Layout By Maia Martin
Layout By Maia Martin.

Ang Duyan ng Magiting: Salamin sa kagitingan at kawalan ng katarungan


“Sa duyan ng magiting, maraming natutulog pero walang nagigising.” — Mrs. Santos, Ang Duyan ng Magiting (2023)


By Rae Salonga, and Mariah Corpuz | Thursday, 15 February 2024

Sa pag-ugoy ng duyan, tayo’y iniimbitahang magising, mag-isip, at maging bahagi ng pagbabago sa lipunan. “Ang Duyan ng Magiting” ay hindi isang pelikulang nagtuturo kung ano ang dapat nating isipin—sa halip, ito ay nagbubukas ng mga katanungang patuloy na hindi pa rin masagot ng pamahalaan. Isa itong salamin sa sistema, kasaysayan, at ang epekto ng karahasan sa iba’t ibang bahagi ng lipunan.

 

Mula sa direksyon ni Dustin Celestino, isang tagapagturo ng screenwriting sa School of New Media Arts (SNMA) sa De La Salle-College of Saint Benilde (DLS-CSB), Ang Duyan ng Magiting” ay salamin sa pampulitikang larangan lalo na sa mga panahong mataas ang kaso ng red-tagging. Ipinalabas ng Benilde Film ang pelikula noong Enero 26, 2023 sa komunidad ng DLS-CSB.

 

Nakatanggap ang pelikula ng mga parangal sa 2023 Cinemalaya Philippine Independent Film Festival at kasama rito ang “Special Jury Prize” para sa matalim nitong pagsusuri sa pulitikal na estado ng Pilipinas. Isa rin ang “Special award for Best Ensemble Acting” sa mga parangal na ibinigay naman para sa mahusay na pagganap ng mga artistang sina Dolly De Leon, Bituin Escalante, Agot Isidro, Miggy Jimenez, Jojit Lorenzo, Frances Makil-Ignacio, Paolo O’Hara, Joel Saracho, at Dylan Ray Talon. 

 

“Ano man ang nagawa ko, nagawa ko para sa bayan”
Dala sa atin ng pelikula ang mga katanungang, “Sino ba ang nasa tama, sino ba ang bayani?” sa isang larangan ng mga taong may iba’t ibang bersyon ng katarungan. Mapapansin na ang pinapaligirang tema nito ay ang karahasang dala ng estado kung saan ang anumang pagsalungat ay hindi madali kapag ikaw ay harap-harapan na sa taong mapaniil; na hindi madaling ilagay sa praktika ang teorya upang maging epektibo ang paglaban dito. Pinatunayan ito ng karakter ni Jill Sebastian (Dolly De Leon) noong kaharap na niyang kausap ang pulis na ang bersyon ng hustisya ay pang-aabuso ng kapangyarihan.

Naging epektibo ang pelikula sa pagpapakita at pagsusuri kung paano nakakaapekto ang pagkakaroon ng iba’t ibang paniniwala, maging sa pamilya man o kaibigan, sa paraan na pinahihintulutan din ang mga manonood na pag-isipan din ang sariling paniniwala. Tulad ng ipinahihiwatig ng pelikula at binanggit ng karakter ni Santos: “Sa duyan ng magiting, maraming natutulog pero walang nagigising.” Sa lipunan ng nag-aasam, mayroong mga taong puno ng layunin para sa pagbabago, mga taong hindi gaanong interesado sa mga pagbabago, at mayroon ding mga taong nagiging hadlang sa landas ng positibong pagbabago.


Sa pangkalahatan, bagamat hindi ito tuwirang panawagan sa aksyon, inilalahad ng pelikula na tayo, bilang Pilipino, ay nasa loob ng isang siklong tila walang katapusan. Binabalik sa atin ang katanungan kung ano nga ba ang ibig sabihin na maging tunay na bayani para sa bayang patuloy na naiipit sa siklong kulang sa katarungan. 

 

Sa likod ng magiting na konsepto 

Pagkatapos ipalabas ang pelikula, nabigyan ng pagkakataon na magkaroon ng isang eksklusibong Q&A session ang mga mag-aaral ng DLS-CSB kay Celestino.

 

“Syempre ‘yung pinaka-relatable for me na character is Victor… kasi he is also a college professor. And of course may mga meltdown din ako minsan sa classroom,” aniya Celestino nang tanungin kung sinong pinakamalapit na karakter para sa kanya.

 

Ibinahagi ng direktor ang prosesong pinagdaanan ng pelikula na kung saan ang motibasyon nito ay ang larong Dungeons & Dragons. Nais niyang ipakita ang pagkatao ng bawat karakter sa pagkakaroon ng “lawful good,” “neutral good,” at marami pang iba–gaya sa larong nabanggit. 

 

Dagdag pa rito, naging inspirasyon din ang Swedish na direktor si Roy Andersson, na kilala sa malapinintang eksena sa kanyang mga palabas. Kaya karamihan sa eksena’y ginamitan ng mga wide shots upang makamit ang malikhaing komposisyon sa pelikula. Ito din ang naging daan para mas maging natural ang mga eksena na tila kasama ang mga manonood sa pelikula.

 

Ibinunyag din ni Celestino na nagkaroon ng mga hamon sa badyet at oras ang pelikula. Sa kadahilanang medyo kontrobersyal ang proyekto, partikular sa aspetong politikal, walang tumanggap na production partner. Buhat dito, naapektuhan ang buong produksyon lalong lalo na sa sinematograpiya nito.

 

“Lagi kong tinuturo (na) it’s supposed to be a series of images(but) this film is not like that. This is dialogue-heavy but that was a logistical choice. We have to make do of the resources we had. So pati ‘yung aesthetic choices namin (naapektuhan),” ani Celestino.

 

Pagkatuklas sa dulo ng produksyon at palabas

Inilahad ng direktor na naglaan lamang ng limang araw ang produksyon para sa pagkuha ng mga eksena sa pelikula. Ngunit, ito naman ang pinakamarami niyang nagawan ng drafts sa lahat ng kanyang proyekto. Umabot siya ng mahigit 30 revisions ng script bago natapos ang pinakahuling bersyon nito. Maging ang pangwakas na eksena ay nagkaroon ng tatlong bersyon at hindi ang orihinal na pangwakas ang ginamit para dito. 

 

Ika niya, “The reason why we went for this ending is because it was the most compelling visually. And the second reason (is) we did not want to process the film for the audience. It’s an invitation to contemplate.”  

 

Ang bawat obra ay inaasahang may dalang aral o “call to action” na maaaring dalhin at isabuhay ng mga tao. Ngunit sa pelikulang ito, hindi mawari ang nais ipabatid sa mga manonood. Ayon sa direktor, “Hindi lahat ng pelikula ay may call to action. Sometimes a film is a mirror…  it’s just meant to show you what’s going on.” 

 

Bagkus kakaiba nga ang atake ng palabas, “Ang Duyan ng Magiting” ay maaaring magmulat sa mga manonood. Sa bawat salitang binitawan ng mga tauhan ay ginigising nito ang mga natutulog na diwa sa kung anong kalagayan na ng ating bansa sa kasalukuyan. 

 

Hindi man magkakapareho ang paniniwala ng bawat isa, nawa’y maging bukas pa rin ang mga isipan natin para sa kinabukasan ng ating lipunan. Ito ang paraan upang makawala sa paulit-ulit na hapis na natatamo ng isang bayan.

 

“Ang Duyan ng Magiting” ay maaari pang mapanood sa UPFI Film Center sa Pebrero 17, 2024 ng 1 p.m. at 4 p.m.