Layout By Reina Cruz
Layout By Reina Cruz.

Isang Kaibigan: Saan aabot ang 10 milyon mo?


#IsangKaibigan nga ba talaga ang librong ito sa mga batang Pilipino?


By Sofia Agudo | Monday, 16 September 2024

Umani agad ng atensyon ang librong “Isang Kaibigan” ni Bise Presidente Sara Duterte pagkatapos ng isang Office of the Vice President (OVP) Budget Hearing dahil sa halagang ₱10 milyong badyet na inilaan ng Department of Education (DepEd) para sa 200,000 kopya nito. Ngunit masasabi nga ba na sulit ang pondo ng bayan na ginastos dito sa paraang katumbas ng presyo ang kalidad ng libro?

 

Ang librong “Isang Kaibigan” ay tungkol sa isang kuwago na nawalan ng mga kaibigang ibon nang masira ng bagyo ang kanyang tahanan. Sa kabila ng kanyang naranasan, isang mabait na loro ang lumapit sa kanya upang muling itayo ang kanyang pugad. Nais patunayan ng kwentong ito na ang isang tunay na kaibigan ay hindi nang-iiwan sa oras ng pangangailangan. Naglalaman ang aklat ng 16 na pahina na puno ng mga makukulay na ilustrasyong likha nina Janina Simbillo at Joseph Caligner.

 

Ayon kay Duterte, matagal na niyang nais magsulat ng libro—at ang “Isang Kaibigan” ang naging bunga ng kanyang pangarap na ito. “Matagal ko na gusto magsulat ng libro… noon pa na ako ay nag-aaral ng law. Ngunit hindi dumating sa akin na meron akong napusuan na isulat. Ngayon lang,” aniya. 

 

Isa na namang kwento ng pagkakaibigan


Para sa isang librong pambata, ang “Isang Kaibigan” ay nagkukulang sa kilos at lalim. Kumbaga’y hindi gaanong pinag-isipan ang istorya sapagkat masyado nang gasgas ang salaysay na laging mayroong tutulong sa’yo pagkatapos ng unos. Ang pagsulat ng banghay ay napaka-linear na kahit sino ay madadaliang hulaan ang wakas ng kwentong ito. Gayunpaman, ang mensahe ay simple at madaling malimutan sapagkat wala itong taglay na emosyonal na bigat o anumang kakaibang aspeto na maaaring mag-iwan ng malalim na impresyon, ‘di tulad ng ibang aklat pambata. 

 

Bagaman may mabuting layunin ang akda, parang nakaligtaan nito ang pagkakataong magbigay ng mas makabuluhang aral na mag-uudyok ng pagninilay o talakayan sa mga batang mambabasa.

 

Pagtutulay sa sining at salita

Sa librong pambata, mahalagang mapanatili ang maayos na ugnayan ng mga ilustrasyon at pagsasalaysay sa bawat pahina, ngunit hindi iyon nagawa ng “Isang Kaibigan.” Ang maayos na kumbinasyon ng teksto at mga dibuho ay gumagawa ng isang nakaeengganyong karanasan para sa mga bata na kung saan tinutulungan silang mailarawan nang mas maayos ang kwento. Sa ilang mga bahagi ng aklat, ang mga larawan ay hindi nauugnay sa kung ano ang nangyayari sa kwento. Hindi ito nagdaragdag ng anumang lalim o halaga sa salaysay, at mukhang nandiyan lang sila para lang sa kapakanan ng pagkakaroon ng dekorasyon sa pahina.

 

Marami rin ang nangungutya sa social media na ang mga ilustrasyon ay mukhang ipinaskil lamang sa disenyo ng pahina at kawangis ng mga elemento na makikita sa libreng bersyon ng editing app na Canva.

 

Kapansin-pansin din na ang pangalan ng manunulat sa pabalat ng aklat ay mas malaki pa kaysa sa mga taga-guhit. Sa isang pangkaraniwang libro, dapat magkasinlaki ang mga sukat nito bilang tanda ng pagpapakita ng pantay na pagpapahalaga sa kanilang kontribusyon sa paggawa ng aklat.

 

Simpleng istorya, kumplikadong salita

Ang aklat na ito ay para sa mga bata. Ngunit ang istraktura at mga piniling mga salita ba’y talagang angkop para sa antas ng pagbabasa ng mga bata?

