Mga Litrato Nina Jillian Sy, Allyson Flores, Miguel Bugarin, At Jewen Bantinan
Mga Litrato Nina Jillian Sy, Allyson Flores, Miguel Bugarin, At Jewen Bantinan.

Sa lansangan ng EDSA: Mga hakbang ng tapang at alaala


Mahigit tatlong dekada na ang lumipas, pero nananatili ang tanong—ano ang saysay ng EDSA sa bagong henerasyon? Muling balikan ang kwento ng mga boses na bumuo at patuloy na bumibigkas sa kasaysayan ng People Power. #EDSA39


By Rae Salonga, Jewel Mae Jose, and Aryanna de Borja | Tuesday, 11 March 2025

Ang tagumpay ng isang rebolusyon ay hindi nasusukat sa sandaling pagbagsak ng isang rehimen, kundi sa kinabukasan ng kanyang mga tagapagmana. Ngunit sa harap ng patuloy na paghihirap ng taumbayan, ano ang tunay na iniwan ng EDSA sa kasalukuyang panahon?

Makalipas ang 39 na taon mula nang punuin ng libo-libong tinig at tapang ang EDSA, nananatili pa rin ang kwento ng mga taong hindi lang saksi kundi naging bahagi mismo ng kasaysayan. Noong 1986, ipinaglaban nila ang kanilang karapatan sa harap ng diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Ngunit sa kabila ng tagumpay ng rebolusyon, patuloy pa rin ang laban—mababa ang sahod, marami pa ring Pilipinong walang maayos na tirahan at sariling lupa, at marami pa ring karapatang sinisiil. 

Sa gitna ng nagbabagong pananaw, may mga tinig na patuloy na nagsasalita ang mga boses na nagdadala ng alaala at aral. Ngunit habang lumilipas ang panahon, ang mga sigaw na minsang umalingawngaw sa EDSA ay unti-unting nilalamon ng ingay ng makabagong mundo. 

Ano nga ba ang tunay na halaga ng rebolusyong ito kung hindi na natin naririnig ang mga kwentong bumubuo rito? Kaya naman ngayong #EDSA39, muling nabuksan ang mga pahina ng kasaysayan, mula mismo sa mga taong lumaban at patuloy na naninindigan para sa diwa ng EDSA People Power.

 

Litrato Ni Allyson Flores

EDSA para sa tao, para sa bayan

Hindi nag-umpisa at nagtatapos sa isang araw ang EDSA People Power Revolution. Bawat hakbang patungo muli sa pagkakamit ng tunay na demokrasya ay pinagtagpi-tagpi ng samu’t saring pagkilos—mga lihim na pagpupulong, pagpapakalat ng impormasyon sa kabila ng panunupil, at mga boses na hindi kailanman napa tahimik kahit sa ilalim ng anino ng diktadura. 

 

Sa gitna ng matinding pang-aapi, nagkaisa ang bayan upang ipahayag ang isang malinaw na mensahe: tama na, sobra na. Hindi ito isang kwentong biglang nagliyab, kundi apoy na matagal nang nagbabaga, pinatindi ng pang-aabuso, at kawalang-katarungan.

 

Sa paglipas ng mga taon, isang mapanganib na pagsubok ang patuloy na humahamon sa diwa ng EDSA—ang historical revisionism. Hindi ito basta maling pag-aakala sa nakaraan kundi isang sinasadyang pagbabago sa naratibo upang pagtakpan ang katotohanan.

 

Sa pamamagitan ng social media at iba pang plataporma, may mga nagpapalaganap ng binagong bersyon ng kasaysayan—isang bersyong pabor sa dating rehimeng napatalsik ng People Power. Dahil dito, mas naging mahalaga ang papel ng edukasyon sa pagpapanatili ng kasaysayan. Ang mga paaralan at unibersidad ay may responsibilidad na ituro ang totoong nangyari sa EDSA, batay sa ebidensya at mga testimonya ng mga lumahok rito. 

Bukod sa pormal na edukasyon, mahalaga rin ang papel ng midya sa paglaban sa disinformation. Kaya naman, hindi dapat hayaang maging biktima ng pagkalimot ang EDSA, lalo na sa henerasyong hindi na direktang nasaksihan ang mga pangyayari.

Nagbalik-tanaw naman si Fred Laureles, isang retiradong tagapagturo mula sa Ateneo de Manila Grade School, sa kanyang personal na karanasan noong 1986. Isinalaysay niya kung paano nagkaisa ang iba't ibang sektor—mga madre, pari, estudyante, at manggagawa—para sa isang adhikain. 

