Dibuho Ni Hann Botona
Dibuho Ni Hann Botona.

Parol: Liwanag sa likod ng rehas


Sa bawat parol na nililikha ng mga PDL sa loob ng Dagupan City Jail, tila parang bituin sa gabing madilim, nabubuhay ang pag-asa at diwa ng pasko. Ang bawat parol ay sumasalamin ng pagkakaisa, pagmamahal, at pangarap na makapagsimula muli ang kanilang pamilya.


By Cezca Airoso, Paula Martinez, and Shainne Velasco | Tuesday, 31 December 2024

Sa kabila ng mga puna ng lipunan ukol sa kalagayan ng mga kulungan at Persons Deprived of Liberty (PDL), ngayong kapaskuhan, isang makulay na simula at pag-asa ang nagsisilbing ilaw sa mga puso ng mga PDL sa Dagupan City Jail. Sa pamamagitan ng livelihood programs, naging daan ito upang maitaguyod ang kanilang mga pamilya at magampanan ang kanilang pinakamahalagang tungkulin sa mundo—ang pagiging magulang sa kabila ng pagkakakulong.

 

Madalas na ginagamit ang salitang “kulungan” bilang isang panakot, kaparusahan, at  pagtanda sa mga kasalanan. Sa mga palabas at pelikula, talamak na ginagamit itong plataporma upang ipakita sa mundo kung gaano kasahol sa loob ng bilibid at ang mga taong nandito. 

 

Bugbugan, patayan, at iba pang nakakatakot na tagpo—na lalong nagbibigay ng masamang pananaw sa mga taong narito o pumarito. Ngunit, ang kulungan nga ba’y isa lamang bang panakot o aral sa lipunan? 

 

Isa sa mga hiling ng mga nakapanayam ng The Benildean sa loob ng dormitoryo ay ang pag-asang bumabalot sa kanilang mga puso’t mata na nawa’y mapabilis ang paglilitis ng kaso. Ngunit, hindi lamang ito para sa kanilang sarili, sapagkat nais nilang makapiling ang kanilang mga pamilya at mayroon silang tungkulin bilang mga magulang. Nagpapatibay na kahit sila ay nasa loob ng kulungan, isinasaisip pa rin nila ang naiwang mga pamilya. Sa kasamaang palad, ang kanilang mga anak ay maagang namulat ng lipunan, kung paano nilitis ang kanilang mga magulang sa ilalim ng madayang paghatol o 'di kaya'y kung paano sila winalay ng makupad na sistema.

 

Sa lahat ng nakapanayam ng The Benildean, pinatunayan ng mga PDL na hindi hadlang ang pagkakakulong para maitaguyod ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng livelihood programs. Sa dormitoryo ng mga kalalakihan, nakakagawa sila ng iba’t ibang produkto gaya ng basket, parol, munting bahay, at bayong. Bukod pa rito, mayroon ding AlkanSSSya program na kung saan maaaring maipon nila ang kanilang mga kinita para sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya. 

 

Bago simulan ang isang programa, tinuturuan ng mga providers—o ang mga nagbibigay ng mga materyales—ang mga PDL sa paglikha ng iba’t ibang produkto. Ang naging unang produkto ng mga kalalakihang PDL ay ang paggawa ng basket at ‘di kalaunan, mayroong mga mabuting loob na providers ang nagturo sa kanila kung paano gumawa ng parol.

 

Photo By Miguel Bugarin

 

Bilang pag-iingat at pagsiguro sa kaligtasan ng lahat, may mga palatuntunin ang dormitoryo “Hindi po sila pwede gumawa nang walang nagbabantay, lalo na sa gagamitin nila tulad ng kutsilyo sa pagkakayas ng bamboos natin,” ani Livelihood Police Officer Modecel Ramos. 

