Mga Litrato Nina Hans Chua At Jillian Sy
Mga Litrato Nina Hans Chua At Jillian Sy.

Traslacion 2025: Makasaysayang pagpupunyagi sa Pista ng Poong Nazareno


Lagpas walong milyong mga deboto ang patuloy na nagtagumpay sa pagtitibay ng kanilang pananampalataya sa Poong Nazareno. Halina’t muling balikan ang kanilang naging paglalakbay sa Traslacion ngayong taon. #Nazareno2025


By Mariah Corpuz, and Ecko Nunag | Sunday, 12 January 2025

Buhat ng kanilang matatag na pananampalataya, tinatalang 8,124,050 deboto ang dumalo at nakiisa ngayong taon sa tanyag na tradisyon tuwing kapistahan ng Nazareno: ang Traslacion. Nababatid man ang dalang panganib ng dagsaang mga tao sa pagdiriwang ito, buo pa rin ang paninindigan ng mga deboto sa kanilang panata alang-alang sa Poong Nazareno.

 

Ang Traslacion ay ang nakaugaliang prusisyon taon-taon na isinasagawa tuwing Enero 9, kung saan ginugunita ng mga deboto ang paglipat ng imahen ng Nuestro Padre Jesus Nazareno mula Bagumbayan (Luneta), Intramuros patungo sa bago nitong tahanan, ang Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno—o mas kilalang Quiapo Church.

 

Bilang paghahanda para sa Nazareno 2025, inihandog ng Minor Basilica and National Shrine ang temang “Mas mabuti ang pagsunod kaysa paghahandog (1 Sam. 15:22) sa mga umaasa kay Hesus” ngayong taon.

 

Makasaysayang taon ng kapistahan

Lumipas man ang 400 na taon, kailanma’y hindi matatawaran ang patuloy na nag-uumapaw na pasasalamat, pagmamahal, at pananampalataya ng mga deboto tuwing ipinagdiriwang ang pista ng Nazareno. Mas lalo pang lumago ang tradisyon nang ideklara bilang “national feast” ang pistang ito ngayong 2025.

 

“Makasaysayan ang ating piyesta sa taong ito sapagkat sa unang pagkakataon, ito ay hindi na lang piyesta ng Quiapo o ng Maynila, kundi ng buong Pilipinas sa Simbahan. We call it a liturgical feast,” ayon sa isang briefing ni Rev. Fr. Jun Sescon, ang rektor at kura paroko ng simbahan ng Quiapo sa mga mamamahayag sa Nazarene Catholic School. 

 

Sa panayam ng The Benildean kay Br. Mon Bianco, isang Lay Minister ng Don Bosco Makati, iminungkahi niya ang kaniyang pananaw sa deklarasyong ito. 

 

“Pinalawig na nila (ng Simbahan) ang pista ng Nazareno para sa mga hindi na makakapunta at makakadalo dito sa Quiapo, do'n na lang sa church nila. Meron na silang sariling Traslacion na rin,” ani Br. Bianco.

 

Litrato ni Hans Chua

 

Bukod pa rito, hindi rin inaasahan na ang Traslacion ngayong taon ay nakakalap ng pinakamaraming dumalong deboto at pinakamahabang prusisyon na naitala simula ng taong 2020.

 

Katulad sa nagdaang ruta ng Traslacion, nagsimula ang prusisyon sa Quirino Grandstand ng 4:41 a.m. ng Enero 9, umikot sa mga pook ng Maynila, at saka inihatid pabalik sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno ng 1:26 a.m. 

 

Sa inaakalang mas mapapabilis ang daloy nito, inabot ng mahigit 20 na oras at 45 minuto ang prusisyon bago makarating sa basilika ang Poon ngayong taon; mas matagal kumpara sa nakaraang taon na nagtala ng mahigit 14 na oras. 

 

Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), may 1,290,590 na bilang ng mga tao mula sa grandstand, 387,010 sa prusisyon, habang umabot naman ng 6,446,450 sa basilika. Ito’y nagkaroon ng kabuuang 8,124,050 debotong dumalo sa prusisyon ngayong taon. Hindi hamak na mas mataas ito kumpara sa Traslacion 2024, na may 6.5 milyon, at 2019, na may 4 milyong deboto.

 

Litratro ni Jillian Sy

 

Debosyon ng mga tagasunod

Mapa-lalaki man o babae,  may kapansanan man o wala, bata man o matanda, walang pinipiling klase ng deboto ang paghahangad at pagsunod sa Poong Nazareno na kitang kita sa mga dumalo ngayong Traslacion.

 

"Para sa 'min, hindi siya tradisyon, debosyon siya. Kumbaga hindi namin 'to ginagawa para sa selebrasyon lang. Andoon pa rin ‘yung aming pag-ibig, panata, tsaka debosyon." Sa panayam ng The Benildean kay Ayan Barera, isang 42 taong gulang na mamasang galing sa Sta. Ana, Manila, at ang tumatayong presidente ng kanilang grupo na Charcoal Brotherhood, nagsimula siyang maging deboto sa Traslacion noong 1995. 

 

Ang tanging hiling niya para sa Nazareno ay ang kaligtasan ng mga taong mahalaga sa kaniyang buhay. Dahil sa kaniyang matibay na pananampalataya, nakaranas siya ng milagrong nagpawala sa kaniyang sakit. “Naniniwala lang ako sa sinabi Niya na ‘Maniwala ka lang sa Akin at gagaling ka’.” 

