Sa pagpunta at pagdalo sa siyam na araw ng Simbang Gabi, sinasabing maaaring matupad ang anumang kahilingang taglay ng bawat puso. Ngunit, ito nga lang ba ang tanging dahilan kung bakit isinusulong ng mga tao ang mga misa, o may mas malalim pa bang kahulugang naghuhudyat na buhay pa rin ang diwa ng Simbang Gabi?
Balikan natin ang kasaysayan ng Simbang Gabi na hindi lamang isang serye ng mga misang pinupuntahan ng madaling araw, kundi isang patunay sa buhay na buhay na diwa ng kagandahan, pasasalamat, at espiritwalidad na umuukit sa kulturang Pilipino.
Umpisa ng tradisyon
Sa Pilipinas, nagsimula ang tradisyon noong ika-16 dantaon noong panahon ng kolonyalismong Kastila. Ginaganap ito tuwing Adbiyento ng madaling araw alang-alang sa mga magsasakang nais dumalo ng misa ngunit hindi maiwanan ang mga sakahan. Hindi mawawala ang nakasanayang gawain sa Simbang Gabi na ang pagtitinda ng puto bumbong at bibingka sa mga paligid ng simbahan, pati na rin ang mainit na tsaa o salabat na patuloy pa ring isinasagawa sa kasalukuyan.
“Ito (Simbang Gabi) ay isang pamamaraan upang tayo ay lalong mapalapit sa Diyos… paghahanda ng ating sarili sa Kanyang kapanganakan,” pahayag ni Ms. Tess Magmayo, ulo ng Office of Worship ng Center for Lasallian Ministry (CLM), sa panayam niya sa The Benildean.
Tulad ng kulay rosas na kandila sa advent candles, ang tunay na diwa ng Simbang Gabi ay nakatuon sa isang nakakapanabik at maligayang kaganapan para sa ating Panginoong Hesukristo.
Ayon kay Fr. Tedley Villanueva, SSS, isa sa mga chaplains ng De La Salle-College of Saint Benilde, ang kakanyahan ng tradisyong ito ay makasama’t maisapuso natin sa siyam na araw ang sakripisyo ng pagdadalang-tao ng Birheng Maria ng siyam na buwan para sa kapanganakan ni Hesus.
Ani naman ni Mr. Edwardson Juta, CLM Director, “It is really rooted in being grateful and at the same time ‘yung kahandaan ng bawat Pilipino na magtrabaho sa simula ng umaga.”
“I think it clearly reminds all of us to have that sense of wonder…to have a sense of surprise. Kasi alam niyo sa kultura natin ngayon yun yung nawawala,” dagdag pa niya.
Tunay na Puto Bumbong ng misa
Ang paggawa naman ng Puto Bumbong ay maaaring maihalintulad sa kahalagahan ng pagsasagawa ng tradisyong Simbang Gabi—kung saan pagkatapos ng maraming kasangkapan o paghahanda, makakatanggap tayo ng makabuluhang gantimpala sa huli.
“Bilang Katolikong Kristiyano, pinapalalim nito (Simbang Gabi) ang ating buhay espirituwal sa pamamagitan ng pagtanggap ng biyaya ng Diyos tuwing tayo ay nagsisimba,” wika ni Ms. Magmayo.
Isinalaysay din ni Mr. Juta ang kahalagahan ng taon-taong pagsasagawa ng tradisyong ito sa mga Katolikong Pilipino. Aniya, ang pinakamagandang regalong natanggap natin mula sa Diyos ay si Hesus. Taon-taon ay ipinapaalala sa atin na tayo’y biniyayaan ng Diyos ng kanyang sarili, na siyang pinakamahalaga sa Pasko.
“Tradition is not (about) going back to the past. But tradition is to continue living the spirit of something beautiful that happened in the past. And we are continuously living that spirit of beauty, values, gratitude, and celebration… The spirit is something beyond time—and Simbang Gabi is something like that,” pahayag ni Mr. Juta.
Simbang Gabi ng mga Benildyano
Sa pagtahak sa landas ng tradisyong ito, may ilang estudyanteng nagbahagi ng kani-kanilang karanasan sa taon-taong pagdiriwang ng Simbang Gabi. Tulad ng sa karanasan ni Charles Bryan Dumdum, isang estudyante ng Multimedia Arts, nagsilbing oportunidad ito para makasama muli ang mga kapamilya at kaibigan, pati na rin ang simbahan, bilang miyembro ng koro ngayong kapaskuhan. Naging bahagi na ng kanilang tradisyon ang paggising ng maaga upang makasama ang mga kaibigan sa pagkanta sa misa.
Ayon naman kay Denver Tango na estudyante ng BSBA-HRM, “Very technology reliant ang generation ngayon, so ang suggestion ko is i-utilize ang mga technology such as live-streaming na puwede sa Facebook,” tulad ng mga makikitang online na misang maaaring gamitin ng mga hindi makakadalo sa simbahan.
“As a Deaf Catholic, noong nag-aattend kami, ‘yung mga songs—ma-fefeel namin ‘yun, with performance din,” ika naman ni KL Ascaño, estudyante ng School of Deaf Education and Applied Studies (SDEAS) at presidente ng organisasyong Benildean Deaf Association (BDA), na isinalin ni Alex Cheyeanne Estorque. Ika rin niya na, “Sana magkaroon pa ng access for the Deaf interpreters for the younger Deaf [people]” at nang magkaroon pa ng mga tagapagsalin ng sign language sa mga misa ng Simbang Gabi.
Ibinahagi rin ng mga mag-aaral na dapat ipagpatuloy pa rin ang tradisyong ito ng mga kabataan ngayon sapagkat malaking bahagi ito ng kulturang Pilipino lalo na’t tuwing kapaskuhan.
Pag-ilaw ng parol sa kasalukuyang panahon
Sa pagsiklab ng unang liwanag sa umaga, ang Simbang Gabi ay patuloy na nagbibigay ng liwanag sa ating landas. Hindi lamang ito nagsisilbing tradisyon, kundi isang ilaw na muling binubuhay ang kahulugan ng Pasko, at ang diwa ng pagkakaisa, at pananampalataya sa pagtataguyod ng mas matibay na ugnayan sa Diyos.
Sa kabila ng mga bagong teknolohiya at pagbabago sa lipunan, nagsisilbing tanglaw ang tradisyong ito na nagbibigay linaw sa ating mga puso at espiritwal na buhay. Ang bawat hakbang sa mga kalsadang patungo sa simbahan ay hinihikayat tayong muling magkaisa at magkaroon ng pag-asa sa darating na kinabukasan.
Iba’t iba man ang maging kahulugan, inspirasyon, o papel ng tradisyong Simbang Gabi sa mga Kristiyanong Katoliko, hindi maipagkakaila na iisa lamang ang nais iparating nito—pag-ibig: pag-ibig sa sarili, sa ibang tao, at lalong-lalo na sa Panginoong Diyos. Lahat ng sakrispisyo’t paghahanda sa paggunita ng tradisyong ito ay nagiging matagumpay dahil sa pagmamahal at mabuting kalooban.
Sabi nga ni Mr. Juta, “There’s always a place to be grateful. There’s always a place to be good. And that is the tradition we are continuously carrying even beyond the generation that will come after us.”
Kaya naman tayo’y gumising at bumangon na sa muling pagtunog ng kampana ng mga kapilya’t parokya ngayong panahon ng Simbang Gabi.