 

Mahigit 600 na mga kalalakihan ang kasalukuyang nasa dormitoryo. Nagsimula ang livelihood programs sa dormitoryo ng mga kalalakihan ng makalipas ang siyam na taon. Kahit pa na ito ay isang volunteer work, hangga’t maaari ang mga volunteers ng AlkanSSSya program ay hindi dapat bababa ng 80% base sa populasyon ng kulungan. Minsan lang ginagawa ng mga PDL ang mga produkto, kaya sinisiguro nilang handa na ang mga parol at ibang produkto bago mag-Pasko.

 

Bagkus ito ang kanilang matibay na sandata, ang nagsisilbing ilaw tuwing kapaskuhan—sapagkat, ito lamang ang natatanging paraan para sila ay kumita ng pera at tumulong sa kanilang mga mahal sa buhay habang nasa loob ng kulungan.

Kuya JR, 43
Photo By Miguel Bugarin

Sa eksklusibong panayam ng The Benildean kay Kuya JR, ipinahayag niya ang kaniyang karanasan sa pagsisimula ng kaniyang paggawa ng parol. "Umpisa ng Nobyembre, tinatawag na po kami (...) upang umumpisa nang paggawa ng parol," wika ni Kuya JR. 

 

Hindi natatapos ang kaniyang trabaho sa paggawa lamang ng parol, dahil kapag natapos ito, may iba na namang gawain na susunod. Bukod sa naiaambag nito na tulong pinansyal, itinuturing niya ring libangan ang paggawa ng parol upang makalimot at mabawasan ang pagkabagot sa loob ng bilangguan. 

 

Ayon sa kaniya, ang mga kinikita niya sa loob ay ipinapadala niya sa kanyang pamilya sa labas ng bilangguan. Higit pa rito, ang sahod nila ay nakakadagdag sa kanilang allowance, na siyang makakatulong upang mas mapadali ang kanyang paglaya.

 

Hangad ni Kuya JR ang mabilisang paglaya. Hindi rin nagtatapos ang mga natutunan nila sa loob ng bilangguan, dahil ayon sa kanya, "‘Yung gawain namin (dito), pwede naming ituro... doon sa labas para magkaroon din ng hanapbuhay."

 

Nang tanungin siya kung ano ang nararamdaman niya tuwing nakikita niyang ginagamit ng ibang tao ang kanyang ginawang parol, "Masayang masaya kami dahil nagugustuhan din ‘yung mga gawa namin sa loob... (lalo kapag) nakakapagpasaya kami ng mga bata," wika niya. 

 

Para kay Kuya JR, ang parol ay sumisimbolo sa kanyang mga anak. Sa tuwing gumagawa siya ng mga parol, "Iniisip ko na lang na sila ‘yung ginagawan ko ng parol dito," wika niya.

 

Ipinahayag din ni Kuya JR ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga taong tumatangkilik at bumibili ng kanilang mga parol. "Binibigay nila sa amin (ang) pagkakataon upang makapag-umpisa ng pagbabago dito sa loob. Upang sa ganoon, paglabas namin, pwede naming gawing trabaho (ito)," mensahe niya para sa mga tumatangkilik ng kanilang mga parol ngayong Pasko.

 

Kuya Kulit, 43

Photo By Miguel Bugarin

Isa si Kuya Kulit sa mga naunang natuto at nagturo sa kaniyang mga kapwa PDL kung paano gumawa ng parol. Ayon kay Kuya Kulit, nababawasan ang kaniyang iniisip at ang pagkabagot tuwing siya ay gumagawa ng parol. Higit pa rito, malaking tulong din ang programang ito sa kaniyang pinansyal na aspeto. "Hindi na kami humingi sa aming mga pamilya ng panggasta namin dito... kami na nagbibigay para hindi naman po kami panay umaasa sa aming mga magulang at sa aming mga kapatid," diin niya.  

