraming kababaihan ang nagbigay ng karangalan sa bansa at kinilala hindi lamang sa Pilipinas kundi pati sa buong mundo. Kabilang sa mga halimbawa si Lea Salonga, na nakilala sa buong mundo sa kaniyang mga pagtatanghal sa entablado ng teatro at pag-awit ng mga mga kantang hindi lamang sumikat sa bansa kung hindi pati na rin sa internasyunal. Kabilang din dito si Nora Aunor, isang batikang aktres na nag-iwan ng malaking impluwensya sa industriya ng pelikula. Kilala rin si Apo Whang-Od bilang isa sa mga maimpluwensiyang tao sa larangan ng sining. Siya ay isang mambabatok mula sa Kalinga na kilala sa tradisyonal na batok ng mga katutubo.

 

Mga kababaihang kilala sa larangan ng palakasan

Sa larangan naman ng palakasan, maraming kababaihan din ang nagpakita ng pambihirang lakas, determinasyon, at dedikasyon upang makamit ang tagumpay. Sa kabila ng mga hamon na minsang kinaharap ng kababaihan sa mundo ng sports, napatunayan nilang kaya nilang makipagsabayan at magtagumpay sa iba’t ibang kompetisyon sa loob at labas ng bansa. 

 

Ang kanilang mga tagumpay ay hindi lamang nagbigay karangalan sa Pilipinas kundi nagsilbi ring inspirasyon sa kabataan, lalo na sa mga kababaihan, na mangarap at magsikap upang maabot ang kanilang mga layunin. Isang patunay rito si Hidilyn Diaz, ang kauna-unahang Pilipinang nagkamit ng gintong medalya sa Olympics sa paligsahang na weightlifting. Samantalang si Alex Eala naman ay isang atletang kinikilala sa paglalaro ng tennis sa mga internasyonal na paligsahan. 

 

Sa kabuuan, malaki ang naging papel ng mga kababaihan sa paghubog ng kasaysayan sa iba’t ibang larangan tulad ng sining, entertainment, sports, politika, at pamamahayag. Sa pamamagitan ng kanilang talento, tapang, at dedikasyon, napatunayan nila na ang kababaihan ay may mahalagang ambag sa pag-unlad ng lipunan. 

 

Ang kanilang mga kontribusyon ay hindi lamang bahagi ng kasaysayan, kundi nagsisilbing inspirasyon sa kasalukuyan at sa mga susunod pang henerasyon upang patuloy na mangarap, magsikap, at maglingkod sa bayan.

Last updated: Tuesday, 24 March 2026