Layout By Eljin Wagan
Layout By Eljin Wagan.

Mula Bulacan hanggang sandaigdigan: Kilalanin si Ms. Philippines Chelsea Manalo!


Itinadhana nga kaya sa apelyido ni Chelsea Manalo ang kanyang landas sa ika-73 edisyon ng Miss Universe?


By Sofia Agudo | Friday, 15 November 2024

Sa kabila ng naglalakihang mga pangalan sa mundo ng pageantry, si Chelsea Manalo ay nagniningning dahil sa kaniyang kakaiba at nakakabighaning kagandahan. Ang kanyang determinasyon ay sumasalamin sa kanyang pagnanais at potensyal na iuwi ang ikalimang korona ng Pilipinas sa kabila ng mahigpit na kompetisyon sa Miss Universe 2024, kung saan 129 na kandidata ang magtatagisan ng kani-kanilang ganda at talino.

 

Si Chelsea Anne Manalo ay isinilang sa Meycauayan, Bulacan noong Okt. 14, 1999. Siya ang kauna-unahang Filipina-African American na magbibigay ng karangalan sa Pilipinas sa Miss Universe—isang malaking hakbang sa pagpapakita ng pagbasag sa mga tradisyunal na pamantayan ng kagandahan sa lipunang Pilipino.

 

La Bulaqueña

Hindi araw-araw makakakita ng Bulakenya sa entablado ng mundo. Ngunit sa pagkakataong ito, tila’y naipanalo na yata ni Manalo ang sambayanang at kababaihang Pilipino sa kanyang taglay na kariktan, talino, at dating.

 

Noong Hunyo 9, pinarangalan siya ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng isang homecoming parade sa Malolos na nagpakita ng mainit na pagsalubong at pagmamalaki ng kanyang mga kababayang Bulakenyo. Sa buwan ng Hulyo nitong taon, ginawaran din si Manalo ng Gintong Kawayan Recognition at Pin of Honor mula sa mga opisyal ng Meycauayan. Nagbukas din siya ng isang espesyal na eksibit na pinamagatang “Chelsea Anne Manalo Exhibit: The Journey” sa munisipyo ng kaniyang lalawigan.

 

Bilang pagbibigay-pugay sa probinsya na kanyang pinagmulan, nagpakita rin si Manalo sa music video ng ng kantang “La Bulaqueña” ng bandang Orange and Lemons.

 

Kagandahan, katalinuhan, at karunungan

Sa kanyang profile video para sa Miss Universe Philippines, ibinahagi ni Manalo na lumaki siya nang may mga insekyuridad at mababang kumpiyansa dahil sa pamimintas tungkol sa kanyang kulay ng balat at buhok. Ngunit dahil sa suporta ng kanyang pamilya at mga kaibigan, nakatagpo siya ng hindi matitinag na kumpiyansa sa sarili.

 

Nagsimula ang kanyang career bilang isang propesyonal na modelo noong siya ay 14 taong gulang, kung saan siya’y itinatampok sa mga cover ng mga magasin at iba’t ibang patalastas. Kalaunan ay naging endorser siya ng Bench, isa sa mga nangungunang lokal na tatak ng mga damit sa Pilipinas, noong taong 2021.

 

Ang kanyang unang paglahok sa mga pambansang timpalak ay noong 2017 nang sumali siya sa Miss World Philippines, kung saan nagtapos siya sa Top 15 mula sa 34 na kalahok. Sa kanyang tagumpay ngayong 2024 sa Miss Universe Philippines, ipinagdiwang ng mga netizen ang kanyang pagkapanalo bilang isang hamon sa “preference for Eurocentric beauty” na matagal nang umiiral sa bansa.

 

Bukod sa kanyang pagtatapos ng kursong Tourism Management sa De La Salle Araneta University, siya ay masigasig na tagapagtaguyod ng edukasyon para sa mga kabataang katutubo, partikular na sa mga kabataan ng Tribong Dumagat. Noong Agosto 2019, nagsimula siyang maging boluntaryo para sa “Kids for Kids,” isang organisasyong pinamumunuan ng kabataan na naglalayong lumikha ng ligtas na espasyo para sa mga bata at turuan sila maging kislap ng pagbabago sa kani-kanilang komunidad

 

“Get it, girl!” 

Agaw-atensyon si Manalo sa maraming tagahanga sa social media, kabilang na ang Amerikanang supermodel na si Tyra Banks at ang dating Miss Universe 2018 Catriona Gray. Dalawang beses na nagbigay ng komento si Banks sa mga Instagram post ni Manalo bilang pagpapakita ng suporta sa kanyang kampanya para sa Miss Universe 2024. “Get it, girl!” at “Work!!!”, puri ni Banks sa kanyang mga headshots. Ito’y tila patunay na ang kagandahan at karisma ni Manalo ay pang-world class at nakakaabot maging sa mga malalaking pangalan sa larangan ng pagmomodelo.

 

Sa pamamagitan ng kanyang paglahok sa pageant na ito at pagsuporta sa mga adbokasiya na naglalayong magdulot ng pagbabago sa lipunan, ipinakita ni Manalo na ang tunay na kahulugan ng tagumpay ay hindi nasusukat sa koronang isinusuot—kundi sa kakayahang magbigay ng inspirasyon at pangarap para sa kanyang mga kababayan.

 

This victory is not just mine; it belongs to all of us who dared to dream and worked tirelessly to turn our dreams into reality. Para sa inyo lahat ‘to,” wika ni Manalo sa isang pahayag sa Rappler.

 

Ang koronasyon ng ika-73 edisyon ng Miss Universe ay magaganap sa Arena CDMX ng Mexico City sa darating na Nob. 17. Maaaring mapanood ang Miss Universe 2024 sa pamamagitan ng mga livestream sa iba’t ibang plataporma ng ABS-CBN, kabilang ang A2Z Channel 11, Kapamilya Channel, Metro Channel, at iWantTFC.