 

Maituturing ni Kuya Kulit ang paggawa ng parol na hindi pangmatagalan, ngunit ayon sa kanya, "Mas maganda po sa amin ‘to dahil nakakalimot kami sa mga problema dito tsaka nakakatulong din po kami sa mga bata, napapasaya din namin sila."

 

Ipinahayag niya ang kaniyang nararamdaman tuwing nakikita niyang ginagamit ng ibang tao ang kanyang ginawang parol. Nagiging masaya siya tuwing, "Nabibigay namin ‘yung kasiyahan nila. Lalo na sa mga bumibili, nagugustuhan naman nila. Natutuwa sila, natutuwa din kami po dahil nagugustuhan nila ginagawa namin dito," wika niya pa. "’Tsaka nakakatulong din po kami sa mga bata napapasaya din namin sila... ‘pag lumilingon sila sa taas meron silang nakikitang nakasabit na parol para malibang din sila, matuwa," dagdag niya pa.

 

Ang kahulugan ng paggawa ng parol para kay Kuya Kulit ay kasiyahan. "Dahil ito nagbibigay liwanag din sa amin (lalo na) sa araw ng aming paglaya. Diyan po namin nakikita kung ano ‘yung ginagawa ng mga parol... nagbibigay liwanag sa amin.”

 

Kuya CJ, 36

Photo By Miguel Bugarin

Ang pinakadahilan ng pagsali ni Kuya CJ sa paggawa ng parol ay upang matustusan ang kaniyang sarili at makatulong sa kaniyang pamilya, habang siya ay nasa loob ng bilangguan. 

 

"Noong pagpasok ko po rito, tinuruan din po ako noong mga datihan na gumagawa ng parol hanggang sa matuto po ako," pagbabahagi niya kung paano siya nagsimula sa paggawa ng parol.

 

Itinuturing ni Kuya CJ na malaking bagay ang paggawa ng parol dahil nakakatulong itong mapawi ang pagka-bagot habang nasa loob ng bilangguan. "Pagkatapos po nito, mayroon na naman pong ibang mga activities, iga-grab ko rin po para makatulong sa pamilya," dagdag niya pa. 

 

Ipinahiwatig niya rin ang kaniyang pasasalamat sa mga patuloy na tumatangkilik at bumibili ng mga parol dahil, para sa kaniya,  "Kung wala po sila, hindi rin po... (maisasakatuparan) itong activity na ito."

 

Nang tanungin siya kung ano ang kahulugan ng parol para sa kaniya, "Kasiyahan, kasi darating po ‘yung kapanakan ni Kristo. Ito ‘yung nagsisimbolo ng christmas para sa akin," wika niya. 

 

Bago magtapos ang panayam ng The Benildean kay kuya CJ, ibinahagi niya ang kaniyang panawagan sa lokal na pamahalaan at sa ating Kongreso, "Sana po madagdagan pa po ‘yung mga magagandang programang itinataguyod nila para sa mga PDL," wika niya.  

 

Kuya Dong, 38

Photo By Miguel Bugarin

Tulad ng iba niyang mga kasamahan, sinimulan ni Kuya Dong ang paggawa ng parol noong Nobyembre bilang bahagi ng Skills Enhancement Program at Livelihood Program tuwing Pasko.

Sa kabila ng kaniyang kasalukuyang sitwasyon sa loob ng Dagupan City Jail, binibigyang halaga niya ang paggawa ng mga iba’t ibang produkto na nagdadala ng inspirasyon sa kaniyang pamilya at sa komunidad. Ang paggawa ng parol ay hindi lamang simpleng hanapbuhay kundi nagiging isang layunin at direksyon sa buhay.

 

Nakakainspire din kasi ang paggawa ng parol, lalong lalo na pwede naming ibahagi sa aming mga anak, pamilya sa labas. Lalo na palapit na ang simoy ng Pasko, malaking tulong din sa amin ‘yun.” ani Kuya Dong.

