Layout By Rara Lubay
Layout By Rara Lubay.

De(boto): Usok sa dalawang halalan


Sa pagitan ng eleksyong para sa simbahan at para sa lipunan—ito ba’y isang bagong simula kung saan tayo ang magwawagi, o isa na namang yugto na muli nating itatanggi?


By Mariah Corpuz | Monday, 19 May 2025

Humupa na ang usok ng dalawang eleksyon na inabangan ng mga Pilipino: ang conclave, o ang pagpili ng susunod na Santo Papa ng Simbahang Katolika na ginanap noong Mayo 7 hanggang 8, at ang Midterm Elections na nagluklok ng mga bagong mambabatas ng bansa noong Mayo 12. 

 

Kasabay ng mainit na panahon ang matitinding kaganapan para sa mga halalang ito, na tinutukan ng milyon-milyong Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo. Kabilang dito ang pagbubunyi ng mga Katolikong deboto sa pagkahalal kay Kardinal Robert Francis Prevost bilang bagong Santo Papa. Gayundin, ang mga botante na hanggang sa araw ng botohan ay todo suporta pa rin ang binigay sa mga napupusuan nilang kandidato.

 

Kung ating pagmamasdan, ang dalawang magkaiba at karaniwang pinaghihiwalay na bahagi ng komunidad ay nasa parehong katayuan kung saan ang dalawang sektor ng lipunan ay nagkaroon ng mga bagong pinuno.

 

Ang mga Pilipino, Katoliko man o hindi, ay patungo sa panibagong kabanata. Nakasalalay sa mga halalang ito ang kinabukasan, hindi lamang ng simbahang Katolika, kundi pati ng buong sambayanang Pilipino.

 

Kaya naman sa pagkakataong ito, isang tanong ang patuloy na bumabagabag: Naipanalo kaya sa puwesto ang mga kandidatong karapat-dapat na umupo't mamuno upang paglingkuran ang nasasakupan?

 

Hudyat ng usok sa kapilya

Isang debosyonal na pagtitipon ng mga kardinal na nananalangin at humihingi ng gabay mula sa Poong Maykapal, ang conclave ay isang sagradong proseso ng pagpili ng Santo Papa na nagsimula pa noong taong 1276.

 

Nagsimula ang kasalukuyang conclave noong Mayo 7, 16 na araw matapos pumanaw si Pope Francis. Isinagawa ito sa Sistine Chapel sa Vatican kung saan nagtipon ang 133 cardinal electors mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa kauna-unahang pagkakataon, lumagpas sa 120 ang bilang ng mga bobotong kardinal.

 

Labis ang pananabik ng mga Katolikong deboto nang lumabas ang puting usok mula sa tsimenea ng kapilya noong Mayo 8, oras sa Pilipinas, na nagsilbing senyales ng matagumpay na botohan para sa susunod na Santo Papa.

 

Hindi ko inaasahang si Kardinal Prevost ang pipiliin ng mga kardinal bilang kahalili ni Pope Francis—at ngayo’y kikilalanin na siya bilang si Pope Leo XIV, ang kauna-unahang Santo Papa na nagmula sa Estados Unidos.

 

Sa gitna ng maiingay na haka-haka sa social media at listahan ng mga papabile mula sa mga eksperto at komentaryo ng media, isang tahimik, halos ‘di pinag-uusapang pangalan ang lumutang sa itaas. Isang Amerikanong kardinal na hindi palahayag, hindi maingay sa pampublikong diskurso, ngunit malinaw na hinirang—maaaring hindi lamang ng kanyang mga kapwa kardinal, kundi pati ng Poong Maykapal.

 

Marahil, bilang mga Pilipino, ay masyado tayong nakatuon kay Kardinal Luis Antonio Tagle, dating Arsobispo ng Maynila, dahil sa kanyang mga nagawa at sa pag-asa ng pagkakaroon ng kauna-unahang Asyano at Pilipinong Santo Papa. Ngunit baka nalilimutan nating ibang-iba ang proseso ng conclave sa halalang pampulitika.

