Photo By Michaella Arguelles
Photo By Michaella Arguelles.

Traslacion 2024: Ang pagbabalik ng Pista ng Itim na Nazareno


Mahigit anim na milyong deboto ang sumabak at nakipagbunyi sa Pista ng Itim na Nazareno ngayong taon. Halina’t alamin ang kanilang mga karamdaman at kuro-kuro sa bagong sistema ng Traslacion ngayong taon. #Nazareno2024


By RA de Lemos, and Mariah Corpuz | Thursday, 11 January 2024

Pagkatapos ng tatlong taon na pagtigil sa pagdaraos ng nakaugaliang Traslascion o prusiyson sa kapistahan ng Itim na Nazareno, nabuhayan muli ang mga puso at pananampalataya ng milyon-milyong Pilipinong deboto nang ibalik ang tradisyong ito ngayong 2024.

 

"Ibig po naming makita si Hesus," mula sa ebanghelyo ni Juan, ang temang inihanda ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno, o mas kilalang Simbahan ng Quiapo, para sa pinaka-inabangang Nazareno 2024. 

 

Gaya ng mga nagdaang Traslacion, ang prusisyon ay sinimulan sa Quirino Grandstrand ng madaling araw ng Enero 9, paikot sa mga pook ng Maynila, at saka inihatid pabalik sa Simbahan ng Quiapo.

 

Matatag na pamamanata

Mula pa lamang sa paghahanda't pag-aantay sa prusisyon, ramdam na ramdam ang pananabik ng mga deboto sa kaganapang ito. 

 

Libo-libo ang natulog sa mga kalsadang nakapalibot sa Quirino Grandstand, sa pamamagitan ng paglalatag o paglalagay ng mga tent. Bilang karagdagan pa rito, ang mga tradisyong pagdadala ng bimpo (para sa pagpupunas at pagwawagayway), pagsusuot ng mga bandana’t kulay dilaw at maroon na damit, pati na rin ang pagpunta ng nakayapak lang ay patuloy na ginagawa ng nakararami sa kabila ng mahabang panahon na pagtigil ng prusisyon dahil sa COVID-19.

 

Mga kwento ng deboto

“Iba ‘yung feeling kasi, lalo na ‘pag nakikita mo Siya (Nazareno).” Sa panayam ng The Benildean kay Jennifer Evangelista, isang 55 taong gulang na debotong galing sa lungsod ng Parañaque, nagsimula siyang makibahagi sa Traslacion nang 20 taong gulang pa lamang siya. Ang tanging kahilingan niya lamang ay nakatuon para sa kalusugan at kaligtasan ng kanyang pamilya. Imbis na siya mismo ang nagsasagawa ng pagpupunas, inaabot na lang niya ang kaniyang bimpo sa mga “hijos” (Hijos del Nazareno) o mga nangangasiwa sa andas ng Nazareno. Si Jennifer ay madalas ding nagsisimba sa Quiapo upang mas mapatatag niya pa ang kaniyang debosyon sa Poong Nazareno.

 

“Ang prusisyon ay dapat mataimtim, hindi maingay, at nagsisigawan. Ang pinunta natin dito ay humingi ng tawad sa mga kasalanan… humingi  ng tulong para sa pamilya.” Katulad ni Jennifer, kalusugan ng pamilya ang isa sa mga pinakahiling ng 59 anyos na si Romeo Gutierrez. Ayon sa panayam ng The Benildean sa kanya, bumiyahe pa siya galing sa lungsod ng Pateros. Nagsimulang manampalataya sa Itim na Nazareno si Romeo noong taong 2007. Isa rin siya sa mga nagdala ng replika ng Poon para sa Traslacion.

 

Nang nakapanayam din ng The Benildean ang isang 37 na anyos na debotong walang panyapak na si Warren, binahagi niya ang panananabik sa muling pagdaraos ng Traslacion ngayong taon. Tanging kahilingan niya’y walang magkasakit sa kaniyang pamilya. 

 

Ipinahayag din niya ang kahalagahan ng pagdalo sa prusisyon ng nakayapak lamang. Aniya, “‘pag [nakasuot ng] tsinelas, ‘di mo naman [mararamdaman] kung ano natapakan mo eh… pag nakatapak ka sa bato… sa tao… kaya lahat talaga importante naka-paa.” “Kasi si Hesus naman ‘yung [nagsakripisyo] [na] naka-paa rin po eh,” dagdag pa niya.

 

Ayon naman kay Dreher Flavio, 40 taong gulang na galing Caloocan, mahalagang mahalaga sa kaniya ay tradisyong ito sapagkat ang Nazareno raw ang dahilan ng pagkawala ng bukol sa kanyang dibdib. Ang itinuring niyang himalang ito ang nagpalalim ng kaniyang debosyon sa Poon at ngayo’y isinasama niya na ang kaniyang asawa na si Marj, na unang beses makakadalo sa ganitong pagdiriwang. “Actually masaya… kasi andaming tao at the same time ramdam mo na namamanata talaga silang lahat dito,” aniya Marj.

Nazareno sa kasalukuyan

Ngayong Pista ng Itim na Nazareno, iba na ang estilo ng andas ng Nazareno kung saan ito’y nakalagay sa loob ng bulletproof na salamin. Mayroon man itong harang, hindi pa rin ito naging hadlang sa mga debotong namamanata. 

 

Better ‘yon kasi inaakyat nila eh, nasisira ‘yung kamay, ‘yung damit. Tsaka, grabeng sakitan ‘yon kasi yung mga umaakyat duma-dive sa mga tao… nakaakyat ka na, nakahawak ka, hindi siya baba ng baba na normal,” paliwanag ni Jennifer. 

 

Ngunit hindi lamang siya ang may ganitong kuro-kuro tungo sa bagong disenyo ng andas. Pati na rin si Romeo na mayroong sariling dalang replika ng Nazareno–nangingibabaw ang kanilang pagkabalisa sa kalagayan ng rebulto.

 

Para sa mga ibang deboto, hindi lamang ang paghaplos ng bimpo ang kanilang ginagawa upang mapalalim ang kanilang pananampalataya. Sa lahat ng debotong nakapanayam ng The Benildean, pagdarasal ang pangunahing paraan ng kanilang pagpapakita ng kanilang debosyon sa itim na Nazareno. Ang iba, katulad ni Jennifer, kada-unang Biyernes ng buwan dumadalo sa Quiapo upang ilahad ang kaniyang dasal sa Itim na Nazareno.

 

Hindi biro ang dumalo at sumabak sa Pista ng Itim na Nazareno. Ang ‘di maipaliwanag na pananabik ay hindi basta-basta lamang pinpuntahan. Tulad ng deboto na si Warren, kung saan ang kanyang paraan ng paghahanda para sa pista ay, ”Tulog lang nang maayos sabay pahinga, kailangan talaga ‘yan kasi hindi pwede mapuyat.” Dagdag niya,“Hindi pwedeng puyat ka o gutom ka—kailangan talaga strong ka.”

 

Ang pista na ito ay nananatiling salamin sa malalim at masigasig na pananampalatayang nakatanim sa kultura ng mga Pilipino. Bilang isang tradisyon na lampas 400 na taon na pinagdadaluhan ng mga deboto, hindi lumilipas ang diwa nito kahit sa panahon ng nagdaang pandemya. 

 

Kada-taon, mga deboto galing sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas ay dumadalo sa isang palit-pawis na pagdiriwang na pananampalataya. Kaya naman tunay na kahanga-hanga ang mga sakripisyo’t nakaugalian rito na patuloy ipinagpupunyagi ng mga deboto alang-alang sa Poong Nazareno.