Layout By Juliana Polancos
Layout By Juliana Polancos.

Love teams: Pag-ibig ayon sa iskrip


Sa kabila ng kilig at saya ay may dalang kalungkutan at kabiguan ang mga tambalang minahal ng mga Pilipino.


By Sofia Agudo, and Ryzza Ann Gadiano | Thursday, 21 December 2023

Mula kina Gloria Romero at Luis Gonzales hanggang kina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, malaki ang naging papel ng mga love team sa paghubog ng industriya ng showbiz sa Pilipinas.

 

Patok na patok sa takilya ang mga pelikula at palabas na may tambalan ng dalawang aktor na naghahanap ng kani-kanilang daan tungo sa pag-ibig. Hinding hindi ito mawawala sa karamihan ng mga palabas sa lokal na industriya sapagkat naging makabuluhang bahagi ang mga tinatawag na love team sa pop culture ng Pilipinas at sa pag-usbong ng mga panibagong konsepto at ideya sa lokal na industriya ng media.

 

Matutunton ang simula ng konseptong ito mula mga naunang pelikula, tulad ng mga pinakasikat na tambalang Nora Aunor at Tirso Cruz III (Guy & Pip), Sharon Cuneta at Gabby Concepcion (ShaGab), maging sina Marvin Agustin at Jolina Magdangal (MarJo). Mas lalong napaunlad ang konsepto ng mga love team sa paglipas ng mga taon gayundin ay nagsilbing integral na bahagi ng showbiz at isang kultural na penomeno sa Pilipinas. Hindi maipagkakaila na mas tampok sa mga manonood ang mga pelikulang nakatutok sa pag-ibig at higit pa itong tinatangkilik ng mga tao kumpara sa iba pang mga uri ng pelikula. Ang mga kwento ng pag-ibig at romansa ay isa sa mga pangunahing tema sa pop culture at pelikulang Pilipino, kaya ang mga love teams ay nagbibigay buhay at kasaysayan sa mga kwentong ito. 

 

Sa kabila ng mga tampok na tambalang ito, hindi masyado nabibigyang pansin ang epekto nito sa indibidwal na kakanyahan at kakayahan ng mga aktor na kasangkop dito.

 

Pagbabalik tanaw sa pagmamahalan

Sa makabagong panahon, walang hindi nakakakilala sa tatlong bigating love teams na sina James Reid at Nadine Lustre o JaDine, Liza Soberano at Enrique Gil o LizQuen, at ang tanyag na tambalan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla o KathNiel. Ang mga tambalan nila ay naging daan para sa mga pelikula at teleserye na nagbigay ng pagkakakilanlan sa kanilang talento sa pag-akto sa industriya ng showbiz. Nagsilbi itong pundasyon tungo sa pansariling tagumpay at karanasan.

 

Sa kabila ng mga matagumpay na mga palabas ng mga love teams, naging mahirap ito para sa mga personalidad na nakakabilang dito dahil hawak sila ng pangangasiwa ng mga tao sa kanilang ahensiya. Sila ay ginagamit upang ipahiwatig ang isang relasyong nakakikilig at ikakatuwa ng mga panatikong nakasubaybay sa kanila na maaaring humantong sa panahon kung saan naging masama na ang kinalabasan ng kanilang mga akto. Dahil dito, madalas na nalilimitahan ang proyekto at oportunidad na maaaring makuha ng aktor o aktres. Kadalasan, sa lahat ng proyekto, ay sila lamang ang bumi-bida. 

 

Ang tambalan ng JaDine ay nagsimulang magbunga sa palabas na “On the Wings of Love” (OTWOL) na dinirekta ni Antoinette Jadaone noong 2015. Maliban sa OTWOL, bumida rin sila iba pang pelikula kagaya ng Wattpad-based na Diary ng Panget (2014), For the Hopeless Romantic (2015), at iba pa. Sa kabilang palad, ang KathNiel ay naging bigatin sa palabas na She’s Dating the Gangster, isa ulit na Wattpad-inspired movie noong 2014. Marami pang mga proyekto na pumukaw sa damdamin ng mga Pilipino kagaya ng Must be… Love (2013), Barcelona: A Love Untold (2016), at The Hows of Us (2018). Ang LizQuen naman ay gumanap sa Alone/Together (2019). Iba pa sa tampok nilang palabas ang My Ex and Whys (2017) at Everyday I Love You (2015).

 

Ngunit, ang tatlong prominenteng tambalan na ito ay dumating sa punto kung saan nahinto na ang kanilang samahan hindi lamang sa showbiz kundi sa totoong buhay na rin. Subalit ang kani-kanilang karera ay hindi huminto at nagpatuloy pa rin sa kabila ng kanilang pag-alis sa sari-sariling tambalan. 

 

Sa pagitan ng tatlong tambalan, ang JaDine at KathNiel ang mga naunang nag-anunsyo sa kanilang paghihiwalay. Ang LizQuen, hanggang ngayon, ay patuloy na sinusuportahan ang isa’t isa at tila nagpapatuloy ang kanilang pagmamahalan. Subalit ang aktres na si Soberano ay may panayam ukol sa isyu ng pagkakaroon ng love team sa isang karera ng aktor. 