 

Nilinaw ni Kalookan Bishop, Kardinal Pablo Virgilio David, ang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at isa sa tatlong Pilipinong cardinal electors, na walang mga partikular na kandidato sa halalang magaganap. Lahat ng 133 cardinal electors ay maaaring mapili bilang susunod na Santo Papa.

 

Ipinaliwanag ni Cardinal David na magkaiba ang pamamaraan ng pagpili ng lider ng Simbahang Katolika sa eleksyong pamilyar sa marami sa atin.

 

“Natatawa ako kasi laging may nagtatanong ng mga popular na mga kandidato–wala pong kandidato sa conclave. There’s no such thing as alam niyong eleksyon. Walang mamimigay ng ayuda, walang maglalagay ng tarpaulin, walang mangangampanya,” pahayag ng kardinal sa isang panayam ng media sa kaniya noong Abril 23.

 

Kaya sa paghalal kay Pope Leo XIV, aking napagtanto na hindi ang katanyagan ng pangalan o kataasan ng posisyon ang batayan upang piliin bilang pinuno ng Simbahang Katolika. Ang kadalisayan ng puso at taos-pusong malasakit sa kapwa ang siyang nagtulak sa mga cardinal electors na italaga siya bilang bagong Santo Papa — isang mabuting pastol para sa Simbahang Katolika.

 

“La pace sia con tutti voi!” o “Peace be with you,” saad nga ni Pope Leo XIV sa kaniyang unang talumpati bilang Santo Papa. Isang panimula na payapa, mapagpakumbaba, at puno ng panalangin, na tila ba paanyaya sa isang panibagong yugto ng pagkakaisa at pananampalataya. Isang panimulang malabo at malayo sa halalan na pampulitika, kung saan ang boto ay madalas na naaabot hindi sa dasal, kundi sa gimik.

 

Usok sa huling hirit ng eleksyon

Puspusan na ang pangongolekta at pagbibilang ng boto ng Commission on Elections (COMELEC) matapos ang pagsasara ng botohan at pagtatapos ng pagtitinta sa hintuturo ng mahigit 68.43 milyong Pilipinong botante para sa Halalan 2025 noong Mayo 12.

 

Kung sa Vatican ay isa lamang ang inihalal sa pamamagitan ng pagpili ng 133 cardinal electors, sa Pilipinas naman ay mahigit 43,000 ang naghangad ng pwesto, na nag-file ng kanilang Certificates of Candidacy (COC) noong Oktubre 2024, para sa kabuuang 18,320 posisyon sa buong bansa. 

 

Sa pinakahuling official count ng COMELEC, kabilang sa mga nangunguna sa resulta ng senatorial race sina Bong Go, Bam Aquino, Bato Dela Rosa, Erwin Tulfo, Kiko Pangilinan, Rodante Marcoleta, Ping Lacson, Tito Sotto, Pia Cayetano, Camille Villar, Lito Lapid, at Imee Marcos. Isang halo ng mga beteranong politiko, mga mula sa kilalang pamilya, at personalidad mula sa media ang inaasahang bubuo sa Magic 12. Ngunit, sila rin kaya ang makakabuo ng pagbabagong matagal nang inaasam ng sambayanan o uulit na naman sa mga pangakong walang kasunod na gawa?

 

Ngayong Halalan 2025, tila dumanas ang bansa ng isang uri ng polusyong eleksyon—hindi lamang mula sa usok ng trapiko, kundi sa samu’t saring pakulo ng mga kandidato sa kani-kanilang kampanya. Nagmistulang pista ang mga lansangan sa dami ng posters na parang banderitas; ang mga telebisyon, radyo, at dyaryo, ay puno ng campaign ads na mas madalas pang lumabas kaysa sa patalastas ng gatas o sabon; at ang mga kabahayan ginigising na ng mga jingle na paulit-ulit na parang alarm clock na ayaw tumigil—mas malala pa kaysa sa pagtilaok ng manok. Alam naman nating lahat na kapag eleksyon, lahat may paandar.

