Layout By Maia Martin
Layout By Maia Martin.

Nababasa mo ba ‘to?


Kung ang pamahalaan ang repleksyon ng sambayanan, anong uri ng larawan ang isinasalamin nito sa kasalukuyan?


By Shainne Velasco | Saturday, 14 June 2025

Batay sa datos mula sa Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMSS) noong Abril 30, tinatayang 18 milyong Pilipinong nakapagtapos ng hayskul ang itinuturing na functionally illiterate o hirap pa ring bumasa at sumulat sa antas na kinakailangan upang makasabay sa pang-araw-araw na buhay. Bukod pa rito, 5.8 milyong Pilipino ang ganap na di marunong bumasa at sumulat. Ngunit, ano nga ba ang pamantayan sa pagiging functionally literate?

Noong 2024, binago ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang batayan ng functional literacy. Sa ilalim ng lumang pamantayan noong 2019, itinuturing nang functionally literate ang isang tao basta’t nakapagtapos ng hayskul. Ngunit ayon sa bagong kahulugan, ang functional literacy ay hindi na lamang nasusukat sa kakayahang bumasa at sumulat, kundi sa kakayahan ng isang tao na magkaroon ng mas mataas na antas ng pag-unawa—isang bagay na patuloy na hamon para sa maraming Pilipino.

Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, “I support the new definition [of literacy] because now we have a good picture of where we are.” Dagdag pa niya, “This is where basic education comes in. That 18 million should not happen. No one should graduate in our basic education system that is functionally illiterate.”

 

Inirekomenda ni Sen. Gatchalian sa mga lokal na pamahalaan na gamitin ang mga datos mula sa PSA upang makabuo ng sarili nilang mga programang pang-literasiya. Bukod pa rito, isa sa mga solusyong nais ipatupad ay ang pagbawas ng mga asignatura upang mailaan ang pokus at kakayahan ng mga estudyante sa mga pangunahing kasanayan, ayon kay Second Congressional Commission on Education (EDCOM2) Co-Chair Representative Roman Romulo. 

Binigyang-diin din ang pagsasaayos ng balangkas ng K to 12, kung saan ilan sa mga pangunahing hakbang ng DepEd ay ang pagbibigay-pokus sa literasiya sa pamamagitan ng mga programang Bawat Bata Makababasa, Literacy Remediation, at ARAL Program.

Binigyang-diin ni Sen. Gatchalian ang mga lalawigan ng Tawi-Tawi at Davao Occidental—ang dalawang pinakamahirap na lalawigan sa Pilipinas—na nagtala ng pinakamataas na bilang ng mga Pilipinong hirap bumasa, sumulat, at umunawa.

Ngunit, ano nga ba ang mga aspekto na nararapat bigyang-pansin, kung sa kabila ng pagkakaroon ng silid-aralan ay nananatiling mataas ang porsyento ng mga estudyanteng functionally illiterate?

Hindi ito isang suliraning umusbong lamang nang kusa. Bagkus, isa itong patuloy na isyung kinakaharap noon pa man—bunga ng dekadang pagpapabaya sa krisis ng edukasyon na may malalim na kaugnayan sa nutrisyon ng kabataan, isang mahalagang ugnayan na nararapat bigyang-pansin, ‘pagkat ito ay krisis na tila binabalahura at patuloy na ipinagsasawalang-bahala.

Kung babalikan ang kamakailang pangangampanya ng mga kandidato sa pagka-senador, naging isa sa plataporma ni Kiko Pangilinan ang pagkakaroon ng free breakfast mula pre-school hanggang Grade 12. Bukod sa layuning ang kalahati ng mga sangkap ay magmumula sa mga lokal na magsasaka at mangingisda, makikinabang din ang mga estudyante dahil makaaambag ito sa pagbuti ng kalidad ng edukasyong kanilang matatamo.

Ngunit, umani ito ng mga batikos mula sa netizens nang makita ang kaniyang plataporma. Kung ito’y iisipin, maaari ngang isa itong hindi mahalagang suliranin. Ngunit, kung ito ay bibigyang ng malalim na pag-unawa, isa sa mga ugat ng mga umiiral na krisis ay ang malnutrisyon at pagkalam ng sikmura. Hindi ito simpleng isyu lamang, kundi isang suliraning nasa ilalim ng mas malalaking problema na patuloy na umuusbong.

One way to break the cycle of illiteracy is to make sure that our children receive proper nourishment […]” pahayag ni Sen. Gatchalian sa isang pagpupulong nang binigyang-diin ang kaugnayan ng nutrisyon at pagkakaroon ng mababang literasiya.

Ngunit, hindi lamang ang DepEd ang nagkulang sa paglutas ng matagal nang isyu, mayroong malalim na ugnayan at bilang ang Department of Social Welfare Development (DSWD) at National Nutrition Council (NNC).

Ito ay nagsisilbing paalala na mahalaga ang bawat departamento ng pamahalaan, at ang kasalukuyang kalagayan ng mamamayang Pilipino ay repleksyon ng tagumpay o pagkukulang ng gobyerno. 

Kung tunay na ninanais ng pagbabago, nararapat lamang na bumoto ng matalino at nang matalino, makiisa at makibaka sa laban ng masa.