Sa isang tahanang may bahid ng sakit at pighati, paano mo malalampasan ang bangungot ng nakaraan na patuloy na bumabalik upang guluhin ang iyong pamilya?
Sa direksyon ni Chito S. Roño, binuhay muli ng Espantaho ang horror genre sa Pilipinas gamit ang isang kwentong hindi lamang nakakikilabot kundi malalim din sa kahulugan. Isa ito sa sampung opisyal na pelikula sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF), kung saan nagkamit ng Best Actress Award sa 2024 MMFF Gabi ng Parangal ang bidang si Judy Ann Santos.
Ang pelikula ay mula sa batikang direktor na si Roño na kilala sa mga iconic horror films tulad ng Feng Shui, The Healing, at Sukob. Habang ang screenplay ay isinulat ni Chris Martinez na pinagbibidahan nina Judy Ann Santos bilang Monet at Lorna Tolentino bilang Rosa. Para kay Tolentino, ito’y isang pagbabalik sa horror mula noong Patayin sa Sindak si Barbara noong 1995. Kabilang din sa mga tauhan ang mga aktor tulad nina Chanda Romero, Janice de Belen, Mon Confiado, JC Santos, at Eugene Domingo.
Umiikot ang kwento sa pagdadalamhati ng mag-inang sina Monet at Rosa sa pagkawala ng padre de pamilya na si Pabling. Ipinakita rito ang kultura ng pasiyam, isang tradisyong Pilipino na naglalayong magbigay-galang sa namatay. Sa kalagitnaan ng ritwal, nagsimulang maranasan nina Monet at Rosa ang mga kakaibang pangyayari na nagpapahiwatig ng mga kakaibang presensya. Lalong tumindi ang tensyon sa pagdating ni Adele (Chanda Romero), ang legál na asawa ni Pabling, kasama ang kanyang mga anak na sina Andie (Janice de Belen) at Roy (Mon Confiado). Balak angkinin ni Adele ang lahat ng ari-arian ni Pabling, kabilang ang lupa at bahay, na maaaring mag-iwan kina Monet at Rosa ng wala. Habang umiigting ang alitan sa pamilya, naging malinaw na may mas masamang pwersang nagtatago sa kanilang lumang tahanan.
Ang pinakamalaking puhunan ng Espantaho ay ang pambihirang pagganap ng mga aktor sa kani-kanilang mga karakter. Ang emosyonal na pagsasadula ni Santos at Tolentino ang nagdala sa malalim na agos ng mga eksena. Dahil dito ay matagumpay nilang naipakita ang bigat ng pelikula. Ang suporta naman ng mga aktor tulad nina Romero, De Belen, at Confiado ay lalong nagpatibay sa kwento.
Hindi rin matatawaran ang kontribusyon ng teknikal na aspeto. Mula sa makatotohanang sound effects hanggang sa nakakapangilabot na visual effects na nagtatampok ng mga eksena ng linta, daga, at iba pang uri ng insekto, matagumpay nitong naidala ang mga manonood sa isang makapanindig-balahibong mundo.
Pinatunayan din ng pelikula na hindi kailangang umasa sa maraming jumpscares upang maghatid ng takot. Sa halip, ginamit nito ang mga tradisyonal na elemento ng pamahiin upang magbigay ng kakaibang kilabot na mas malapit sa mga Pilipinong manonood.
Peminismo at pagsubok sa patriyarka
Higit pa sa mga elementong hindi nakikita ng mata, isa pang mahalagang tema ng pelikula ang peminismo. Sa gitna ng takot at kaguluhan, ipinakita ng Espantaho na ang tunay na "peste" ay hindi ang mga multo kundi ang patriyarka at ang epekto nito sa pamilya. Ang mga karakter tulad ni Jack (JC Santos) ay ginamit bilang instrumento ng mga nasa kapangyarihan upang kamkamin ang yaman ni Monet—isang malinaw na representasyon ng pagsasamantala sa mga kababaihan at mahihina.
Bukod dito, mayroon ding makapangyarihang komentaryo ang pelikula sa sosyo-politikal na aspeto, partikular sa isyu ng lupa at ari-arian. Sa pamamagitan ng kwento, naipakikita ang malalim na sugat na dulot ng ganitong uri ng problema sa mga pamilyang Pilipino. Sa kabila ng mga hamon, ipinakita rin ng pelikula ang kakayahan ng kababaihan na magkaisa at labanan ang mga pwersa ng kasamaan, mapa-pamilya man o lipunan.
Isa sa pinakamalaking ambag ng Espantaho ay ang pagbibigay-liwanag muli sa mga pamahiing Pilipino. Sa pagsasadula ng pasiyam, ipinaalala ng pelikula na ang ating mga tradisyon ay hindi lamang bahagi ng nakaraan, kundi mahalaga rin sa paghubog ng ating pagkakakilanlan. Ang mga ritwal tulad ng pasiyam at paglalamay ay muling binigyang-diin bilang mahalagang bahagi ng pagkakaunawaan ng pamilya, hindi lamang para sa paggalang sa namatay kundi pati na rin sa pagkilala sa sariling kultura.
Sa halip na ituring na "luma" o "wala nang halaga," ipinakita ng pelikula na ang mga pamahiing ito ay buhay pa rin sa modernong panahon.
Bagamat puno ng kahulugan at simbolismo ang pelikula, hindi ito nakaligtas sa ilang kritisismo. May mga bahagi ng kwento na nagkaroon ng predictable na takbo at hindi gaanong malinaw na paglalahad, na nagdulot ng bahagyang kalituhan sa ilang eksena. Ang paggamit ng mga tema ng peminismo—kahit na mahalaga at makabuluhan—ay maaaring mas naipakita nang mas masinsinan at mas malalim upang higit pang maipaliwanag ang mga implikasyon nito.
Bukod dito, ang PG (Parental Guidance) rating ng pelikula ay maaaring nagdulot ng limitasyon sa antas ng takot na maiparating nito, kaya’t hindi lubos na naabot ang inaasahan ng ilang manonood sa aspeto ng horror. Gayunpaman, sa kabila ng mga kahinaang ito, ang pelikula ay nananatiling makapangyarihan dahil sa mga mahahalagang mensahe nito na tumatalakay sa isyu ng pamilya at kultura.
Ang Espantaho ay hindi lamang isang horror film; ito ay isang pelikulang sumasalamin sa ating reyalidad, kasaysayan, kultura, at tradisyon. Bagamat hindi ito perpekto, ang kombinasyon ng sining at nakakapanindig-balahibong implikasyon ang dahilan kung bakit ito dapat panoorin. Pinapaalala nito sa atin ang kahalagahan ng pagkilala sa ating ugat at ang kakayahan nating harapin ang mga kasamaan—maging ito’y supernatural o gawa ng tao.
Mapapanood ang Espantaho sa mga piling sinehan bilang bahagi ng 50th MMFF hanggang Enero 14.