 

Ayon kay Ana Marie Pamintuan, punong patnugot ng The Philippine Star, sa kanyang column tungkol sa campaign pollution, “Certain environment officials believe the contaminants came from the rising production of tarpaulins for the 2025 midterm elections. So it’s no joke that politicians who are now plastering their campaign materials on every available public space should be charged with littering and environmental degradation.”

 

Ang komentaryo niyang ito ay hindi lamang naglalantad sa pisikal na kalat, kundi pati sa mas malalim na isyu ng iresponsableng kampanya—isang anyo ng pampulitikang "polusyon" na sumasaklaw sa kapaligiran, kaisipan, at sistema ng halalan.

 

Ilan sa mga kandidatong may malaking “ambag” sa “polusyong” ito ay sina Camille Villar at Imee Marcos, na nakapaglabas na ng mahigit ₱1 bilyon para lamang sa kani-kanilang mga patalastas, bago pa man magsimula ang filing ng COC at opisyal na panahon ng kampanya. 

 

Kung ganyang kalaki na ang gastos bago pa opisyal na nagsimula ang kampanya, ano pa kaya ngayon na tapos na ito—at partida, hindi pa kasama sa bilang ang iba pang kandidato? Paano kaya nila ito idedeklara sa kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE)?

 

Hindi ko rin maitatanggi na ikinagulat ko ang biglaang lantaran ng pagkakampihan o pag-eendorso ng iilang mga politikong kumakandidato ngayong taon. Mga dating mortal na magkakalaban sa pulitika—na ilang halalan ding nagtutunggali mula sa kulay hanggang sa apelyido—ngayo’y sabay na sumusuporta sa iisang kandidato. Isang hindi inaasahang pagsasanib-puwersa na tila ba binalewala ang nakaraan, at ngayo’y ipinipinta bilang isang "bagong simula."

 

‘Di maiwasang itanong na, “Pagkakaisa ba ito o taktikal na hakbang tungo sa kapangyarihan?” Sa mata ng marami, ang biglaang pagbabaliktad ng posisyon ay hindi simpleng diskarte — ito’y isang patunay kung paanong ang prinsipyo'y naisasantabi para sa pansariling interes.

 

Sa kabila ng mga taktikal na hakbang na ito, isang mahalagang aspeto ang hindi dapat kalimutan: ang kabataan. Ayon sa datos mula sa GMA Integrated News Research, ang mga botanteng kabilang sa Millennial at Gen Z ay bumubuo ng 63% ng kabuuang bilang ng mga botante sa Halalan 2025. Sa tala ng COMELEC, umabot sa 82.2% ang kabuuang voter turnout—pinakamataas na bilang sa kasaysayan ng midterm elections sa bansa—na nagpapakita ng mas mataas na antas ng kamulatan at aktibong partisipasyon ng kabataan sa demokratikong proseso.

 

Malaking hatak ang nakamit ng ilang kandidatong hindi inaasahang magkakaroon ng mataas na boto—napasama man sa Magic 12 o hindi. Kitang-kita ito mula sa mga mock elections ng iba't ibang institusyon hanggang sa mismong resulta ng botohan. Ang mga kandidatong gaya nina Heidi Mendoza, Luke Espiritu, at mga kasapi ng Makabayan koalisyon tulad nina Teddy Casiño, Arlene Brosas, at Danilo Ramos ay nakatanggap ng malaking kabuuang boto, na sinuportahan ng makabuluhang bilang mula sa mga kabataan.

 

Isa itong magandang senyales na may pag-asa pang mabago ang takbo ng botohan sa tulong ng mapanuring pag-iisip at paninindigan laban sa katiwalian at kasinungalingan na matagal nang nagpapabigat sa ating sistema. 

 

Ngunit ang pagbabagong ito ay hindi lang dapat iasa sa kabataan, kundi dapat itong maging sama-samang layunin ng bawat sektor ng lipunan.

