Ang Uninvited (2024), sa direksyon ni Dan Villegas at sa screenplay ni Dodo Dayao, FSG, ay isa sa mga pelikulang nakabilang sa ika-50 Metro Manila film Festival (MMFF). Ipinapakita sa pelikulang ito ang mga kontrobersyal na isyu tulad ng statutory rape, incest, karahasan, paggamit ng mga ipinagbabawal na droga, pagpatay, at pang-aabuso sa kapangyarihan, nang hindi lumalayo sa tema ng “pamilya” sa loob ng 93 na minutong screen time nito.
Ang lahat ng ito, na pinagbubuklod ng kwento ng isang inang naghahangad ng katarungan para sa kanyang anak, ay ang nagtatakda sa pelikulang ito bilang pinakamadilim na kalahok sa MMFF.
Nagbubukas ang kwento sa pagdating ni Lilia Capistrano (Vilma Santos-Recto) na nagpapanggap bilang Eva Candelaria, isang nagkukunwaring sosyalista na may layuning makapasok sa bahay ni Guilly Vega (Aga Muhlach), para dumalo sa pagdiriwang ng kanyang ika-55 na kaarawan. Naglalakad si Eva sa paligid ng mansyon, tahimik na naghahanap kay Guilly at sa kanyang mga tauhan habang binabalak niyang pabagsakin sila isa-isa.
Isa-isang namataan ni Eva ang mga salarin sa pagpatay sa kanyang anak na si Lily (Gabby Padilla) at ang kasintahan nitong si Tofy (Elijah Canlas), at saka pinaghiganti pinagbayad ito gamit ang kanilang buhay.
Mata sa mata, anak sa anak
Ang karakter ni Lilia ay nagrerepresenta sa mga magulang na handang gawin ang lahat upang maipaghiganti ang kanilang mga anak. Ang tagpo kung saan nagkaroon ng pag-uusap sina Lilia at Nicole (Nadine Lustre) ay tila isa sa mga pangunahing punto ng kwento. Sa tagpong ito, nakita ng mga manonood ang sandaling kahinaan ni Lilia nang ibunyag ni Nicole na maging siya man ay biktima ng baluktot na pagnanasa ng sariling ama. Sa kabila nito, inalala ni Lilia ang kanyang pangako sa anak—ang wakasan ang lahat ng nagdulot ng kanilang pagdurusa.
Para kay Lilia, simple lang ito: “Mata sa mata, anak sa anak.” Ang pagkitil sa buhay ng anak ni Guilly ay maaaring naging sapat na kapalit. Subalit, alam ni Lilia na si Guilly ay isang karakter na lubos na masama at sira ang isip. Sa dami ng mga krimeng nagawa nito, hindi maikakaila na ang pagpatay kay Nicole ay walang magagawa upang maibsan ang kanyang galit o magdulot ng makabuluhang hustisya.
Sa kanyang pagtatangkang iligtas ang sarili mula sa mga bala ni Lilia, isiniwalat ni Nicole na siya mismo ay naging biktima ng mga baluktot na hangarin ng kanyang sariling ama.
Mahalaga ang papel ni Nicole sa pelikula upang ipakita ang lawak ng mga krimen ni Guilly at ang kawalan ng konsensya nito. Kung ang isang makapangyarihang tao ay nakagawa ng ganoong kasuklam-suklam na gawain sa kanyang sariling anak, mahirap paniwalaan na mayroon pa siyang moral na batayan.
Para sa isang bata, hindi agad naiproseso ni Nicole ang kanyang karanasan bilang sekswal na pang-aabuso, manipulasyon, o grooming. Ayon sa kanyang salaysay, inakala niyang normal ito at isang pagpapakita ng pagmamahal, lalo’t sinasabihan siya ni Guilly ng “I love you,” pagkatapos ng mga insidente. Nang siya’y tumanda, doon lamang niya napagtanto ang kabuktutan at pagkakamali ng ginawa sa kanya ng kanyang ama—ang linlangin siya upang makipagtalik dito.
Sa unang bahagi ng pelikula at sa mga teaser na inilabas ng Project 8 at Mentorque Productions, ipinakita ang isang nakakabagabag na eksena kung saan magkasama sina Nicole at Guilly sa isang silid, habang nagpapahayag si Guilly ng mga salitang may sekswal na konteksto sa kanyang anak. Bagamat hindi tuwirang ipinakita sa pelikula, makikita sa karakter ni Nicole ang mga palatandaan ng hypersexuality sa kanyang relasyon kay Mark (Ron Angeles), isang kilalang tugon sa trauma mula sa sekswal na pang-aabuso.
Hango sa totoong buhay?
Sa buong pelikula, may mga eksena na kapansin-pansin ang pagkaka-parehas ng kaso ng pandurukot, panggagahasa, at pagpatay na kinasasangkutan ng dating alkalde ng Calauan, Laguna na si Antonio Sanchez, na nagresulta sa pitong bilang ng reclusion perpetua, na may tig-40 taon sa bawat bilang. Naranasan nina Lily at Tofy ang kapalaran nina Mary Eileen Sarmenta at Allan Gomez, mga estudyante mula sa University of the Philippines-Los Baños (UPLB) sa programang Agrikultura noong 1993.
Si Sarmenta, 21, ay natagpuang patay sa loob ng isang puting Toyota Anfra van na nakataas ang damit sa dibdib at shorts na nakababa hanggang sakong, may panyo na naka-suksok sa bibig, at may tama ng bala sa ulo. Ang katawan naman ni Gomez, 19, ay natagpuan sa isang dumpsite. Ayon sa mga pagdinig sa korte, matapos gahasain ni Sanchez si Sarmenta ay saka pinagpasa-pasahan ng mga tauhan ni Sanchez ang katawan ni Sarmenta.
Bagamat ang kwento ng pelikula ay may matinding tema, nasayang ito dahil hindi naipamalas ng buo sa manonood nang dahil sa ritmo ng pelikula. Nagmukhang minadali ang ikalawang bahagi at may mga eksena na sana’y pinalawig pa upang lubos na maunawaan ang bawat karakter. May mga butas sa kwento—sino ba talaga si Guilly Vega at bakit siya naging isang bilyonaryo?
Mas mainam na napagtuunan pa ng pansin ang kwento ni Nicole dahil ito’y tila minadali sa isang narasyon habang tinututukan siya ni Lilia ng baril. Maaari sana na binigyan pa ito ng higit na screen time upang mas lubos na maipadama sa mga manonood ang bigat ng mga krimen ng kanyang ama. Ito’y magbibigay pa ng higit na lalim sa karakter ni Guilly, pati na rin ni Nicole.
Maaari ring tanggalin na lamang ang sekswal na relasyon ni Jigger (RK Bagatsing) kay Katrina Vega (Mylene Dizon), kung hindi ito naging mahalaga para sa pagbuo ng galit ni Guilly sa gabing iyon. Gayundin, ang labis na paggamit ng mura at mga sekswal na eksena ay maaari pang bawasan.
Ang pelikula ay nabigyan ng R-16 rating, ngunit mas nararapat na ang pelikulang ito ay R-18. Sa kabila ng mga kahinaan nito, nananatili ang Uninvited na isang pelikulang nagsasalaysay ng kwento ng isang ina na naghihiganti para sa kanyang anak. Ipinakita nito na hindi kayang bilhin ng pera ang lahat miski ang perpektong pamilya, lalo na kung ang nagpapasok ng pera ay kasing sakim at dumi ni Guilly Vega.
Mapapanood ang Uninvited sa mga piling sinehan hanggang Enero 14.