Dibuho Ni Gil Escorial
Dibuho Ni Gil Escorial.

Sunshine: Ang maliwanag na paglalarawan ng madilim na reyalidad


“Mahalaga ang buhay,” patuloy na ipinapahayag ng paligid ni Sunshine. Ngunit paano naman ang buhay ng babaeng pasan ang bigat ng lahat ng ito?


By Mariah Corpuz | Monday, 1 September 2025

Matapos ang isang taon na paglalakbay para sa iba’t ibang international film festivals, umuwi na rin sa Pilipinas at mga lokal na sinehan ang pelikula ni Antoinette Jadaone na Sunshine noong Hulyo 23. Isa sa mga napanalunan ng pelikula ay ang Crystal Bear for Best Film mula sa Generation 14plus sa 75th Berlin International Film Festival o Berlinale. Naging parte rin ang pelikula sa lineup ng Centrepiece Programme ng Toronto International Film Festival 2024.

 

Ang Sunshine ay bagong coming-of-age na pelikula ni Antoinette Jadaone na umiikot sa larangan ng palakasan. Sinusundan nito ang kwento ni Sunshine, na ginampanan ni Maris Racal, isang gymnast na naghahanda para sa kanyang huling pagkakataon sa Olympic qualifiers. Ngunit magbabago ang kanyang buhay nang malaman niyang buntis siya. 

 

Sa harap ng napakahalagang pangarap at sa isang lipunang mapanghusga, mapipilitan si Sunshine na harapin ang mundo na tila walang kalayaan, na parang ang tanging desisyon lamang ay iwanan niya ang kanyang mga pinaghirapan.

 

Sa pelikulang ito, malinaw na inilalarawan ni Jadaone ang mundong kinagagalawan ng mga babae. Mula sa cinematography ni Paolo Orendain, production design ni Eero Yves Francisco, editing ni Benjamin Tolentino at sound design ni Vincent Villa, mararamdaman ang pagkakipot ng mga sitwasyon dahil sa dilim, sikip, at ingay ng paligid.

 

Ang personal ay politikal

Imoral at hindi katanggap-tanggap. Agad na inilalarawan ng pelikula kung paano tinitingnan ng lipunan ang usapang abortion, simula sa pagtapak ni Sunshine sa labas ng entablado. Sa madidilim na eskinita ng Maynila, sa likod ng simbahan ng Quiapo, o sa pasilyo ng mga pampublikong ospital, walang takot na inihaharap sa atin ang pamilyar na reyalidad ng “The Filipino Experience.”

 

Masikip, dahil puno ng mga taong nakabantay sa lahat ng iyong gagawin. Masikip, dahil puno ng mga rebulto ni Sto. Niño para ipaalala ang dapat gawin. Masikip, dahil puno ng mga babaeng walang magawa nang mabigo ng sistema. Dito, walang espasyo para sa malayang pagpili sa sarili. Sa pamamagitan ng pagpwesto sa karakter sa likod ng mga riles at nalulunod sa dagsaang tao, unti-unting binubuksan ni Jadaone ang dapat pag-usapan, at ito ay kanyang ibinabatid sa pamamagitan ng pagkwento gamit ang irony.

 

Sa mahusay na pagganap ni Racal bilang Sunshine, ramdam ng mga manonood ang bawat pagtiis sa sakit, pagsuntok sa tiyan, at pag-iyak dahil sa takot at walang-kasiguraduhan. 

 

Lalapit siya sa botikang nagngangalang We Care Drugstore, ngunit bago mabigyan ng serbisyo ay inabutan muna ng paghuhusga. Naglalakad siya sa gitna ng maraming tao, ngunit nag-iisa siya sa kanyang pinagdadaanan. Walang imik at tahimik siyang naglalakad, ngunit kita sa kanyang mukha na maingay ang kanyang isipan. Sa mga oras na nag-iisa lamang si Sunshine, mas nagiging malinaw na ang kwento niya ay kwento ng lahat ng kababaihan.

 

Ang pelikula bilang kolektibong kwento

Sa bawat sandali ay lumalawak ang mundo ng pelikula, ngunit hindi pa rin nagbabago ang nakakasakal na pakiramdam na mabuhay. Madalas na tinatapos ang usapin sa, “alam mo na ang dapat gawin,” ngunit, sa sistemang mapagdamot sa ligtas, accessible reproductive healthcare, at maayos na edukasyong pang-sekswal, mahirap iwan ang mga Pilipino at sabihing alam na nila ang gagawin.

 

Gayunpaman, sa kabila ng hirap, buong pusong ipinapakita ni Jadaone ang suportang natatagpuan sa kapwa kababaihan—mula sa kapatid, kaibigan, at coach ni Sunshine. Sa gitna ng pisikal at pinansyal na usapin na napapaligiran ng pagbubuntis at abortion, binibigyang-pansin ng pelikula ang isa sa pinakamahalagang aspeto: ang emosyonal na bigat nito sa mga babae. 

 

Ngunit, kahit na matatagpuan ang emosyonal na suporta sa ating kapwa, patuloy pa rin ang tanong: hanggang saan ang dapat abutin ng ating paghihirap para tayo ay pakinggan at intindihin? Ilang suntok sa tiyan, tiis sa sakit, at pag-iyak sa takot at walang-kasiguraduhan ang dapat pang maranasan?

 

Sa pagbuo ng kwento ni Sunshine, matapang na ipinakita ni Jadaone ang katotohanang patuloy nating hinaharap. At sa tapang na iyon, nagbigay din siya ng tiwala sa mga manonood. Hindi dinidikta ng pelikula kung ano dapat nating maramdaman o anong aral ang dapat nating pulutin. Sa halip, ang tanging hangad nito ay tayo’y makinig at umintindi. Sa pamamagitan nito, may pag-asang mamunga ang mas makabuluhang diskusyon—isang usaping hindi na kailangang itago sa mga bulong; isang diskusyon na hindi batay sa relihiyon, kultura, o paghuhusga, kundi isang diskusyong nagmumula sa pagmamalasakit sa kapakanan at kaligtasan ng mga kababaihan.

 

Hindi mga dapat ang sinasabi ng pelikula, kundi mga sana, nang sa gayon, ay kasama natin si Sunshine mangarap, at sana, sa patuloy pa niyang pagpangarap sa mas bukas na kinabukasan.