 

Ang mga salitang ginamit ay masyadong malalim para sa mga nagsisimula pa lang mag-aral, tulad na lamang ng mga katagang “marangyang” “nabagbag,” “unos,” at marami pang iba. Dahil ito ay librong pambata, dapat gumamit ang may akda ng mga simpleng salita na madaling maunawaan ng marami upang madali itong basahin—lalo na kung isasaalang-alang na ito ay ipinamamahagi sa buong bansa kung saan may iba’t ibang wika at diyalekto na ginagamit.

 

Sa isa sa mga pagdinig tungkol sa badyet ng OVP, itinuro ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel ang ilang pagkakamali sa gramatika na makikita sa akda ni Duterte. “‘Yong word na sila, dapat po sina, tapos ‘yong ‘walang awa’, dapat nga may hyphen po ‘yan. Tapos Madam chair, nakalagay din ‘yong pugad daw ng kuwago ay nakapatong sa sanga. Sabi ng mga eksperto, ang owl’s nest, ay hindi po nakapatong sa sanga. Either nasa butas po ‘yan ng mga puno or nasa ilalim ng lupa,” sabi ni Manuel.

 

Naglalaman ito ng maraming mga teknikal na error. Dapat ay nasuri muna ang aklat bago ito ipinamahagi dahil baka mali ang pagkatuto ng mga bata sa gramatika ng Filipino habang binabasa nila ito. Kahit na ito ay kwentong pambata, dapat pa rin itong manatiling makatotohanan sa iilang aspeto at tama ayon sa mga tuntunin sa gramatika.

 

Tunay na kaibigan… o kabulaanan?

Opisyal na inilunsad ni Duterte ang “Isang Kaibigan” noong Nobyembre 2023, sa Araw ng Pagbasa, ngunit walang naging papel ang DepEd sa paggawa at paglimbag nito. Wala rin silang kabatiran sa pamamalagi ng libro hanggang sa makita nila ang mga pisikal na mga kopya nito sa mismong araw ng okasyon. “Yung particular book po, nakita lang namin noong launch,” wika ni DepEd Undersecretary Gina Gonong.

 

Gayunpaman, ang libro ay may pagkakatulad sa nobelang "Owly Just a Little Blue" ng Amerikanong manunulat na si Andy Runton. Parehong kuwago ang pangunahing tauhan ng dalawang libro at nagtuturo ng kahalagahan ng pagkakaibigan sa oras ng pangangailangan. Sa kabila ng mga akusasyon, itinanggi ni Duterte na plagiarized ang kanyang akda. “Napakadaling sumulat ng maikling kwento batay sa sariling karanasan, hindi na kailangang mangopya pa,” saad niya.

 

Tila hindi sulit ang inilaang ₱10 milyon para sa librong ito. Mauunawaan at mabibigyang-katwiran ang ganitong kataas na badyet kung bumawi lamang ito sa mga larawan, lalim ng kwento, at tamang balarila. Marami pang ibang mga aklat pambata na mas may taglay na kalaliman at kabuluhan na talagang sulit sa iyong pera kaysa rito.

 

Sa isang obhetibong pananaw, wala masyadong espesyal sa librong ito at madali itong makalimutan dahil hindi ito nag-iiwan ng pangmatagalang epekto sa mga mambabasa. Maganda sana ang piniling tema ng manunulat para sa “Isang Kaibigan.” Kapuri-puri ang tema ng pagkakaibigan subalit sa makabuluhan at mabisang pamamaraan dapat ito’y  sinulat para sa mga bata. May potensyal sana para sa aklat na ito na may ganoong kataas na badyet, ngunit ito’y nasayang tulad ng mga pondong naaksaya para sa produksyon at pagpapalimbag nito. Ang mga pampublikong pondo na ito ay dapat ginamit na lamang para sa iba pang mga bagay na magpapaunlad sa buhay ng mga Pilipino, o kaya’y ginamit upang pondohan ang iba't ibang mga programa sa edukasyon na talagang makakatulong sa reading comprehension ng mga bata.

 

Mukhang may balak na naman si Duterte na magsulat ng panibagong aklat tungkol sa pagtataksil ng mga kaibigan. Ano na naman kaya ang nais niyang ituro sa librong ito? Sana sa pagkakataong ito, siya’y makapagsulat ng isang makabuluhang kwento na taos-pusong aalunig sa damdamin ng sambayanang Pilipino.