Photo By Hans Chua
Photo By Hans Chua.

Ang bayan na namulat ay 'di na kailanman pipikit


Kung ipinaglaban nila noon ang ating kalayaan, handa ba tayong ipaglaban ngayon ang ating kinabukasan? Tunghayan ang sigaw ng mamamayan sa #TrillionPesoMarch.


By Jewel Mae Jose, and Shainne Velasco | Friday, 26 September 2025

Sa bawat pag-ikot ng kasaysayan ng bayan, laging may panibagong henerasyong humaharap sa tungkulin ng pakikibaka. 

Noong 1986, nagtipon ang mga Pilipino sa EDSA upang igiit ang kalayaan at tapusin ang paninikil ng diktadura. Ngayon, lagpas limang dekada makalipas ang People Power Revolution, muling nagtipon ang mga Pilipino sa parehong monumento upang isulong ang panawagan laban sa katiwalian. Sa ginanap na Trillion Peso March noong Setyembre 21, 2025, kasabay ng ika-53 anibersaryo ng Martial Law, naging malinaw na ang laban kontra katiwalian ay hindi nagtapos noon bagkus nagpapatuloy pa rin sa kasalukuyan at pati na rin sa kinabukasan. 

Ang tungkuling sinimulan noon ay ipinapasa ngayon sa mga kabataan, upang masigurong hindi na mauulit ang siklo ng pang-aabuso.

 

Mula noon hanggang ngayon

“Siguro lahat ng mamamayan, mula sa mga kabataan, sa estudyante hanggang sa mga nakakatanda, maging aktibo na … panahon na [para] magsalita tayo … ” isa ito sa mga naging panawagan ni Ian na nakapanayam ng The Benildean noong Trillion Peso March sa EDSA. Patuloy na maging mulat at magsilbing boses para sa mga pilit na pinapatahimik. Ito ang hiling ng mga nakatatandang dumalo sa protesta. Inudyukan din ni Ian ang mga kabataan na magsalita at kumilos, bukod pa roon ay binigyang-diin din niya ang halaga ng pagiging matalino sa pagboto.

Sa mga usaping kinakaharap ng Pilipinas, madalas ay lumilipas din ito, subalit naniniwala si Emil Mijares Jr., 73-anyos na galing ng First Quarter Storm na ganito rin ang nangyari sa EDSA revolution. Karamihan ng mga Pilipino noon ay tahimik lang sa umpisa, o kung tawagin ay neutral, ngunit kalauna’y namulat at lumaban din sila na nag-udyok ng rebolusyon. 

Isa sa mga dahilan ng pagdalo ni Emil sa protesta ay ang laganap na korapsyon. “Naisip ko parang last na participation ko na ‘to… kasi 73 years old na ‘ko,” dagdag pa niya. Nang tanungin ng The Benildean ang kaniyang mensahe sa mga Pilipino, “Siguro panahon na rin para labanan ang korapsyon, sabi nga nila ‘sobra na, tama na,’” saad ni Emil.

Hindi lamang pabor para sa kabataan ang narinig ng The Benildean, sapagkat para kay Cesar na matagal nang nakikilahok sa mga protesta mula pa noong People Power Revolution taong 1986, “Dapat ibalik na sa atin yung mga ninakaw nila. Kung maaari nga ikulong sila… sunugin nang buhay.” galit na daing ni Cesar. 

Bilang nakatatanda, inanyayahan din niya ang mga kabataan na sila na ang magpatuloy ng laban dahil naniniwala siya na ito na ang panahon para akuin ng mga kabataan ang tungkulin ng boses tungo sa pagbabago. Ang sigaw ng galit na puso ni Cesar para sa pamahalaan ay sana'y mahiya ang mga nakaupo sa gobyerno sa mga mamamayang Pilipino, “kawawa ang mga tao,” pagdidiin niya.

 

Ang mga tagapagmana ng paninindigan

Kung ang mga nakatatanda ay lumaban upang bawiin ang demokrasya, ngayon naman ay nasa kabataan ang pribilehiyo upang ituloy ang laban. Sa mga panayam ng The Benildean, sila ay mapakikinggan bilang boses ng kasalukuyang pakikibaka.

Para kina Stella at Andi, mga estudyante mula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) at De La Salle University (DLSU), ang kanilang pagdalo sa protesta ay pagkilala na ang pribilehiyong natatamasa sa edukasyon ay hindi hiwalay sa kalagayan ng sambayanan. Inilahad nila na, “I recognize that I’m in a very privileged position, especially ‘yung nagbabayad ng tuition ko sa UP [ay] mga taong bayan, siyempre dapat magalit ako na ‘yung mga nagbabayad ng tuition ko ‘yung nahihirapan.” Para sa kanila, ang pagiging parte ng kabataan ay hindi dahilan upang manatiling tahimik, bagkus ay isang pagkakataon upang gumawa ng tamang desisyon para sa kinabukasan. 

Samantala, binigyang-diin naman ni Violet, estudyante mula sa DLS-CSB, na kailangan nating hamunin ang katiwalian ng mga nasa kapangyarihan. Malinaw ang kaniyang paninindigan nang sabihin niyang, “Ito na ‘yung time natin bilang kabataan or as Filipinos para mag step-up. We need to let them know that our voice matters.”

Sa kaniyang paalala, ang mga pulitiko ay nasa pwesto hindi upang pagsilbihan ang sarili kundi upang gampanan ang tungkulin sa bayan. Nagwakas siya sa panawagan, “Sana makita ninyo na ‘yung tungkulin niyo ay para sa bayan, para sa kinabukasan ng lahat… na sa paggawa niyo ng mga korapsyon, tinatanggalan niyo ng kinabukasan ang mga Pilipino.”

 

Ang Trillion Peso March ay isang patunay na ipinagpapatuloy ng mga kabataan ang pagsisilbing boses para sa bayan gaya na lamang ng mga nakalipas na henerasyong lumaban bitbit ang adhikaing panagutin ang mga nagkasala, pagkapantay-pantay, at ang patas na pamamahala ng pamahalaan. 

 

Huwag nating maliitin ang boses ng bawat isa.  Dahil kapag ito'y nagsama-sama'y magsisilbi itong tinig ng sambayanan na walang anumang puwersa, kahit sino pa man ang nasa kapangyarihan, ang makakapilit sa ating pumikit—dahil tayo ay patuloy na mamumulat.