Madalas na niluluwalhati at inilalarawan ang mga bayani bilang mga huwaran ng kabayanihan at katuwiran sa sarili nilang pelikula. Ngunit tumataliwas ang “Quezon” ni Jerrold Tarog sa paglalarawan ng mga makasaysayang pigura bilang mga indibidwal na humubog ng kanilang legasiya sa kasaysayan at bansa sa pamamagitan ng ambisyon at estratehiya sa larangan ng pulitika. Ang Quezon ay ang ikatlong pelikula sa Bayaniverse Series ni Tarog na kinabibilangan din ng Heneral Luna at Goyo: Ang Batang Heneral.
Ang Quezon ay isang pelikulang biopic na pinagsasama ang makasaysayang katotohanan at naratibong kathang-isip upang isalaysay ang pagbangon ni dating pangulong Manuel L. Quezon sa kapangyarihan sa kaniyang pagkampanya para sa halalang pampanguluhan noong 1935, at kalaunan ang pagwagi niya bilang unang pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas. Ibinubunyag ng pelikula ang mga pampulitikang pagmamaniobra ni Quezon na nagpapakita kung paano hinubog ng paggamit ng karisma at diskarte ang kaniyang tagumpay, gayundin ang pagtakbo ng kasalukuyang kulturang pampulitika ng bansa.
Itinatampok ng Quezon ang mga batikang artista tulad nina Jericho Rosales, Iain Glen, Benjamin Alves, Mon Confiado, Karylle, Cris Villanueva, Therese Malvar, at Ana Abad Santos. Bukod dito, ang pelikula ay meron pang mga cameo ng mga personalidad tulad nina Xiao Chua, Iza Calzado, at Cong TV sa mga eksena nito.
Ayon sa TBA Studios, ang produksyon ng Quezon ay suportado ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at ng Film Development Council of the Philippines (FDCP). Umani rin ito ng suporta mula sa Department of Education (DepEd) sa Advisory No. 194, s. 202 na humihikayat sa mga mag-aaral at guro na panoorin ang pelikula at isama ang pelikula sa mga talakayan sa silid-aralan upang palakasin ang kanilang kamalayan sa kasaysayan, edukasyong sibiko, at pagpapahalaga sa sining.
Mga tunay na kulay
Kumpara sa ibang pelikula ng Bayaniverse, ang Quezon ay gumagamit ng hindi linear na salaysay na nahahati sa mga kabanata, kaya bahagyang mahirap sundan ang kuwento nito. Ngunit nagtatatag ito ng mahahalagang punto sa talambuhay ni Quezon tungo sa pagka-presidente. Gayunpaman, nabihag ng istilo ng mga transisyong hango sa mga silent films ang kapanahunan ng pelikula at nakadagdag sa pangkabuuang datíng nito sa manonood.
Dahil sa kapuri-puring pag-arte ng mga aktor, lalong nabigyang-diin ang personal na layunin ng mga karakter at mabisang nailabas ang personalidad ng mga tauhan na kanilang ginagampanan.
Tila hindi nilikha ang Quezon bilang pagpupugay sa dating pangulo, kundi para ibunyag ang mga kontradiksyon sa likod ng kaniyang pamumuno. Hindi gaanong inilarawan si Quezon bilang isang ulirang bayani—tila bilang isang karismatikong politiko na nagnanais ng kapangyarihan at determinadong makamit ang pagkapangulo.
Bagaman hindi gaanong malalim ang pagtuon ng balangkas sa hangarin ni Quezon para sa bansa, malinaw pa ring naisalarawan na siya, tulad nating lahat, ay tao rin at may sariling mga kahinaan at layunin. Matagumpay ring nailarawan sa pelikula ang mga reyalidad at laro ng pulitika sa Pilipinas. Pinapahiwatig nito na ang parehong ambisyon, manipulasyon, at karisma na humubog sa nakaraan ay patuloy na nakakaimpluwensya sa bansa ngayon.
Huling kabanata: Tarog-Rosales vs Quezon Avanceña
Dahil sa tila negatibong paglalarawan sa dating pangulo, humarap ang pelikula sa batikos mula kay Ricky Quezon Avanceña, ang apo ni Quezon, sa isang Q&A session na kinabibilangan ni Tarog at ng iba pang miyembro ng cast pagkatapos ng screening noong Oktubre 23. Naging viral online ang isang bidyo ng kanilang alitan sa sinehan na nagsimula nang tanungin ni Avanceña ang direktor kung ang pelikula ay isang political satire o “joke.”
Tinangkang magpaliwanag nina Tarog at Rosales ngunit pinutol sila ni Avanceña. Patuloy niyang inakusa ang mga producer ng paninira sa pangalan ng kaniyang pamilya upang kumita ng pera at pinayuhan pa silang gumawa muna ng pananaliksik.
“Sinalaula ninyo ang alaala ng isang pamilyang nagbuwis ng buhay,” wika ni Avanceña.
Bilang tugon, naglabas ng pahayag ang TBA Studios sa Facebook at sinabing iginagalang nila ang damdamin ng pamilyang Quezon ngunit idiniin nila na ang pelikula ay batay sa mga beripikadong sanggunian.
Mga lumang laro na nilalaro ng mga bagong mukha
Inilalantad ng Quezon kung ano ang nangyayari sa likod ng mga eksena sa pulitika ng Pilipinas, at kung ano ang nangyari sa panahon ni dating Pangulong Quezon ay patuloy na nangyayari ngayon. Hinahamon nito ang paniniwala na “walang korapsyon noong nakaraang panahon” dahil pinatutunayan nito na matagal nang nakaugat ang korapsyon sa sistemang pampulitika ng bansa.
Gayunpaman, minumulat nito ang mata ng mga manonood kung paano naaapektuhan ng mga personal na interes ang pamamahala. Hindi mapagkakaila na sinasalamin ng pelikula ang mga kasalukuyang isyu tulad ng maling paggamit ng pampublikong pondo.
Tinatalakay rin ng Quezon ang mga reyalidad sa pulitika tulad ng pandaraya sa eleksyon at ang namamalaging impluwensya ng utang na loob sa mga relasyong pampulitika. Ang katangiang ito ay nagpapanatili sa patronage politics na imposibleng maiwaksi sa kulturang umiikot sa mga pabor at obligasyon.
Bukod pa rito, inilalarawan nito kung paano hinuhubog ng mga alyansa at tunggalian ang mga pampulitikang desisyon at nagtatakda sa mga tunggalian para sa kapangyarihan. Itinatampok din ng pelikula kung paano ginagamit ang media para kontrolin ang mga salaysay at pabanguhin ang pampublikong imahe ng isang politiko tuwing halalan.
Higit sa lahat, ang pananaw na ginamit ni Tarog sa Quezon—na umiiwas sa pagluwalhati sa pangunahing karakter nito—ay nagsisilbing tawag upang mamulat ang mga Pilipino sa korapsyon at mga estratehiya sa pulitika. Ito ang mga larong patuloy na nilalaro ng mga politiko upang makakuha at mapanatili ang kapangyarihan.
Maaaring hindi ipinakita ng pelikula si Quezon bilang bayani na inaasahan ng marami, ngunit ito ay naghahatid ng kuwento at aral na kailangang makita ng mga Pilipino sa gitna ng mga kasalukuyang isyu sa lipunan.
Mapapanood ang Quezon sa mahigit 200 na mga sinehan sa buong bansa. Ayon sa TBA Studios, ang mga guro at estudyante ay maaaring makakuha ng espesyal na presyo ng tiket na ₱250 lamang simula Oktubre 15 sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanilang school ID sa ticket counters.