 

Si Kuya Dong din ay parte ng AlkanSSSya program, kung saan naghuhulog siya ng bahagi ng kaniyang kinikita sa mga produktong ginagawa sa programang ito. “Malaking tulong din po ‘yung paggawa namin ng parol. ‘Yung mga earnings namin, maibibigay namin sa family namin—baon ng mga anak, pambili ng snacks dito,” wika niya.

 

Para rin kay Kuya Dong, ang parol ay simbolo ng “Opportunity para magbago… opportunity para maibahagi din ‘yung ginagawa mong parol dito sa loob ng BJMP sa family sa labas.” Sa tuwing nakikita niya ang mga parol na ginawa niya na ginagamit bilang dekorasyon ng iba, labis siyang natutuwa “Syempre masaya kasi ‘yung ginagawa mong effort, nakikita mo sa ibang tao na bumibili. Magaan sa damdamin. ‘Yung product na ginagawa mo, nakikita mo sa kanila.”

 

Nang tanungin kung ano ang kaniyang hiling ngayong Pasko, payak lang ang sagot ni Kuya Dong.  “Para sa akin, freedom, kalayaan. Syempre, ‘pag nabigyan kayo ng granted freedom, may opportunity na tayong magbagong buhay. Second chance, why not?”

Bukod dito, panawagan ni Kuya Dong sa lokal na pamahalaan na suportahan ang mga likhang Pinoy tulad ng parol at iba pang gawaing kamay. Lubos niyang pinapasalamatan ang mga taong tumatangkilik sa mga gawa nilang parol “... kasi siyempre ‘yung pride nating mga Pilipino ay tinatangkilik din ng kapwa nating mga Pilipino.”

 

Ngayong darating na kapaskuhan, iisa lang ang kahilingan ng karamihan ng mga PDL sa Male Dormitory—ang makasama ang kanilang mga pamilya. Ramdam ang kanilang pananabik na makapiling ang kani-kanilang mga pamilya kahit sa isang simpleng salo-salo lamang. Ito ang tanging hangad nila upang maibsan ang kanilang pangungulila ng kagalakan ngayong pasko.

 

Pagkatapos makapanayam ang mga kalalakihang PDL sa Dagupan, agad namang dumako ang The Benildean sa dormitoryo ng mga kababaihan. Ang mga kababaihang PDL mismo ang nagpanukala na gumawa ng bag, ponytail, wallet, at iba pang produkto gamit ang beads at recyclable materials

 

Ate Lavender, 47

Photo By Miguel Bugarin

Apat na taon at tatlong buwan nang nasa dormitoryo ng mga kababaihan sa Dagupan City Jail si Ate Lavender—isa sa pinakamatagal nang nananatili. Pinangunahan ni Ate Lavender ang paggawa ng mga livelihood programs sa loob ng dormitoryo na kalaunan ay pinaunlakan ng Dagupan City Jail Female Dormitory.

 

Bilang sa tagapanguna ng programa, si Ate Lavender ay may natural na kakayahan sa paggawa ng mga gawang kamay na produkto. Kaya’t laking tuwa nila ng paunlakan ng dormitoryo ang kanilang hiling. Isa itong naging inspirasyon sa mga kapwa niyang kababaihang PDL, kaya’t sinuportahan ito ng mga kababaihan sa loob ng dormitoryo.

 

Bukod pa roon ay binanggit ni Ate Lavender ang kahalagahan ng dormitoryo para maging daan ng pagbabago. Mga tao lang kami na nagkakamali so dito (sa female dorm)… maraming pwedeng mabago, kahit na mag-start ka sa pinaka lowest (part) ng (buhay) mo. ‘Di mo na kailangan (balikan) ‘yung dating buhay mo kumbaga.” Tiniyak din niya na ang pagbabago ay nasa kagustuhan ng bawat tao.

