Dibuho Ni Ralph Dacanay
Dibuho Ni Ralph Dacanay.

Nagbabalik na “Aura” mula sa IV of Spades


Sa kanilang pinakabagong kantang “Aura,” ipinapaalala ng IV of Spades kung bakit sila ang bandang hindi mo basta-basta malilimutan kailanman.


By Rae Salonga | Monday, 21 July 2025

Walang anunsyo, walang teaser. Isang kanta ang inilabas ng Hulyo 16 ng nagbabalik na bandang IV of Spades, na kilala rin bilang IVOS. Sa paglabas ng single na Aura, binigyang-tinig ng IVOS ang katahimikan ng limang taon. Sa tunog at nilalaman, malinaw na hindi na ito ang IV of Spades na nakilala natin noon. At marahil, may bagong direksyon silang tinatahak. 

 

Sa mga nagmamasid, ang pagbabalik ng apat na miyembro ay dating tila imposibleng mangyari. Matapos ang pag-alis ni Unique noong 2018, humiwalay siya sa dati niyang imahen at tuluyang naging solong artist. Noong 2020, inanunsyo ng banda ang indefinite hiatus.

 

Si Zild, sa kabilang banda, ay naging mas bukas sa bagong tunog at ibang paraan ng pagbabahagi ng emosyonal na nilalaman. Sa mga album niya tulad ng Medisina at Huminga, inilahad niya ang takot, pagod, at pagkalito ng isang musikero sa panahon ng pagkalugmok. Si Blaster ay naglabas din ng sarili niyang musika, mas nakatuon sa genre ng rock, at may sariling panlasa sa melodya. Si Badjao naman, bagamat tahimik sa mata ng publiko, ay patuloy na naging aktibo sa likod ng mga proyekto.

 

Mga landas ng Ilaw sa Daan
Ang kantang Aura ay may mabagal na tempo, mas pinong himig, at halos walang bakas ng funk o bass-heavy na istilo na nagtatak ng pagkakakilanlan ng IVOS noong panahon ng  CLAPCLAPCLAP! na album. Sa halip, gumamit sila rito ng mas atmosperikong produksyon,  mga lirikong introspektibo, pinagpatong-patong na mga boses, at minimal na pagsasaayos ng mga instrumental na aspeto. Ramdam sa bawat linya ang sensibleng paglalakad sa pagitan ng pagkalito at pag-asam na mga temang malapit sa kanyang paraan ng pagsulat.

Hindi rin maikakaila ang bakas ng iba. Sa bahagi ng pre-chorus at bridge, kapansin-pansing lumambot ang himig at nagkaroon ng damdaming tila nananawagan ng muling paglapit. May pagkakahawig ito sa mapanlikhang porma ni Unique na malinaw at buo ang tinig, ngunit may halong pag-aalinlangan, at mga nais na kinikimkim.

Halos hindi mo maririnig ang mga elemento tulad ng slap bass lines ni Zild o guitar riffs ni Blaster na dati’y nagpapakilos ng katawan. Sa halip, naroon ang halos pumapaligid na pagtimpla ng synths at pailalim na drums, parang musika para sa pagninilay, hindi sayawan. Isa itong malaking liko mula sa dati nilang anyo.

 

Sa kabila ng Mundo

Inilantad nila ang kalituhan, layo, at ang hindi maipintang presensya ng isang taong dati’y malapit. Sa halip na bumalik sa dati, ipinapakita ng Aura ang isang masalimuot na espasyong namamagitan sa mga linyang, “Kilala pa ba kita?” at ang paulit-ulit na pagbanggit ng, “Ikaw pa rin ang hahanapin.” Sa bawat linya, naroroon ang bigat ng mga bagay na hindi nasabi, lumilitaw ang pakikibaka ng isang ugnayang piniling hindi wakasan. 

 

Sa dulo, isang awit na simple sa anyo pero mabigat sa diwa, ang Aura ay pahiwatig na may mga ugnayang kahit gaano kalayo ang marating, ay hindi lubusang napuputol. Sa linyang “kahit minsa’y magulo, yayakapin nang buo,” may pag-ako ng layo, ng pagkakaibang landas, at ng pananabik na kahit hindi sigurado, buo pa ring naroroon. 

 

Kung ito man ang simula ng panibagong yugto ng IV of Spades, malinaw ang kanilang mensahe: nagbago man ang lahat, ang pagtanaw sa isa’t isa ay nananatiling totoo.

 

Mapapanood ang music video ng Aura sa Youtube at mapapakinggan din ito sa Spotify.