 

Nang nakapanayam din ng The Benildean ang isang 19 na anyos na debotong nanggaling sa Paco, Manila, na si Iya Conde, ibinahagi niya ang kaniyang pananabik sa muling pagdaraos, bilang pangalawang beses niyang makakadalo, ng Traslacion ngayong taon. 

 

"Pinaka-inaabangan ko po is syempre ‘yung pagdating ng Poon, kasi ‘pag nakikita ko po Siya parang may chills po akong nararamdaman which is naramdaman ko po last year. Nung naramdaman ko po ‘yon, parang mas lumalim ang paniniwala ko sa kanya," pahayag ni Conde sa kaniyang karanasan noon na naging dahilan ng pagpapatibay ng kaniyang panata sa Nazareno.

 

Ayon naman kay Kerdi Mandaban, 40 taong gulang na galing San Jose del Monte, Bulacan, nagsimula siyang sumama sa Traslacion noong 2012 nang magkaroon ng milagrong pagbubuntis ang kanyang asawa. "Yung wife ko kasi ‘pag nagbubuntis, nakukunan. Ang ginawa po namin ay namanata kami sa Quiapo. Every Friday, nagsisimba kami sa Quiapo. From October lang kami namanata, pagdating ng 2013 January, positive, buntis siya. Gano’n po kabilis ‘yung milagrong binigay Niya sa amin," wika ni Mandaban. 

 

Simula noon, nagkaroon na rin siya ng sarili niyang grupo, ang Senior Naz, na binubuo ng mga miyembrong galing sa iba’t ibang bayan na nabuo noong 2015. Sila ay isa sa mga grupong nagdala ng replika ng Poong Nazareno para sa Traslacion ngayong taon.

 

Nakapanayam din ng The Benildean ang magkasintahang sina Nathalie Zara at Nikki Carino, 33 at 37 na taong gulang mula sa lungsod ng Pasay, kung saan ibinahagi nila ang karanasan sa unang beses nilang nakadalo sa Traslacion ngayong taon. Lagi silang nagsisimba sa Quiapo kung saan ipinahayag nila na mayroon talagang milagrong nangyayari sa kanila. 

 

"Mahalaga (ang Traslacion) kasi ‘yung mga hiling mo natutupad," ani Carino. Ang tanging hiling nila ay magkaroon pa ng maraming grasya mula sa Poon, pati na rin ang pagpapanatili ng maayos na kalusugan at trabaho.

 

Litrato ni Hans Chua

 

Pagpapabuti ng prusisyon sa kasalukuyan

Ang ilan sa mga malaking pagbabago para sa paghahanda sa Traslacion ngayong taon ay nakatuon sa pagpapaganda ng andas, o ang karwahe, ng Poong Nazareno, pati ang pagsasaayos ng daloy at pagdagdag ng mga personnel sa mismong araw ng prusisyon.

 

Ayon kay Alex Irasga, ang Quiapo Church adviser, sa panayam niya sa ABS-CBN, mas pinataas ang andas at nilagyan ng glass panel, exhaust fan, pati rin bentilasyon upang maiwasan ang pag-moist nito sa loob at mas maraming makakakitang deboto sa Poon.

 

Samu’t sari naman ang naging pananaw ng mga debotong nakapanayam ng The Benildean sa naging daloy ng prusisyon ngayong taon.

 

Ani Barera, “Napakalaking adjustment kasi ‘yung nangyari eh. Nagsimula kami, walang pulis, walang pulitika, kumbaga ando'n lang tayo sa loob ng pananampalataya dati. Oo, andyan pa rin yung security ng pulis, pero hindi sila nangingialam (noon).”

 

“Mas maayos po siya (prusisyon) ‘di hamak ngayon dahil mas maraming nag-aasikaso. Unlike po noon na sunod-sunod na balitang insidente sa Traslacion,” ayon naman kay Conde.

 

Litrato ni Jillian Sy

Sa kabila ng mga pagsubok, ang Traslacion ngayong taon ay nanatiling makahulugan sa pananampalataya, pagkakaisa, at debosyon ng milyung-milyong Pilipino. Patuloy nitong pinagtitibay na ang tradisyon tuwing kapistahan ng Poong Nazareno ay hindi lamang isang selebrasyon, kundi isang malalim na panata na nagbibigay-inspirasyon at nagbubuklod sa bawat isa. 

 

Bagamat maraming Pilipino ang hindi nakarating sa Traslacion, nagawa pa rin ng mga deboto sa iba't ibang panig ng Pilipinas na ipagdiwang ang kapistahan sa kani-kanilang mga parokya alinsunod sa tema ngayong taon. Patunay lamang ito na ang tagumpay ng kapistahan ay hindi lamang nasusukat sa bilang ng dumalo kundi sa tibay ng pananampalatayang ipinakita ng bawat deboto sa Poong Nazareno. 

 

Habang patuloy nating isinasabuhay ang mga aral ng pananalig, pagmamahal, at sakripisyo, nawa’y magsilbing gabay ang Traslacion para sa mas malalim na ugnayan natin sa Diyos at sa ating kapwa.

 

Last updated: Sunday, 12 January 2025