 

Isang palatandaan o isang babala 

Sa dalawang halalang ito—isa sa sentro ng pananampalataya, at isa sa sentro ng pamahalaan—kapwa nakasalalay ang pag-asa ng milyon-milyong Pilipino. Habang taimtim at tahimik ang proseso sa Vatican, tila kabaligtaran naman ang nangyayari dito sa Pilipinas.

 

Sa tradisyon ng Simbahang Katoliko, ang usok ay nagsisilbing palatandaan ng pagkakaisa. Ngunit sa konteksto ng halalan ng pulitika, tila ibang klaseng usok ang bumabalot: usok ng polusyon, ingay ng pangangampanya, at singaw ng panlilinglang. Pareho silang nagdadala ng mensahe, ngunit magkaiba ang hatid. Ang isa'y simbolo ng liwanag, ang isa naman'y babala ng lumalalang kalakaran.

 

Datapwa’t tanging mga kardinal lamang ang may kapangyarihang pumili ng bagong Santo Papa, tayong mga botante naman dito sa ating bansa ay may taglay na isang makapangyarihang karapatan: ang pumili ng mga bagong pinunong maaaring maghatid, hindi lamang ng pagbabago, kundi pati ng pag-asa—ang pag-asang maitama ang mali.

 

Bilang isang batang botante at deboto, ang tanging hiling ko’y sana'y karapat-dapat ang naging bunga ng dalawang halalan. Hindi ako nangangamba dahil sa pangalan o personalidad ng mga kandidatong nanalo—maganda man o hindi ang kanilang imahe—kundi dahil sa tanong kung ano ang kaya nilang gawin matapos silang mahalal. Sapagkat hindi ang kanilang pagkapanalo sa botohan ang tunay na sukatan ng tagumpay, kundi ang mga konkretong hakbang at pagbabagong kanilang isusulong para sa bayan. Doon pa lamang natin masasabi kung tayong mga Pilipino nga ba ang tunay na nanalo.

 

Ngayong humupa na ang mga usok…

Tila kapwa nakikita sa dalawang halalang ito ang sabay na pagkakaisa at pagkakawatak-watak ng mga Pilipino. Sa isang banda, masaya ang maraming Pilipinong Katoliko sa pagkakapili kay Pope Leo XIV bilang bagong Santo Papa. Sa kabilang banda naman, mababasa sa social media ang pananaw ng mga nakakaangat sa buhay—mga komentong nanghuhusga sa mga botanteng hindi sumang-ayon sa kanila. 

 

Bilang isang Benildyano, inaasahan na isinasapuso natin ang Benildean Expressions (BenEx). Isa rito ang pagiging inklusibo—ang pagkilala sa halaga ng bawat indibidwal, kabilang na ang pagtanggap at pag-unawa sa kapwa. Ang paggalang sa mga pinili ng nakararami, kahit hindi tayo sang-ayon, ay pagiging inklusibo.

 

Kung hindi masaya sa resulta, ano ang dapat nating gawin? Matutong idaan sa maayos na pakikipag-usap sa mga nasa laylayan—alamin ang mga dahilan ng kanilang pagpili, ipaliwanag ang ating pananaw, at magbakasaling maliwanagan. Mahalaga na dapat hindi sila pangaralan at husgahan agad-agad. Ang pagkakawatak-watak natin ay maaaring gawing bala ng mga mapagsamantala para manatili sa kapangyarihan.

 

Sa pagsisimula ng bagong yugto, mas kailangan nating magkaisa, bilang mga mananampalataya man o bilang mga Pilipino, at maging mapagmatiyag. 

 

Ang panalangin at hangad ko lang sa mga nahalal na mga bagong pinuno—maging sa simbahan man o sa pamahalaan—nawa’y maging tunay silang tagapaglingkod, handang lapitan at mapagkakatiwalaan ng taumbayan. 

 

Humupa na ang usok. Ano na, Pilipino?