Layout Ni Reina Cruz
Layout Ni Reina Cruz.

Sulyapan ang madilim na katotohanan ng eleksyon sa “Balota”


Huwag palampasin ang film screening ng “Balota” at Voters Education Forum ng Center for Social Action sa ngayong Biyernes, Marso 21, na gaganapin sa 5F Theater ng Design and Arts Campus.


By Primo Cruz | Thursday, 20 March 2025

Sa loob ng isang silid-aralan, nagtuturo ang isang guro ng tama at mali. Ngunit sa panahon ng eleksyon, ang silid-aralan ay kusang lumalawak at nagiging larangan ng labanan para sa isang malinis at makatarungang halalan. Ito ang kwento ng tapang at prinsipyo ni Emmy—isang guro na sa panahong ito’y kailangang-kailangan ng bayan.

 

Mula sa direksyon at mga salita ni Kip Oebanda, ang Balota ay isang pelikulang pampulitika na nilikha noong 2024. Ito’y tumatalakay sa maseselang isyu na nakapalibot sa eleksyon sa Pilipinas. Tampok sa pelikulang ito si Marian Rivera, na gumaganap bilang Emmy, isang guro na hindi inaasahang mahaharap sa isang mapanganib at kritikal na sitwasyon habang ginagampanan ang kanyang tungkulin sa isang lokal na halalan. 

 

Ang Balota ay pormal din na inilunsad noong Agosto 2, 2024, bilang bahagi ng ika-20 Cinemalaya Philippine Independent Film Festival.

 

Ang pagtindig ni Teacher Emmy para sa demokrasya

Si Teacher Emmy ay itinalaga bilang miyembro ng Board of Election Inspectors sa kanilang presinto. Para sa kanya, ang pagiging guro ay hindi lamang tungkol sa pagtuturo ng tama at mali sa loob ng silid-aralan; ito rin ay isang paninindigan sa tunay na buhay. Naniniwala siyang bahagi ng kanyang tungkulin bilang isang mamamayan ang pagprotekta sa demokrasya, kaya’t tinanggap niya ang responsibilidad na tiyakin ang maayos na pagtakbo ng halalan sa kanilang lugar.

Ngunit hindi madali ang araw ng eleksyon. Sa kanyang presinto, naganap ang samu’t saring insidente ng pananakot, vote buying, at iba’t ibang anyo ng manipulasyon upang paboran ang isa sa mga kandidato. Dalawang makapangyarihang pangalan ang naglalaban para sa posisyon ng alkalde: Giancarlo Edraline (Gardo Versoza), isang prominenteng aktor na ginagamit ang dahas upang siguruhin ang kanyang pagkapanalo, at Elena Hidalgo (Mae Paner), isang milyonaryang negosyante na may sariling paraan ng pangungumbinsi sa mga botante. 

 

Sa pagitan ng dalawang ito, tila wala nang saysay ang boses ng karaniwang mamamayan—ngunit hindi papayag si Emmy na magwagi ang pandaraya.

 

Ang huling ballot box

Napagtanto ni Emmy na ang resulta ng eleksyon mula sa kanilang presinto ang maaaring maging mapagpasyang boto para sa pagkapanalo ng isa sa mga kandidato. Nang malaman ito ng kampo ng tiwaling kandidato, sinubukan nilang kunin ang ballot box upang mapalitan ang resulta. Dito nagsimula ang matinding habulan—literal at mapanagisag—sa pagitan ng isang guro at ng sistemang nais siyang patahimikin.

 

Sa kabila ng matinding takot, nagdesisyon si Emmy na tumakas patungo sa kagubatan dala ang ballot box, ang huling kopya ng tunay na resulta ng halalan. Hanggang sa napadpad si Emmy sa tahanan ng isa sa mga kumakandidato sa pagka-alkalde. Sa eksenang ito, ipinakita ang tensyon sa pagitan ng isang indibidwal na nagtatanggol sa demokrasya at ng isang makapangyarihang personalidad na handang gumamit ng dahas upang makamit ang kanyang layunin. 

 

Ngunit ang galit at pangamba ng mga mamamayan ay tila biglang naging isang kolektibong panawagan para sa hustisya. Hindi na nila kayang manahimik habang patuloy na pinaglalaruan ng mga nasa kapangyarihan ang kanilang karapatan bilang mamamayan. Mula sa maliliit na grupo ng mga residente—mga estudyante, guro, manggagawa, at magsasaka—unti-unting lumawak ang kanilang pagkakaisa, at nagpasyang kumilos.

 

Sa huli, ang kwento ay hindi lamang isang salaysay ng isang halalan kundi isang masalimuot na paglalarawan ng ating lipunan—kung paano ang mabuti ay madalas na natatalo ng masama, at kung paano ang pangarap ng isang tunay na demokratikong bansa ay nananatiling isang ilusyon para sa nakararami.

 

Hindi lang ito isang pelikula, bagkus ito’y isang babala, hamon, at paalala. Ang Balota ay kwento ni Teacher Emmy, ngunit ito rin ay kwento ng bawat Pilipino na may paninindigan para sa malinis na halalan.

 

Maaaring mapanood ang Balota sa Netflix.