Salamin sa lipunang matagal nang ninanais ang katarungan, ang dokumentaryong “Kapalit ng Katahimikan” ni Kara David para sa I-Witness ay isinasalaysay ang malagim na kwento ng tatlong batang babae na dumanas ng sekswal na pang-aabuso sa Maguindanao. Sa bawat kwento ng babaeng ibinibigay bilang kapalit ng kapayapaan, isang tanong ang bumubulong: hanggang kailan natin ipagpapalit ang kalayaan ng iilan para sa katahimikan ng karamihan?
Ayon sa kasalukuyang pagtataya ng UNICEF, higit sa 370 milyong babae ang nakararanas ng panggagahasa o sekswal na pang-aabuso bago umabot sa edad na 18. Ipinapakita ng ulat na ito ang lawak ng paglabag na nararanasan ng mga kabataan, na madalas ay may pangmatagalang epekto sa kanilang buhay.
Sa ilalim ng mga umiiral na batas tulad ng Republic Act No. 8353 o Anti-Rape Law, malinaw na itinuturing pang-aabuso ang mga kaso ng panggagahasa, anuman ang kasarian ng biktima. Kasama rito ang mga kaso kung saan may kapansanan ang biktima, 'pagkat nilalabag ang kanilang karapatang ipagtanggol ang sarili. Ang mapapatunayang may sala ay haharap sa reclusión perpetua o habambuhay na pagkabilanggo, anuman ang relasyon ng salarin sa biktima; lalo na’t ang tiwala at kapangyarihan ay madalas na ginagamit upang siya’y kontrolin.
Bagama’t malinaw ang batas ukol dito, hindi madaling makasuhan ang manggagahasang kamag-anak lalo na’t may mga lugar na ang kultura ay hindi nagbibigay-daan para mabigyan ng boses ang biktima laban sa kanilang kamag-anak. Dagdag pa rito, ang ilang pamilya mismo ay sadyang pinipili ang pananahimik upang maiwasan ang pagkawatak-watak ng mga kamag-anakan. Sa ganitong mga kaso, hindi lamang ang sistema ng hustisya ang kinakaharap ng mga biktima, kundi pati na rin ang sariling komunidad—isang kaaabalahan na mas mahirap pang lampasan dahil sa malalim na ugat ng hiya at kultura ng pananahimik.
Bayad sa kahihiyan, kakulangan sa katarungan
Sa dokumentaryong ito, isang babaeng may kapansanan sa pag-iisip ay dalawang beses na ginahasa—una ng kanyang tiyuhin at sumunod ng isang kapitbahay. Ayon naman sa Republic Act No. 8371 o Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA), nilalayon ang pagprotekta sa karapatan ng mga katutubo, tulad ng karapatan sa sariling pamamahala kung saan may kakayahan na magtakda ng sariling alituntunin at proseso sa paghahanap ng hustisya. Ngunit, sa halip na dalhin sa hukuman, nagpasya ang konseho ng tribo o Tribal Council na bayaran ang pamilya sa pamamagitan ng kabayo at ₱6,000 na tinatawag bilang “bayad sa kahihiyan.” Ngunit sa kasong ito, ang pagbabayad sa kahihiyan ay hindi sapat na kapalit para sa hustisya ng biktima.
Nang muling mangyari ang pang-aabuso, nagsumbong ang dalaga sa kamag-anak ngunit hindi pinaniwalaan; at siya pa nga’y pinagalitan. Iminungkahi naman ng konseho na siya’y ipapakasal sa salarin imbes na papanagutin ang pang-aabuso nito, alinsunod sa nakagisnang tradisyon. Ang dahilan ng konseho—upang i-areglo ang sitwasyon dahil sa pangambang madadamay ang iba—ay naglalarawan ng isang masalimuot na kalakaran, isang masakit na sakripisyo na naglalarawan ng kawalang-boses ng biktima.
Ipinapahayag ng konseho ng tribo na sila’y tagapamagitan at may opsyon ang biktima na idulog ang kaso sa hukuman ng katarungan. Bagama’t mahalaga ang paggalang sa mga kultura at tradisyon, hindi maikakaila na ang anumang paglabag sa dignidad at karapatan ng isang tao ay isang krimen na dapat pagtuunan ng pansin. Ang pagsasaalang-alang dito ay hindi layuning kwestyunin ang kultura, kundi upang tiyakin na naabot ang tunay na hustisya para sa mga biktima.
Sa kabila ng takot at panganib
Sa isang kaso naman ng dalawang batang babae, na may edad 5 at 10, naharap sila sa isang nakababahalang karanasan ng pang-aabuso at pagbabanta mula sa kanilang tiyuhin. Makikita ang pagbabalik ng masalimuot na sitwasyon dulot ng takot at pananakot. Ang suspek ay nagpasya na ayusin ang usapin sa pamamagitan ng konseho ng tribo, na ayon sa kanya’y mas mainam na huwag na lang ipaalam ang pang-aabuso upang hindi mapahiya ang kanilang tribo.
Sa kabila ng pagnanais ng tiyuhin na itago ang krimen, nahanap ng pamilya ng mga bata ang lakas ng loob na humingi ng tulong sa isang abogado. Sa tulong ng legal na payo, nagawa nilang isulong ang kaso sa korte at hindi na lamang umasa sa tradisyonal na konseho. Sa huli, ang suspek ay naipakulong. Gayunpaman, ang prosesong ito ay nagpapakita ng napakaraming balakid na kailangang lampasan bago makamit ang hustisya—mga balakid na pinalalala ng takot sa pagdudulot ng kahihiyan sa komunidad.
Sukdulan ng kakapusan
Patuloy na hinaharap ng mga kababaihan ang mga hamon sa kanilang mga karapatan sa iba’t ibang sulok ng mundo—karamihan dito’y hindi nakakamit ang hustisya. Sa kabila ng mga batas na naglalayong protektahan sila, madalas na kulang ang suporta mula sa kanilang komunidad, na nagiging sanhi ng pag-aalinlangan nilang magsalita sa mga awtoridad. Kung ang mga taong itinuturing na pamilya ay hindi naniniwala sa kanilang mga kwento, paano pa sila magkakaroon ng lakas ng loob na humarap sa mga hukom? Madalas na humahantong ito sa kanilang pagtalikod sa pagsasampa ng kaso, kaya’t nagiging tahimik ang kanilang mga hinanakit.
Ito ay ilan sa mga kwento ng bawat babaeng napatahimik, kwento ng bawat karapatan na ipinalit sa isang kapayapaang hindi totoo. Ang mensahe ni Kara David ay malinaw: hindi maituturing na kalayaan ang katahimikan kung ang halaga nito ay ang kaluluwa ng isang tao.
Ang Kapalit ng Katahimikan ay mapapanood sa YouTube at GMA Network