Litrato Ni John Cadungog
Litrato Ni John Cadungog.

“Makibeki, ‘Wag Mashokot: Ang sigaw ng Lov3Laban Pride”


Hindi lang ito entablado ng drag at palamuti ng watawat—ito’y plataporma ng paglaya. Makiisa sa isang makulay na paglalakbay sa #Lov3Laban Pride PH Festival sa UP Diliman, kung saan ang dangal ng pagkatao ay ipinaglalaban sa gitna ng aliwan, sining, at sigaw ng bayan.


By Primo Cruz, and Rae Salonga | Thursday, 3 July 2025

Hindi ulan, init, o pananakot ang nakapigil sa libu-libong lumahok sa Lov3Laban Festival noong Hunyo 28 sa UP Diliman. Sa lansangang puno ng sigaw, kulay, at paninindigan, bitbit ang panawagan para sa karapatang pantao, pagkakapantay-pantay, at seguridad. Sa taong 2025, nananatiling malinaw na ang Pride ay anyo rin ng protesta laban sa sistematikong pang-aabuso at kawalang-katarungang patuloy na nararanasan ng LGBTQIA+ na komunidad. 

Sa bawat indak ng katawan, sa bawat sigaw ng paghingi ng katarungan, at sa bawat pagwagayway ng bahagharing watawat—muling nanindigan ang komunidad sa ilalim ng araw at ulan. Sa gitna ng aliw, sining, at kasiyahan, idinaos ang Lov3Laban Festival hindi lamang bilang isang selebrasyon ng Pride kundi bilang isang malawakang pagkilos para sa karapatang pantao at pagkakapantay-pantay.

Hindi na bago ang tanawin ng mga makukulay na kasuotan, plakard ng protesta, at drag queens na tila sining na naglalakad. Ngayong taon, tulad ng mga taong naglipas, malinaw na ang Pride ay hindi lang para sa entablado. Ito ay isang plataporma ng paglaya, isang pagtitipon ng libu-libong tinig na pagod nang manahimik. Sa kabila ng lumalalang diskriminasyon, pananakot, at pagtatangkang patahimikin ang mga minoridad, napatunayan ng Lov3Laban na hindi kailanman kayang buwagin ang isang kilusang ang pinakapuso ay pag-ibig—isang pagmamahal na hindi kailanman humihingi ng paumanhin sa anyo, pagkatao, o paninindigan nito.

Ang UP Diliman ay muling naging kanlungan ng mga tinig na matagal nang nais marinig. Mula sa mga estudyanteng may rainbow pins hanggang sa matatandang nagmartsa noong unang idinaos ang Pride sa Pilipinas, iisa ang mensahe: ang laban para sa dangal at pagkilala ay hindi pa tapos. At habang may mga patuloy na itinatanggi ang ating karapatan, patuloy ring sasayaw sa gitna ng kalsada bilang pahayag ng pagkabuhay at pagtutol.

Ang pagbuo ng layunin

Inilatag nang maaga ang entablado para sa Lov3Laban Festival sa pamamagitan ng solidong pakikipagtulungang inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Quezon City, UP Diliman, at Pride PH Coalition. Sa katunayan, ang isang memorandum of agreement ay pinagtibay para sa pormal na pag-oorganisa ng Pride Expo, Pride March, Pride Night, at “Pride Villages” sa iba’t ibang sulok ng lungsod, na nagbibigay ng mas ligtas at inklusibong mga espasyo para sa lahat ng identidad na kalahok.

Ang presensya ni UN Resident Coordinator Arnaud Peral ay lalong nagpatatak ng mensahe: ang UN ay patuloy na nakikiisa sa laban para sa proteksyon at dignidad ng LGBTQIA+ community, pati na rin sa pagtulak sa SOGIE Equality Bill. 

Sa lokal naman, binigyang-diin ni Mayor Joy Belmonte ang matibay na suporta ng Quezon City sa pamamagitan ng umiiral na mga polisiyang pro–gender equality at konkretong aksyon laban sa diskriminasyon. Pinarangalan din ni UP Chancellor Edgardo Carlo Vistan ang UP Diliman bilang ligtas na espasyo para sa queer community at kanilang maging kumpas sa kapanahon ng kilusan.

