Inilatag Ni Keith Espina
Inilatag Ni Keith Espina.

Flores de Mayo 2025: Pamumulaklak ng pananampalataya at tradisyon


Saksihan ang magagandang sagala at mabulaklak na paghahanda ng iba’t ibang lalawigan sa Pilipinas tuwing Mayo para sa isang buwang pagdiriwang nagtatanghal ng tradisyon, pagkakaisa, at pamamanata alay-alay sa imahe ng Mahal na Birheng Maria.


By Sofia Agudo | Tuesday, 3 June 2025

Sa pagpatak ng buwan ng Mayo sa bawat taon, masisilayan ang magagarbong arko’t paglalagay ng mga palamuting bulaklak mula sa mga baryo hanggang sa mga lungsod upang ipagdiwang ang Flores de Mayo bilang tanda ng pananalig ng mga Pilipino sa Mahal na Ina. 

 

Ang Flores de Mayo ay isang buwang pagdiriwang na nagbibigay parangal at papuri kay Birheng Maria. Karaniwan itong idinaraos ng mga deboto sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga bulaklak sa poon, pagbigkas ng nobena, at nagtatapos sa isang prusisyong tinatawag na sagalahan. 

 

Bagaman ang Flores de Mayo ay dinala ng mga Kastila sa Pilipinas, nagsimula ang laganap na pagdiriwang ng tradisyong ito sa Bulacan nang ilathala ni Fr. Mariano Sevilla noong 1867 ang kanyang pagsasalin ng “Flores de Maria”—isang koleksyon ng mga tula at awit bilang parangal sa Mahal na Birheng Maria. Si Padre Sevilla ay isang pari, nasyonalista, at manunulat na nakipaglaban para sa sekularisasyon ng mga paring Pilipino noong panahon ng himagsikan.

 

Isa sa mga pinakahihintay na bahagi ng pagdiriwang ng Flores de Mayo ay ang Santacruzan, isang relihiyosong prusisyon na nangyayari sa huling Linggo ng Mayo. Ginugunita nito ang mga unang araw ng Kristiyanismo at muling isinasalaysay ang kuwento ni Santa Elena sa paghahanap sa Banal na Krus kung saan ipinako si Hesukristo.

 

Ang mga sumusunod sa prusisyon ay may dalang mga kandila habang binibigkas ang Santo Rosaryo at umaawit ng mga awit ng papuri. Samantala ang mga sponsor—o mas kilala bilang Hermano at Hermana Mayor—ay mayroon ding mga responsibilidad na kinabibilangan ng pagtanggap sa mga dadalo, paggawa ng mga paghahanda, at pagpili sa mga dalagang kasama sa sagalahan.

 

“Ang bawat isa sa mga sagala ay kumakatawan sa isang karakter na hango sa bibliya, mga katauhan ng Birheng Maria, at personipikasyon ng mga birtud ng pananampalataya, pag-asa, at kawanggawa,” paliwanag ni Rizalina de Ocampo, 57, ang Pangulo ng Pandiyosesis na Sentro ng Katekesis - San Isidro Labrador Parish (PASKA-SILP) sa Bulakan, Bulacan. Gayunpaman, ang huling babae sa prusisyon na may dalang krus ay kumakatawan kay Santa Elena. Siya ay kadalasang sinasamahan ng isang binatang kumakatawan naman sa anak niyang si Constantino.

 

Pagtawid ng debosyon at tradisyon

Ang Flores de Mayo ay tumatayong simbolo ng pananalig at ng mayamang kultura ng mga Pilipino. Ipinapakita nito ang matatag na debosyon ng sambayanan sa Mahal na Birheng Maria at kung paano binubuklod ng relihiyon ang mga komunidad upang magbigay ng pag-asa, lakas, at pagkakaisa sa kabila ng iba't ibang pagsubok. Higit pa rito, sinasalamin ng selebrasyong ito ang likas na pagkamalikhain at pagiging masining ng mga Pilipino na namamalas sa mga ginagawang arko, kasuotan, at iba pang masusing paghahanda na inilaan para sa okasyong ito.

 

Subalit sa pamamagitan ng pag-unawa sa kahulugan ng Flores de Mayo, nagiging epektibo rin itong paraan upang maipalaganap ang katesismo at maituro sa kabataan ang mga ugat ng kanilang pananampalataya, kultura, at kasaysayan.

 

“Mahalaga pa rin ang mga tradisyong ito hanggang ngayon, lalo na sa kabataan. Nakakatulong itong maitanim sa kanilang kamalayan ang pagpupugay sa Mahal na Birheng Maria, gayundin ang mga tauhan at pangyayaring nag-ambag sa kuwento ng Kristiyanismo,” wika ni de Ocampo sa kaniyang panayam sa The Benildean.

 

Pamana ng kahapon

Ngunit mula sa pagiging purong relihiyosong prusisyon, ang pananaw ng mga tao tungo sa Santacruzan sa henerasyong ito ay napunta na lamang sa ideya na ito’y isang relihiyosong fashion showo “beauty contest.” Marahil ito ay dahil maingat na pinipili ang mga magagandang babae mula sa bawat bayan upang ilarawan ang iba’t ibang katauhan ng bibliya, at sila’y inaasahang magsuot ng mga magagarbo’t engrandeng kasuotan sa sagalahan.

 

“Sana alalahanin natin na ang sagalahan ay isa pa ring uri ng prusisyon, at dito natin ipinagdiriwang ang Banal na Krus at ang Mahal na Birheng Maria. Ito ang dahilan kung bakit lahat tayo ay nagtitipon-tipon sa selebrasyong ito,” dagdag ni de Ocampo.

 

Ngunit tulad na lamang ng ibang tradisyon, ang pagpapanatili ng tunay na kahulugan at mga kaugalian sa pagdiriwang ng Flores de Mayo ay nangangailangan din ng partisipasyon at dedikasyon ng mga kabataan sa simbahan.

 

“Sa panahon ngayon, dapat maging aktibo at nakaugat sa simbahan ang mga kabataan upang matutunan nila ang mga tradisyon nito at maipasa ito sa susunod na henerasyon. Kayo ang magpapatakbo ng simbahan balang araw at magpapatuloy sa mga turo, banal na kasulatan, at kaugalian nito,” ayon kay Clarita Armildez, 76, ang Pangulo ng Samahang Kababaihan ng Sto. Rosario sa Bulakan.

 

Wika naman ni Angeline Lunod, isang 18 taong gulang na miyembro ng Ministry of Parish Commission on Youth (PCY), “Makabuluhan ang Santacruzan sapagkat pinapalalim nito ang ating pananampalataya, pagkakaisa, at pagpapahalaga sa ating kultura. Bilang kabataan, dapat tayong makilahok sa pagdiriwang at hikayatin ang iba na makiisa upang ang tradisyong ito ay mapangalagaan at hindi mapaglipasan ng panahon.”

 

Sa kabila mga pagbabago sa lipunan, nananatiling buhay ang diwa ng Flores de Mayo sa puso ng bawat Pilipino bilang isang patunay ng kanilang matibay na ugnayan sa relihiyon, kultura, at kasaysayan. 

 

Nawa’y maging daan ito upang patatagin pa ang pananampalataya, muling buhayin ang pinanggalingan, at itanim sa puso ng kabataan ang kahalagahan ng mga tradisyong bumuo’t patuloy na humuhubog sa kanilang pananalig at pagkatao bilang mga Pilipino.