 

Ayon sa isang panayam nito sa GMA Network, "And in the Philippines, the only way to become a really big star really, if you're not a singer, is to be in a love team." Dito pa lang magkakaroon na ng ideya ang mga tao ukol sa tambalan ng dalawa.

 

Ang reyalidad ng mga tambalan

Ang potensyal nila bilang isang personalidad ay may pagsubok dahil sila ay nakasentro lamang sa kung ano ang meron sa samahan ng love team. May iba naman na kahit na kasama sa isang tambalan ay nakakapaghanap pa rin ng ibang mga pagkakataon upang mas lumago ang kanilang kakayahan at lumaganap upang maging mas kilalang aktor o aktres. Subalit, may ibang mga personalidad ang hindi namimithi ang mga pagkakataong ito. 

 

Mahalaga ang mga love team hindi lamang sa mga pelikula kundi pati na rin sa pagsalamin ng kultura at paghahangad ng mga Pilipino sa isang perpektong imahe ng pagmamahalan. Nagbigay-buhay ito sa mga kwento ng pag-ibig na kumakatawan sa pangkaraniwang karanasan ng mga manonood. 

 

Ngunit, madali rin makita ang mga hamon sa mga aktor na dala ng “social pressure” at ang epekto nito sa kanilang mga personal na buhay sa likod ng kamera. Dahil sa kanilang kapani-paniwalang pagganap sa kanilang mga papel sa iba’t ibang palabas at pelikula, ang ilang mga panatiko ay nahihirapang gumuhit ng linya sa pagitan ng buhay ng mga aktor bilang isang ordinaryong tao at bilang isang karakter na ginagampanan nila.

 

Si David Licauco ay kasamahan ni Barbie Forteza sa tambalan nilang BarDa na sumikat sa palabas na Maria Clara at Ibarra. Bago pa man magkatugma ang dalawang personalidad, sa labas ng kamera at showbiz ay may kasintahan na si Forteza na si Jak Roberto. Sa pananaw ng isang tagahanga, ang pagkakaroon ng kasintahan off showbiz ay nakakagambala sa tambalang sinusuportahan nila. Dito umusbong ang isyu na maghiwalay na sila Forteza at Roberto upang magkatuluyan sila Licauco at Forteza hindi bilang tambalan on screen kundi pati na rin sa totoong buhay. Subalit agad nang kinlaro nina Forteza at Licauco na kahit kailan man ay hindi ito pumasok sa isipan nila.

 

Sa isang panayam ni Forteza sa press conference ng bagong palabas na “Maging Sino Ka Man,” sinaad niya, “[Ang] personal lives namin outside this partnership, outside this love team, are off-limits. The people that make us happy, the people that love us — family, loved ones — off limits po 'yun. Opo. Hindi po 'yun kasama sa trabaho.”

 

Isa pa sa mga naging prominenteng isyu pagdating sa mga love teams ay ang kilalang tambalan nina Alden Richards at Maine Mendoza, mas kilala bilang AlDub, na sumikat sa KalyeSerye ng noontime show na Eat Bulaga. Lumago nang tuluyan ang kanilang pagsasama dahil sa walang tigil na suporta mula sa mga tagahanga nilang binanyagang “AlDub Nation.” 

 

Subalit ito rin ay tuluyan nang natapos at may sari-sarili nang mga buhay na pinagkakaabalahan sina Richards at Mendoza. Ngunit sa paglipas ng mga taon ay may mga panatiko pa rin ang nadadala ang pantasya ng KalyeSerye sa reyalidad. Nagkaroon ang isyu kung saan nadala na ang usapan ng nasabing tambalan sa personal na buhay kung saan kumalat na mayroon na raw anak ang dalawa. Ito ay agad na pinag-usapan ni Mendoza sa kanyang interbyu kasama ni Ogie Diaz. 

 

Ang karanasan niya sa isyu na ito ay nakababahala dahil may ibang mga tao pa rin ang mahirap makunbinse kahit si Mendoza na mismo ang nagsasabi sa kanila—kahit na kinasal na si Mendoza sa kapwa aktor na si Arjo Atayde nitong Hulyo ng 2023. 

 

Ito ay umabot sa punto na napagod na siya magpaliwanag. Ayon sa kaniyang panayam ukol sa isyung pumapalibot sa tambalan nila ni Richards, “May mga taong gano'n na gusto nila nafi-feed 'yung imagination nila, and for lack of a better term, delusion nila. Pero mas okay kasi na early on pa lang, paalam mo na 'yung totoo.”

 

Ang love teams ay hindi lamang imahe ng perpektong pagsasama kundi ito ay sumasalamin din sa isang makabuluhang mundo para sa mga personalidad na kumakabilang sa pop culture. Kahit ito man ay naging sangkap upang magkaroon ng kakaibang hatak sa mga tagapanood, mahalaga pa rin isaalang-alang ang personal na kalagayan ng bawat aktor na kumakabilang dito. 

 

Maliban pa, bilang mga tagahanga ay mahalagang alalahanin muli na may natatanging pagkakaiba sa katotohanan at pantasya na pinapakita ng mga tambalang patok ngayon. Kahit kailan ma’y hindi magiging reyalidad ang nakikita lamang sa mga palabas, kaya mahalagang alamin kung kailan dapat gumuhit ng linya sa pagitan nito.

 

Last updated: Thursday, 21 December 2023