Dibuho Ni Gil Escorial
Dibuho Ni Gil Escorial.

Hello, Love, Again: Ang sapalaran ng pagmamahalan at pangarap


May mga lugar na pangmatagalan, may mga lugar na dinadaan at binabalikan—ang tahanan. #HelloLoveAgain #KathDen


By Aryanna de Borja, and Mark Gabriel Sablad | Monday, 18 November 2024

Kumpol-kumpol na madla ang bumungad sa ticket lane upang bumili at mapanood ang premiere ng pelikulang Hello, Love, Again noong Nob. 13. Todo ang hiyawan ng mga manonood sa loob ng sinehan dahil sa mga nakakakilig, cheesy, at nakakatuwang batuhan ng linya ng mga gumaganap na karakter sa palabas. Hindi maikakaila na ang pelikula’y nagbibigay ng matinding emosyon at pagpapahalaga sa buhay ng mga Pilipino, lalong lalo na sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs). 

 

Muling napukaw ang pag-iibigan nina Joy Marie Fabregas (Kathryn Bernardo) at Ethan del Rosario (Alden Richards), sa pelikulang Hello, Love, Again ni Cathy Garcia-Sampana. Ang pelikula ay isang sequel ng matagumpay na Hello, Love, Goodbye na inilabas noong 2019. 

 

Mula sa Hong Kong, ipinagpatuloy ang kanilang kwento sa Canada na kung saan pilit inaabot ni Joy ang kanyang pangarap na maging isang registered nurse. Sa muling pagkikita ni Joy at Ethan sa banyagang bansa, tinalakay ang kanilang mga pansariling hamon at ang pag-iibigan na patuloy na umusbong sa kabila ng mga pagsubok.

 

Ang buhay ng mga manggagawa sa ibayong dagat

 

“Ang mahal ng pamasahe; dugo, pawis, at luha,” banggit ni Joy. 

Nang makarating si Joy sa Calgary, Canada, pansamantalang namasukan siya bilang isang nanny habang naghihintay sa kaniyang student visa upang matuloy ang kanyang minimithing pangarap. Ngunit sa kabila ng mga ito, siya ay nalinlang ng kanyang amo, na nagdulot ng karagdagang pasan. Iminulat ng mensahe ang mga manonood sa mga hamon na dinaranas upang makapagtustos, hindi lamang para sa kanilang sariling kapakanan, kundi makalikom ng salapi upang may maipadala sa pamilyang naiwan sa Pilipinas. 

 

Nabigyang pansin din ang pangangailangan ng mga OFWs noong kasagsagan ng COVID-19 na nangangailangan ng karagdagang pagkayod. “Kagaya ng iba, Canada na lang ang pag-asa ko,” bitaw ni Ethan. Gawa ng epekto ng pandemya, ang mga OFWs na tulad ni Ethan ay pilit hinarap ang malaking balakid: ang lockdown na ipinatupad sa iba't ibang panig ng mundo. Ramdam ang epekto sa kabuhayan ng mga manggagawa sapagkat marami ang nawalan ng trabaho at hindi nakatanggap ng mga benepisyo, tulad ng life insurance

 

Dagdag pa ang pagtatanghal sa isa sa mga samot-saring hirap na dinaranas ng mga OFWs, na madalas ay hindi nakaabot sa mga mahahalagang yugto ng buhay ng kanilang pamilya: ang makabagbag-damdaming eksenang pagiging positive ng kanyang ama sa COVID-19, ang nagtulak upang bumalik siya sa Hong Kong. Subalit, wala na ang kanyang mahal sa buhay; hindi na niya ito inabutang buhay. 

 

Sa kabilang dako, pinakita naman ang mga samahan at kultura ng pagiging OFW. Ang mga pagtipon-tipon, karaoke, at mga ‘pasabuy’ ay nagiging daan upang mapanatiling buhay ang kanilang koneksyon at ugnayan sa kulturang Pilipino kasabay nito ay nagiging isang oportunidad na ibahagi ang kanilang karanasan upang makamit ang kanilang mga pangarap: isang katiyakan na hindi sila nag-iisa sa kanilang mga laban. 

 

Pangarap o Pag-ibig?

Pilit na sinusubok ng tadhana ang dalawang magkasintahan na sina Joy at Ethan. Nagsimula sa paghahanap ng mga trabaho sa iba’t ibang bahagi ng Hong Kong hanggang sa mapadpad sa siyudad ng Calgary, Canada upang maghanap ng bukas na oportunidad para sa mga pangangailangan ng sari-sariling pamilya. Sa kabila ng pagiging abala sa maraming gawain, matagumpay pa rin na nabibigyang-oras nina Joy at Ethan ang isa’t isa habang magkasabay na hinuhulma ang pangarap at pag-ibig na kanilang hinihiling. Gawa ng pagiging kapos-palad at kawalan ng kwarta, pumayag sina Joy at Ethan na manirahan sa iisang bahay upang magpanggap at paniwalain ang mga awtoridad na sila ay mag-asawa kapalit ng benepisyo nang pagiging permanenteng residente ng Canada ayon sa kanilang batas na Common-Law Partner Visa. Lingid sa kamalayan ng dalawa ang bunga na nahahango ng kanilang mga agarang pasiya sa buhay.

 

Kadahupan at responsibilidad sa pamilya ang kadalasang nagtutulak kay Joy at Ethan—parehong breadwinner ng pamilya—na piliin ang mga minimithi nilang pangarap. Subalit, ang mga umiiral na nararamdaman para sa isa’t isa ang humuhulmang sagabal sa tagumpay ng ambisyon na kanilang inaasam. Sa pelikula, ipinahihiwatig sa madla ang oportunidad na ipinagkaloob sa kanilang mga kapalaran; mga panandaliang pagkakataong dumadaan sa buhay na nagtulak kay Joy at Ethan na magpasya ng isang desisyon na kinakailangan ng sakripisyo. Naipit sa kalagayang: lilisanin ang nakaraan para sa pangarap o mananatili alang-alang sa pag-ibig. Ipinakita sa pagwawakas ng palabas ang nagawang pasya nina Joy at Ethan sa kabila ng mga masidhi nilang pinagdaanan sa Hong Kong at Canada. Kahirapan sa buhay ang nagsisilbing hadlang ng kanilang walang hangganang pagmamahalan. Ngunit, kahit na ipinabatid ng pelikula ang hindi maaaring pagsabay ng pangarap at pag-ibig, pinatunayan nina Joy at Ethan na may kakayahan pa rin na lumikha ng desisyon ang mga tulad nilang namumuhay sa karalitaan.

 

Dugo, pawis, at sakripisyo ay kailangan alang-alang sa kapakanan ng mga pamilyang iniwan na nangangailangan ng pangtustos sa araw-araw. Ika nga ni Martha (Wendy Froberg), “We leave our homes to become more and to give more to our loved ones.”  Inilalarawan ang karanasan ng maraming OFWs na handang isakripisyo ang kanilang mga nakasanayang buhay para sa ikagiginhawa ng buhay ng mga minamahal nila. Ang kwento nina Joy at Ethan ay isang mahusay na ehemplo ng realidad ng mga migranteng manggagawa na patuloy ginagabayang sakripisyo at pagmamahal. OFWs ang mga bayaning responsable na gumagabay at nagsasalba sa mga taong pinili nilang iwan alang-alang sa kaginhawaan ng buhay. 


Maaaring mapapanood ang Hello, Love, Again sa malawakang 900 na sinehan sa loob at labas ng bansa. Ang trailer naman ng pelikula ay mapapanood sa YouTube.