 

Ibinahagi rin ni Ate Lavender sa The Benildean kung gaano nakakatulong pampinansyal ang ganitong programa sa mga PDL. “Instead, minsan na padalhan pa kami ng mas malaki o kailangan namin, dito na lang po namin kinukuha ‘yung ibang pangangailangan namin, parang labor na rin,” ani Ate Lavender. 

 

Panawagan din ni Ate Lavender na magkaroon pa sana ng mas maraming livelihood programs na tatagal, tuloy-tuloy, at pagkakakitaan—habang binigyang-diin din niya ang kaniyang panawagan tungkol sa matagal na sistema ng paglilitis.

 

Naging emosyonal ang pakikipagpanayam ng The Benildean sa mga PDL nang tanungin tungkol sa mensaheng gusto niyang ihandog sa mga kapwa PDL, sa pamilya, at sa buong mundo. Gusto ko humingi ng tawad tsaka sana bumalik ‘yung dati,” ani Ate Lavender. 

 

Huwag sila mag-alala... magpakatatag lang kasi mga ina kami, ina tayo. Kapag sinabing ina, sila ‘yung ilaw ng tahanan,payo niya sa kapwa niyang ina na nananatili sa kulungan. Kaya alam niyo po ‘yung parol na ginawa ko, nilagyan ko siya ng ilaw. Kasi para sa ‘kin, iniisip ko na lang ‘yung mga anak ko,” humihikbing sagot ni Ate Lavender.

 

Isang pahiwatig na ang mga likhang produkto ay hango sa dalamhati ng isang inang naghihintay ng kalinga mula sa kaniyang anak. Gusto ko sila makita. Dadalawa lang sila pero parang mas daig ko pa ‘yung hindi lang kulong. Mas nakakulong ako dahil sa ‘yung wala sila, hindi ko sila nakikita, hindi ko nakakausap—’yun ‘yung mas masakit. Kaya ko ‘tong (pagkakakulong) na kahit ilang taon pero ‘yung mawala sila…” malungkot niyang pahayag.

 

Nang tanungin kung ano ang nais niyang mabago sa pananaw ng mga tao tungkol sa PDL, sagot niyang may paninindigan ay ang stigma. Ipinaliwanag din niya kung paano hinulma ng lipunan ang pananaw na mas mabigat ang tingin ng mga tao sa kababaihang PDL kumpara sa mga kalalakihan at kung paano niya hinaharap ang epekto at estado bilang kababaihan ang pagkakakulong sa pamilya.

 

“First time in the family tapos babae pa, parang ganun ‘yung nagiging [pananaw]. Kaya nga ‘di ako minsan nagpapadalaw din... ayoko pong kapag dumarating sila, ‘yung nagtatanong sila puro ‘Bakit?’ dapat ang tanong nila—hindi dapat ‘yung ‘Bakit mo ginawa?’ dapat tinanong nila kung ‘Bakit nangyari?’ Kung bakit nangyari ito,” madamdaming pagpapaliwanag ni Ate Lavender. 

 

Sa huli, siya ay nanawagan sa buong mundo tungkol sa kalagayan nila bilang PDL at kung paano dapat harapin ng mundo ang umiiral na stigma tungkol sa mga PDL. ... alisin sana sa isip nila na ‘pag convict ba … o PDL ka is ganun ka na kasama forever, parang wala nang chance…” 

 

Ate May, 51

Photo By Miguel Bugarin

Si Ate May ay nananatili sa Dagupan City Jail Female Dormitory ng mahigit isang taon na. Nakabilang si Ate May sa paggawa ng mga livelihood programs nang makita niya si Ate Lavender na gumagawa ng mga produkto na kalaunan ay naging kaniyang inspirasyon.

 

“Para po sa akin, nakakatulong po ito sa pagpapasaya po ng ibang tao. Sa pamamagitan ng parol na ito ay naipaparamdam po namin ang tunay na diwa ng pasko,” bahagi ni Ate May na tila kahit siya ay nasa loob ng kulungan, nais niyang iparamdam sa labas ang kapaskuhan gamit ang kanilang gawang produkto. 

