Inilatag Ni Reina Cruz
Inilatag Ni Reina Cruz.

Lumangoy, malunod, at umahon sa “Ang Balyena”


Gaano kalalim ang kaya mong sisirin kung ang mismong tubig ang humihigop sa iyong tinig? Saksihan ang dula ng Aninag Theatre na “Ang Balyena”—isang kwento para sa mga nalunod, hindi sa alon, kundi sa bigat ng mga alaala ng kahapon. BABALA: Ang artikulong ito ay naglalaman ng mga sensitibong paksa na may kinalaman sa panggagahasa na maaaring makasama o magbigay ng trauma sa ilang mambabasa.


By Mariah Corpuz, and Jewel Mae Jose | Friday, 1 August 2025

Sa kailaliman ng karagatan, may mga sigaw at lihim na nais ilantad ng nakaraan—ito ang hatid ng Ang Balyena, isang orihinal na dula ng Aninag Theatre na unang itinanghal noong Hulyo 19 sa 5/f DAC Theater, Design + Arts (D+A) Campus ng De La Salle–College of Saint Benilde (DLS-CSB).

 

Sa direksyon ni Joy Delos Santos at katuwang na direksyon ni Andrea Resurreccion, tila banayad sa simula ang daloy ng kwento, ngunit unti-unting lumalalim sa emosyon at katotohanan. Bilang thesis production, Ang Balyena ay hindi lang pagtatanghal, kundi isang matapang na pagsisid sa sining, alaala, at lipunang madalas nakakalimot.

Ang dula ay umiikot sa buhay ni Jonah (Dave Palomo), isang kilalang swimming coach na hinahangaan sa kanyang tagumpay at tapang bilang dating “golden boy” ng isports, ngunit nabunyag ang kanyang mga sugat sa paglipas ng mga eksena. 

 

Sa pagbabalik sa taong 2008, makikita si Jonah bilang isang probinsyanong nangangarap makapasok sa varsity team ng Blue Whales. Sa unang paglusong niya sa lungsod, agad siyang sinalubong ng panunukso at pang-aapi, ngunit nagkaroon siya ng sandigan kina Cassie (Rianne Ang), isang mahusay na atleta, at Gin (Jeric Tan), isang kwelang kaibigan. Sa dula, gumuguhit ang tanong kung handa na bang harapin ni Jonah ang kanyang nakaraan at ang sariling balyena na matagal niyang nilubog sa ilalim ng tubig.

 

Malunod sa gitna ng mga karahasan

Ang paglikha ng Ang Balyena ay hindi lamang proyekto, kundi isang paglalakbay ng pakikinig at pagkilala. 

 

Ayon kay Delos Santos—isang theater artist, cultural worker, at Managing Director ng Philstage, mas maraming babaeng aktres sa dula, na aniya'y salamin ng katotohanan: “When these topics are brought up, it is often the women or the female-identifying people who are more vocal about topics of sexual abuse and assault.” Bagamat siya rin ay biktima ng pang-aabuso, aminado siyang, “I do not fully understand what it means to be a male sexual abuse survivor.

 

Sa panayam din ng The Benildean sa mga kasalukuyang mag-aaral ng Theater Arts sa DLS-CSB na sina Andrea Resurreccion, katuwang na direktor at production manager, at Aidan Angan, dramaturg at pangunahing mananaliksik, ibinahagi nila ang pinakaugat ng tema at diwa ng Ang Balyena.

Ayon kay Angan, nakita nila ang kakulangan ng midya sa pagbibigay-pansin sa mga lalaking biktima, at aniya, “There is a lack of media empathizing with the narrative that it’s not always, if you are a woman, you are the victim.” 

 

Dagdag ni Resurreccion, “We decided to go for male sexual assault victims and how it correlates to toxic Filipino masculinity,” at iginiit nilang hindi dapat eksploytatibo kundi sensitibo ang pagtalakay sa ganitong paksa, lalo na sa kulturang Pilipino na kulang sa espasyo at wika para sa mga lalaking biktima.

 

Umahon mula sa balyena

Isa sa mahalagang elemento ng piyesa ay ang paggamit ng balyena at paglangoy bilang metapora sa karanasan ng trauma. Ayon sa mga lumikha ng dula, ang dambuhalang nilalang sa malawak na karagatan ay sumasalamin sa pakiramdam ng pagkakulong sa kabila ng kaluwagan ng paligid. Ang paglangoy naman ay simbolo ng kontrol at kalituhan—isang komentaryo sa patuloy na pagpupunyagi sa kabila ng pagkalunod.

 

Pinatibay ng produksiyon ang metaporikal na lalim ng dula gamit ang minimal ngunit makapangyarihang elemento—ilaw at simpleng props na lumilikha ng ilusyon ng dagat. Sa galaw ng mga aktor at pagbabago ng ilaw, ramdam ang bugso ng trauma sa katawang patuloy na lumalaban sa pagkalunod.

 

Sa pagtatapos ng Ang Balyena, malinaw na hindi ito simpleng pagtatanghal kundi isang kolektibong pagninilay na nagbibigay-lakas sa mga tinig at kwentong matagal nang pinatahimik. Ipinakita ng produksyon na ang pag-amin sa sakit ay hindi kahinaan kundi hakbang tungo sa paghilom. Higit sa lahat, paanyaya ito na makinig—sa iba at sa sariling sigaw. Sapagkat sa mundong patuloy na nagsasabing kailangan mong tumibay, mahalaga ring matutuhang huminto, lumangoy paitaas, at umahon—bitbit ang pag-asang may espasyong naghihintay sa liwanag.

 

Abangan ang mga susunod na pagtatanghal ng Ang Balyena sa Facebook page ng Aninag Theatre para sa karagdagang detalye at anunsyo.