Sa pagtunog ng kampana tuwing Simbang Gabi, makikita muli ang kaliwa’t kanang na mga nagtitinda ng puto bumbong at bibingka sa labas ng mga simbahan. Unti-unting bumabalot sa mga panahong ito ang pamilyar na samyo ng mga nagbabalik na lutong pang-Pasko na nagdudulot ng saya at alaala sa mga Pilipino taon-taon.
Bilang pagpapatuloy ng masarap na tradisyon tuwing Kapaskuhan, narito ang mga pagkaing tunay na bituin ng Pasko na naging bahagi na ng bawat handaan ng pamilyang Pilipino.
![121825 [karilyon Mga Pagkaing Pinoy Xmas Classics] Bibingka](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/08a85d66-fc1f-4178-8a8b-ea3483165bf6.png)
Bibingka
Pagkain ba ang hanap mo pagkatapos ng Simbang Gabi? Walang tatalo sa mainit na bibingka! Ito ay isang rice cake na gawa sa galapong, asukal, itlog, mantikilya, at gatas, na hinahaluan din ng niyog o itlog na maalat. Nagmula ito sa bebinca ng Goa, India at dinala sa bansa ng mga Portuges na mangangalakal, ngunit malalim pa rin ang pagkakaugat nito sa kultura ng mga Pilipino.

Puto Bumbong
Isa pang kilalang imahe ng Pasko sa Pilipinas ang puto bumbong. Ito ay isang uri ng puto na niluluto mula sa pirurutong na ibinabad, giniling, at pagkatapos ay lulutuin gamit ang tubo ng kawayan o bumbong. Inihahain ito na may niyog, asukal na pula, mantikilya, at kung minsan ay mayroon ding leche flan o condensed milk. Ang kulay nitong lila ay sumisimbolo sa Advent season, kaya’t sa ika-19 siglo ay naging bahagi na ito ng kultura ng mga Pilipino tuwing Pasko—lalo na sa mga magsasakang naghahanap ng makakain pagkatapos ng Misa de Gallo.

Queso de Bola
Tulad ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ang queso de bola ay bilugang keso na binalot sa pulang wax na tanyag dahil sa maalat at matamis nitong lasa. Nahahawig ito sa kesong Edam, isang uri ng keso mula sa Olanda (Netherlands) na ipinakilala sa Pilipinas noong panahon ng kolonyalismo. Bagama’t sa ibang bansa ang pinanggalingan nito, naging malaking bahagi na ito ng kulturang Pilipino tuwing Pasko.

Hamonado
Hindi kumpleto ang Pasko kung walang Christmas ham, lalo na ang bersiyong Pilipino na tinatawag na hamonado. Ito ay cured o smoked pork na kilala sa matamis at maalat nitong lasa—na minsan ay nilalagyan pa ng pineapple glaze. Masarap itong ipares sa queso de bola, kanin, o kahit kainin nang pinapapak lamang habang nasa salu-salo.

Lechon
Kung nais mong mag-all out sa Noche Buena kasama ang buong pamilya, walang mas tatalo sa lechon. Ito ay inihaw na baboy na may malutong na balat at malinamnam na laman. Higit pa sa pagiging sentro ng mga malalaking handaan sa mga espesyal na okasyon, simbolo rin ito ng pagdiriwang, kasaganahan, at sama-samang pagsasalubong sa Pasko.

Leche flan
Flan-o mo ba maghanda ng dessert ngayong Kapaskuhan? Ang leche flan ang iyong sagot! Isa itong panghimagas na gawa sa pula ng itlog, condensed milk, evaporated milk, at asukal. Dinala ito sa Pilipinas ng mga Espanyol at humango sa kanilang flan de leche, ngunit mas pinatamis at pinakrema ng mga Pilipino.
![121825 [karilyon Mga Pagkaing Pinoy Xmas Classics] Fruit Salad](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/4f186e65-9b92-40d4-bff9-7f3c287d1f24.png)
Fruit salad
Hindi rin mawawala tuwing Kapaskuhan ang malamig na fruit salad na karaniwang gawa sa pinaghalong canned fruits, all-purpose cream, condensed milk, keso, buko, at nata de coco—o minsan, pati macaroni—ngunit iba-iba ang recipe ng fruit salad ng bawat pamilya sa Pilipinas. Gayunpaman, ang panghimagas na ito ay may impluwensiyang Amerikano nang ipakilala nila ang mga pagkaing de lata noong sinakop nila ang bansa.
![121925 [karilyon Xmas Classics Listicle Ube Halaya]](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/1794199b-3a04-4e15-a0e0-306f1a5af19a.jpg)
Ube halaya
Ready ka na bang ma-purple-fect ang handa mo? Kaya ‘yan, basta mayroong ube halaya sa hapag-kainan! Ang ube halaya ay isang matamis na kakaning karaniwan na nakikitang nakalagay sa llanera. Gawa ito sa nilagang ube, gatas, asukal, at mantikilya. Kadalasang umaabot ng isang oras o higit pa ang paggawa ng ube halaya dahil sa matiyagang paghahalo. Patok itong panghimagas at ginagamit din bilang topping sa bibingka, halo-halo at iba pang dessert na kinakain tuwing Pasko.
Ang mga pagkaing ito ay mahalagang bahagi na ng kultura ng mga Pilipino na siguradong pupuno sa mga puso at hapag ng bawat pamilya tuwing Noche Buena. Kaya habang narito ang mga paboritong pagkaing nagbabalik ngayong panahon ng Pasko, sulitin ang bawat kagat sa panahong puno ng love, joy, at hope!