 

Para kay Ate May, naging mahalaga rin ang livelihood programs bilang tulong pampinansyal sa pang araw-araw at kasabay rito ang pagbibigay diwa ng tuwa at saya sa mga nagmamasid ng kanilang mga gawang parol na nakapaskil tuwing kapaskuhan. Pahayag niya, Nakakaproud kasi naa-appreciate po nila ‘yung mga gawa namin kahit recycled po ito, napapasaya namin sila.”

 

Nabanggit niya rin ang kinakaharap niyang isyu tungkol sa sistema ng hustisya. Sapagkat, ito ang walang humpay na hinaing ng mga PDL nang sila ay nakapanayam ng The Benildean. 

 

Sana mapabilis ang justice system. Sa experience po namin halos one year na. Tuloy-tuloy ‘yung reset na walang dahilan… napakasakit po.Daing ni Ate May sa kasalukuyang sistema na nagiging sanhi ng pagkaantala sa paglaya ng mga PDL—bunga nito ay ang pagdurusa ng kanilang mga pamilya. “Para sa akin (habang) tumatagal kami dito, tumatagal nahihirapan rin po ‘yung mga bata,” dagdag pa niya.



“Masasabi ko po sa mga kapwa kong PDL ay laban lang po nang laban, ‘wag po susuko dahil lahat [ay] may purpose. Alam ko, naniniwala ako may purpose si God kung bakit kami nandito ngayon, laban lang po nang laban,paghikayat ni Ate May sa mga PDL. 

 

Ang nais mabago ni Ate May ay ang panghuhusga laban sa mga PDL. Sana hindi nila po kami husgahan kasi hindi po kami masama. Hindi porket nandito kami, masama po kaming tao. Maaaring nagkamali po kami pero sana ‘wag po kaming husgahan.” 

 

Ate Lovely, 38

Photo By Miguel Bugarin

Mahigit dalawang taon nang nasa dormitoryo si Ate Lovely, ipinaliwanag niya ang kinakaharap nilang kalagayan bilang isang ina. 

 

Mahirap ang sitwasyon namin lalo na mga nakakulong na katulad ko. Kailangan natin [magulang] mag-provide ng mga pangangailangan ng pamilya natin para hindi naman masabihan na wala kaming nagagawa para sa pamilya namin,” wika niya. 

 

Nakakatulong umano ang paggawa ng parol at iba pang produkto kay Ate Lovely bilang isang direksyon. Sa akin, direksyon. Para hindi na balikan kung ano ‘yung pagkakamali na nagawa namin. Kasi sa pamamagitan ng ganito, natututo kami. Paghahanda din sa rehabilitation namin, paglaya namin, [upang] magkaroon kami ng mas progresibong buhay,” ani Ate Lovely. 

 

“Imbes na sila [anak] ang magbigay, ‘pag inipon namin lahat ng kinikita namin, kami pa ang nagbibigay. Imbes na kami ang iintindihin, nababawasan ‘yung obligasyon na sila pumapasan. Pero in the first place, kami ang magulang.” Sumasalamin na kahit sila ay nasa loob ng kulungan, iniisip pa rin nila ang kalagayan ng kanilang mga pamilya na hangga’t maaari ay hindi sila maging pasanin. 

 

Isa rin sa nais sabihin ni Ate Lovely sa lokal na pamahalaan ay magdagdag pa ng livelihood programs at mapabilis ang paglitis at hustisya. May mali kaming ginawa pero … may pamilya din kami na nag-aantay sa layaan namin… nahihirapan kasi wala silang magulang, wala silang kasama.” pag-aalala niyang sambit. 

 

Bukod pa rito, ibinahagi ni Ate Lovely sa The Benildean ang kasalukuyang kinakaharap ng kaniyang mga anak. ‘Yung panganay ko, siya ‘yung nagiging ate, nagiging nanay. Tapos may anak na siya kaya doble-doble ‘yung burden tapos kailangan niya [pang] intindihin ‘yung nanay niya.”