Gayunpaman, kanyang panghihinayang na tila napabayaan ang mga sakripisyong ito sa paglipas ng panahon. “Ang layunin ng EDSA, hindi nasubaybayan. Bumalik na naman ang dating pamahalaan. Ang mga sakripisyo noon, hindi na-sustain, napabayaan,” aniya. Kaya’t naniniwala siyang mahalagang ipaalala ito sa bagong henerasyon.

Mula naman sa panig ng kabataan, iginiit ni Milo Basuel, isang tagapagsalita ng Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK), na ang EDSA People Power ay bunga ng matagal na pakikibaka. Para sa kanya, ang paggunita nito ay hindi lang pag-alala kundi pagpapatuloy ng laban, lalo na sa harap ng patuloy na suliraning kinakaharap ng mga manggagawa at magsasaka sa bansa.

Para kay Syken Panguito, isang estudyanteng mamamahayag at publishing officer ng organisasyong Oikonomos Nexus mula sa Economics Department ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), ang kanyang unang pagsama sa paggunita ng EDSA ay isang personal na paninindigan. Binahagi niyang, “Ito ang pinakaunang beses na sumama ako sa ganitong uri ng pagkilos. Iniisip ko, kung nagawa ng mga tao noon ang isang makapangyarihang kilusan 39 taon na ang nakalipas, ano pa kaya ang magagawa ko sa panahon ngayon?”

Naniniwala siyang hindi dapat mabura ang diwa ng EDSA at kailangang ipasa ito sa susunod na henerasyon. “Ang pagkakaiba ng aktibismo noon at ngayon ay pareho pa rin tayong lumalaban—ngunit ngayon, ipinaglalaban natin ang hindi pagbubura sa kasaysayan,” dagdag niya.

 

 Litrato Ni Miguel Bugarin

EDSA sa mata ng mga lumahok

Sa paggunita ng EDSA People Power, mahalagang marinig ang kwento ng mga lumahok at ng kabataang patuloy na ipinaglalaban ang diwa nito. Mahigit tatlong dekada na ang lumipas, ngunit nananatili itong sagisag ng pagkakaisa at kolektibong pagkilos laban sa pang-aapi.

 

Ayon sa panayam ng The Benildean kay Ka Leody de Guzman, isang kandidatong tumatakbo bilang senador at aktibistang nasa hanay ng mga manggagawa, mahalagang alalahanin ang EDSA bilang patunay ng lakas ng pagkakaisa ng mamamayan. 

 

Para sa kanya, hindi dapat manatili sa kasaysayan ang diwa nito, kundi dapat tumagos sa hanay ng mga manggagawa, maralita, at iba pang sektor ng lipunan. Aniya, ”Ang laban noon ay may pagkakatulad sa kasalukuyan, kung saan patuloy ang sigaw para sa tunay na hustisya at kaunlaran.”

Sa pananaw ni Sarah Elago, kandidato ng Gabriela Partylist at dating kinatawan ng Kabataan Partylist, patunay ang EDSA ng kakayahan ng kabataan na lumikha ng kasaysayan.

Para sa kanya, hindi lang ito isang bagay na binabalikan o pinag-aaralan, kundi isang responsibilidad na ipinagpatuloy ng kasalukuyang henerasyon. “The challenge is not only to learn from history but also to make history,” aniya sa isang panayam. Nasambit din niya na ang diwa ng EDSA ay nananatiling buhay sa mga laban para sa abot-kayang bilihin, sapat na hanapbuhay, at karapatang pantao—mga isyung hindi nalalayo sa kinaharap ng mga nauna sa atin. 

Samantala, nagpahayag naman ang isang madre sa panayam ng The Benildean na ang EDSA ay hindi lamang isang yugto sa kasaysayan kundi isang aral na dapat ipamana sa susunod na henerasyon. Binanggit niya na ang pagbabago ay hindi nakasalalay sa iisang sektor kundi sa kolektibong pagkilos ng masa. "Kailangang makialam, makilahok, at makibaka," aniya.

 

Litrato Ni Jewen Bantinan

Sa panahong walang katiyakan, na tila bumabaliktad ang direksyon ng kasaysayan, tungkulin ng bawat Pilipino na hindi lamang gunitain ang EDSA, kundi ipaglaban ito. Ang diwa ng People Power ay hindi lamang alaala, kundi isang patuloy na sigaw laban sa paniniil, panlilinlang, at pang-aabuso sa kapangyarihan.

 

Hindi sapat na tandaan lamang natin ang nakaraan—kailangang kumilos upang protektahan ito mula sa mga kamay ng mga nais itong burahin. Sa lansangan ng EDSA minsang pinanday ang tapang ng bayan; sa kasalukuyang panahon, sa ating kolektibong pagkilos ito dapat panatilihin.

Last updated: Tuesday, 11 March 2025