Elementarya pa lang tinuturo na sa mga estudyante ang mga tauhan sa kwento—na mayroong bida at kontrabida sa isang istorya. Ngunit maaari bang maging pareho ang isang tauhan? Ito ang pinaglalaruang konsepto ng pelikulang Kontrabida Academy sa direksyon ni Chris Martinez: isang nakakaaliw, satirikal, at makabagong pagsilip sa mundo ng mga bida’t kontrabida.
Sinusundan ng Kontrabida Academy ang kwento ni Gigi (Barbie Forteza), isang masipag na manggagawa sa isang restaurant na humaharap sa mga hamon ng kaniyang buhay: love life, pamilya, at trabaho. Isang gabi, nadala siya sa piksyunal na mundo kung saan nakilala niya si Mauricia (Eugene Domingo) na siyang nagturo kay Gigi kung paano maging primera kontrabida upang mailabas niya ang kanyang kinikimkim na galit at makabawi sa mga nagkamali sa kaniya.
Ang mga bad, bongga, and brave
Kasali rin sa cast ng Kontrabida Academy sina Carmina Villarroel, Xyriel Manabat, Ysabel Ortega, Michael de Mesa, at Jameson Blake. Itinatampok pa nito ang ilan sa mga kilalang kontrabida sa telebisyong Pilipino kabilang sina Gladys Reyes, Dimples Romana, Baron Geisler, Odette Khan, Rez Cortez, at Jean Garcia.
Tunay na kahanga-hanga ang ipinakitang duality ni Forteza bilang aktres sa pagganap sa isang bida na naging kontrabida. Lumihis siya sa kaniyang nakagawiang papel na “api” sa ibang mga pelikula at teleserye ngunit ngayon ay nagtagumpay siya sa pagpapakita na maaari rin siyang maging “kontrabida.” Nagawa niyang makisabay kay Domingo, kaya tunay na maganda at mabenta ang kanilang dynamic sa buong pelikula. Walang kupas ang husay ng nasabing comedy star sa kanyang pag-arte. Hindi pilit ang pagbitaw ng mga biro at naging natural lamang ito sa kaniya.
Ang sining ng pagiging kontrabida
Ang Kontrabida Academy ay isang magaan, masaya, at nakakaaliw na pelikula. Hindi ito tungkol sa mabibigat na drama na sinimulan ng isang kontrabida, salungat sa kung ano ang maaaring asahan kapag narinig ang pamagat nito. Ito ay kumbinasyon ng kathang-isip at reyalidad, gayundin ay isang mashup ng iba't ibang genre, cliché, at trope ng mga tipikal na pelikulang Pilipino. Gumagawa rin ang Kontrabida Academy ng mga sanggunian sa Pinoy pop culture, memes, at mga biro, kaya nagdadagdag ito sa pagiging relatable ng pelikula. Hindi mapipigilan ng mga manonood na mapahalakhak kapag nakuha nila ang mga sanggunian at biro sapagkat napaka-Pinoy ang humor nito.
Ang pangkalahatang tema at balangkas ng pelikula, lalo na ang kathang-isip na aspeto nito, ay maaaring maging corny sa simula. Ngunit bumabawi ito sa witty na biro at diyalogo na dahilan upang panoorin ang pelikula. Ang ilang mga linya ay hindi inaasahan at biglaan lamang na sinasabi, kaya mas nagiging nakakatawa ang Kontrabida Academy. Dagdag pa rito, ang mahusay na pagbitaw ng mga aktor sa kanilang mga linya. Tugma rin ang ginamit na musika lalo na sa mga matitinding eksena, ngunit may mga awkward na pagkakataon sa pelikula kung kailan biglang napuputol ang tugtog tuwing magpapalit ng eksena.
Ang mga unang eksenang sa pelikula ay medyo nakakainip, ngunit nagiging nakakaaliw ito panoorin pagkatapos ng ilang bahagi. Medyo mahaba lang ang tagal nito lalo na sa uri ng istorya, at lahat ay naghahalo-halo na sa gitna ng napakaraming bagay na nangyayari. Wala rin sa lugar ang ilang bahagi ng pelikula, tulad ng eksenang ginamit sa panimula at ang biglaang nabuong love team. May mga eksenang maaaring tanggalin o hindi isama sa pelikula dahil hindi sila gaanong nag-aambag sa kabuuang istorya. Mas kinaladkad lamang nito ang pelikula at pinahaba.
Habang sinusubukan ng Kontrabida Academy na iugnay ang kuwento sa mga isyung panlipunan, tila pilit ang pagsingit ng mga aral at komentaryo lalo na kung isasaalang-alang ang pangkalahatang tema nito. Ngunit kahanga-hanga na sinusubukan nitong gumawa ng isang sanggunian sa mga panlipunang tungkulin at antas kung saan ang mga tao ay inaasahan at sinasabing kumilos alinsunod sa isang tiyak na paraan.
“Walang bida kung walang kontrabida.” Talaga ba?
Hindi lang kung paano maging kontrabida ang pelikula ang tinuturo ng Kontrabida Academy. Ang kahit sino ay puwedeng maging bida o kontrabida. Ngunit sa mundong puno ng mga tungkuling dapat gampanan, huwag dapat pilitin ang sarili na sumunod sa inaasahan ng iba para lamang sa kanilang kasiyahan.
Itinuturo rin ng pelikula sa mga manonood na maging totoo sa kanilang sarili, at lahat ng tao ay may mga bahaging dapat gampanan — hindi lang ang mga may titulo at tungkulin. Minsan, ang pagiging "kontrabida" ay tungkol sa pagtindig para sa sarili sa mundo na pilit na dinidikta kung sino dapat ang isang tao.
Maaaring panoorin ang Kontrabida Academy sa Netflix Philippines.