 

“... ‘Wag silang mawawalan ng tiwala at pananalig sa Diyos kasi lahat ng bagay [na] nangyayari, may sariling rason … Bangon lang, hangga’t nadadapa tayo. Ang pagsubok naman [ay] lagi nandiyan … Isusuko natin lahat sa Diyos, hindi naman Siya madamot sa atin … Wala namang habang panahon bumabagyo. (Wala namang) buong taong bumabagyo—wala namang ganun. May araw at araw (pa rin),” emosyonal na pahayag ni Ate Lovely. Ang payo ni Ate Lovely ay panghawakan ng mga PDL ang Diyos sa lahat ng pagsubok. 

 

Mas lalong pinaigting ni Ate Lovely ang kaniyang madamdaming pahayag nang kaniyang banggitin ang nais niyang mabago tungkol sa perspektibo ng lipunan sa mga PDL. 

 

“Hindi lahat ng nakukulong (ay) hanggang dito na lang. Kasi maaaring nagkamali kami sa nakaraan namin pero pagdating dito, nabago (at) nahubog kami (bilang bagong) tao. Kasi dito naranasan namin makapagtapos ng pag-aaral … nakapagtapos ako, tulad ng sabi ko nga, nung naggraduate ako ng ALS (Alternative Learning System)—bagay na hindi ko binigyang pansin ‘yan noong nasa laya ako, kasi alam ko lang, sarili ko lang.” Binigyang diin ni Ate Lovely ang kahalagahan ng edukasyon at kung paano niya natutunan na hindi lamang sarili ang dapat isaalang-alang.

 

“Masasabi ko na, naging preso man kami sa paningin nila, hindi nakapagtapos… (pero) nahubog kami at nabago sa loob ng kulungan. ‘Yun kasi ang ‘di alam ng karamihan na nasa labas na porket nakulong ka (o) preso ka ‘dun ka na, masamang tao ka kasi.’ hindi nila alam na ang loob ng kulungan (ay) lugar ng pagbabago.” Isa lamang ito sa mga nasambit ni Ate Lovely na nag-iwan ng malaking bakas sa mga estudyanteng mamamahayag ng The Benildean.

 

Kung paano nila kinakaharap ang panghuhusga mula sa lipunan, ang pagsubok na dinadaing sa loob ng apat na tatsulok, nawa’y magsilbing gabay ang kanilang karanasan upang puksain ang mga negatibong sentimento tungkol sa mga PDL. 

 

Makikita na sa kabila ng lahat, ang kanilang mga mata ay nababalot ng pag-asa at pagtitiwala na baka o maaari pang magbago ang sistema ng hustisya sa Pilipinas.

 

Photo By Miguel Bugarin

Nag-iwan ng panawagan na tumatak sa The Benildean si Jail Officer 1 Kathleen Joy Noe para sa mga taong malaya. “Para sa mga kapwa natin na nasa labas, tulungan natin sila (mga PDL) na bumangon, lalo na ‘pag lumaya sila. Dapat makiisa tayo, tulungan natin ‘yung mga PDL. Kasi habang nasa loob sila, tinutulungan namin sila. Huwag nating hayaan (na) tayo ‘yung (maging) part mismo ng communities (na) magpapa-low morale sa kanila. Kasi ‘yung pinagdaanan nila sa loob, narealize na nila lahat (ng) mali. ‘Pag lumaya na sila, siyempre may baon din silang pangarap tsaka pagbabago—kaya sana tulungan din natin sila.” 

 

Ang kulungan ay higit pa sa lugar ng pagpaparusa sa mga nagkakasala, ‘pagkat ito rin ay tahanan ng pagbabago at muling pagbuhay ng mga namayapang pangarap.

Last updated: Thursday, 2 January 2025