Malayo pa, pero malayo na

Nakapanayam naman ng The Benildean ang ilang mga tao upang ihain ang mga kwento at pagpapahayag ng suporta ng mga dumayo sa selebrasyon at protesta.

Isa rito ang drag queen na si Samantha Decisis, na nakadalo na sa selebrasyon ng Pride sa ikatlong pagkakataon. Ibinahagi niya, “I grew up in a Christian family, so I have not experienced ‘yung mga ganitong celebrations, so parang I’m healing my inner child.” Patuloy rin niya, “My art identifies with my gender identity and expression.”

Ayon naman kay Ren Aguila, isang taga-suporta ng komunidad, “First time ko rito sa Pride Parade, malaking bagay ang Pride as an event, especially with the threats to (LGBTQIA+) people in this country. Ang mahalaga dito is to try to work not for tolerance …, but acceptance. Hindi pa rin lubos na natatamo ng (LGBTQIA+) community natin ito.”

Samantala, ayon sa transwoman na si Jean Esperida, “Ang mga stereotype na kadalasang nangyayari sa (LGBTQIA+) ay especially sa age namin, gender namin, at persona namin. As a transwoman, parang ang hirap naman na ang tingin sa’min ay bastos, salot sa lipunan.”

Dagdag pa niya, “Pride month man o hindi, masaya naman ako kasi alam ko sa sarili ko na wala akong ginagawang mali, at wala naman akong binabanggang tao.”

Sabi naman ni Maki Aparato, na aktibong nakikipaglaban para sa karapatan ng komunidad, “it's a space where everyone is so connected and there's no judgment … Makakatulong ito para mas maintindihan mo ang mga karapatang ipinaglalaban ng mga kapatid nating (LGBTQIA+).” 

Dagdag pa niya, “Dapat yung SOGIE bill ay patuloy nating ipinaglalaban. ‘Di naman ‘yun tungkol lamang sa basic na karapatan, tungkol ‘yon sa pakikipaglaban in relation with mental health.” Mensahe naman niya sa mga kabataang (LGBTQIA+), “Hindi lang tuwing pride month, you are celebrated, at patuloy namin ipaglalaban ang pantay na karapatan para sa inyo. Continue to become the most colorful versions of yourselves … malayo pa, pero malayo na.”
Sa pagtatapos ng isang araw ng makulay na pagdiriwang, naipaalala ng Lov3Laban Pride sa UP Diliman na higit sa kasiyahan, ito ay isang kolektibong panawagan para sa pagkilala at pagkakapantay-pantay. Bawat hakbang ng parada, bawat sigaw ng “ipasa na!” at bawat awit ng paglaya, itinatanghal ang tunay na diwa ng Pride—na ito ay hindi lamang isang paggunita sa mga tagumpay ng komunidad, kundi isang patuloy na laban para sa mga karapatang patuloy na ipinagkakait.

Mula sa mga nakapanayam ng The Benildean, naging malinaw na ang sentro ng damdamin ng mga lumahok ay hindi lamang pagtanggap ng sarili, kundi ang paghingi ng hustisya mula sa sistemang tila bulag sa pag-iral ng iba’t ibang identidad. Sa kanilang mga tinig, inihayag ang matagal nang hinaing: ang karapatang mabuhay nang ligtas, magmahal nang malaya, at makilala sa mismong pagkatao ay hindi dapat ipinaglalaban—ito’y dapat iginagalang mula pa sa simula.

Ang Lov3Laban ay paalala sa bawat isa—lalo na sa mga may pribilehiyo at kapangyarihang gumawa ng pagbabago, na ang pagtanggap ay hindi dapat hinihintay; ito’y dapat ibinibigay. At habang nananatiling pangarap pa rin ang pagpasa ng SOGIE Equality Bill at ang pagkakaroon ng ganap na proteksyon para sa LGBTQIA+, hindi hihinto ang laban. Hindi hihinto ang Pride.

Sapagkat sa mundong pilit kumakahon, ang pag-iral ng isang taong kumikilala sa sarili ay isang rebolusyon. Sa panahong ang pagmamahal ay pinipilit ikahon sa iisang anyo, ang pagkilala sa iba’t ibang uri nito ay isang anyo ng paglaya.