Inanunsyo ni Trade Secretary Cristina Roque noong Nobyembre 28 na ang halagang ₱500 ay sapat na para sa handaan ng isang Paskong Pinoy. Gayunpaman, lumilitaw ang katanungan kung paano maisasakatuparan ang isang makabuluhang Paskong Pinoy sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at pagnipis ng kakayahang bumili ng masa.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumagal sa 1.5% ang inflation sa bansa noong Nobyembre, na nagpapahiwatig ng mas mabagal na pagtaas ng presyo ng mga bilihin kung ikukumpara sa nagdaang mga buwan. Ayon kay Economic Secretary Arsenio Balisacan, isinaad niya sa isang artikulo ng Philippine News Agency na ang datos na ito "reflects in part the impact on business confidence of governance concerns about public infrastructure spending as well as lingering uncertainty from the external environment."
Subalit iginiit ng ekonomista na malabong maabot ng Pilipinas kahit ang mababang hangganan ng target nitong 5.5% hanggang 6.5% na growth rate para sa 2025. Ang katumbas ng mabagal na paglago ng ekonomiya ng bansa ay limitadong kakayahan ng pamahalaan na lumikha ng mas maraming trabaho at maglaan ng sapat na pondo para sa mga programang panlipunan, dahilan upang mas maramdaman ng mga mamamayan ang pasanin ng mataas na gastusin sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Sa kasalukuyang kalagayan ng bansa, tunay nga bang magiging sapat ang ₱500 para sa pagbili ng mga pangunahing bilihin para sa Noche Buena, o isa na naman ba itong palatandaan ng mas malalim na suliraning pang-ekonomiya na kinakaharap ng Pilipinas?
Sa hapag-kainan ng Paskong Pilipino
Batay sa DTI Price Guide, karamihan sa mga presyo ng karaniwang handa sa Pasko ay hindi kalakihan ang itinaas kumpara noong nakaraang taon, at ang kakayahang ipagkasya ang halagang ₱500 ay nakadepende sa bilang ng pamilya at inihandang pagkain.
Sa pagtataya ng DTI, isinaad ni Roque na ang isang basket na naglalaman ng apat na ulam at pandesal ay aabot sa humigit-kumulang ₱526. Kabilang dito ang Christmas ham na tinatayang nagkakahalaga ng ₱170, spaghetti na aabot sa ₱78.50 na binubuo ng ₱30 para sa noodles at ₱48.50 para sa sauce, macaroni salad na may kabuuang halaga na ₱152.44 mula sa macaroni, mayonnaise, at keso, fruit salad na nagkakahalaga ng ₱98.25 mula sa fruit cocktail at all-purpose cream, at pandesal na ₱27.75 para sa sampung piraso.
Dagdag pa rito, ipinaliwanag ni Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa isang artikulo ng Philstar, na ang isyu ay hindi kung makakabuo ng isang masaganang handaan sa ₱500, kundi kung ito ba ay praktikal at posibleng maisakatuparan sa kasalukuyang presyo ng bilihin.
Para kay Roque, sa ganitong komposisyon ay “pasok” umano ang ₱500 para sa isang pamilyang may apat na miyembro at patunay na nananatiling kontrolado ang presyo ng mga bilihin sa merkado. Gayunman, mariing kinuwestiyon ng ilang mambabatas ang naturang pahayag, na tinawag nilang hiwalay sa reyalidad ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino.
Halaga ng ₱500 ngayong 2025
“Sa anong planeta kasya yung ₱500 para sa Noche Buena ng pamilyang Pilipino?” saad ni Bicol Saro Party-List Rep. Terry Ridon sa isang artikulo mula sa ABS-CBN.
Kaisa ni Ridon sa pagtutol sina Akbayan Rep. Perci Cendaña, ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Rep. Sarah Elago, at Kamanggagawa Rep. Eli San Fernando, na nagsabing ang pahayag ng DTI ay “detached from reality” at hindi isinasaalang-alang ang patuloy na economic strain na nararanasan ng maraming pamilya.
Para sa kanila, kahit isang payak na handa na binubuo lamang ng spaghetti at keso ay mahirap nang pagkasyahin sa ₱500, lalo na sa harap ng tumataas na gastusin sa kuryente, pamasahe, at iba pang batayang pangangailangan.
Maging ang grupo ng mga na Kilusang Mayo Uno ay nagpahayag ng matinding pagkadismaya, tinawag ang pahayag ng DTI bilang isang insulto sa mga manggagawang Pilipino na patuloy na naghihigpit ng sinturon upang maitawid ang araw-araw na gastusin.
Sa isang bansang malalim ang impluwensya ng relihiyon sa pang-araw-araw na buhay, nagpahayag din ng pagtutol ang Simbahang Katoliko sa anunsyo ni Roque.
“Noche Buena is not meant to be a time of tinitipid (scrimping) and limited. It is meant to be a time of rejoicing, of offering our best to God and to one another. It is abundance of faith, not scarcity imposed by neglect. Do not steal the spirit of Christmas from our families,” ani Antipolo Bishop Ruperto Santos.
Sa gitna ng mga pagtutol mula sa mga mambabatas at sa simbahan, lalong lumilinaw ang tanong kung ang ₱500 Noche Buena ay usapin lamang ng pagtitipid o patunay ng agwat sa pagitan ng paliwanag ng gobyerno at ng tunay na diwa ng Paskong Pilipino.
Kung tunay sapat ang ₱500 sa papel, kaninong Pasko ang ipinagtatanggol ng gobyerno–ang nasa datos, mga nakakataas, o ang nasa mesa ng manggagawang Pilipino?
