Layout By Juliana Polancos
Layout By Juliana Polancos.

A Very Good Girl: Higit pa sa isang pelikulang puno ng paghihiganti


Hanggang saan mo kaya maging “good girl” para sa isang babaeng lubos na nagpapaalala sa iyo ng iyong tunay na ina?


By Sofia Agudo | Tuesday, 31 October 2023

Aminin ‘man natin o hindi, karamihan sa atin ay naghangad ng paghihiganti sa isang punto ng ating buhay. Ngunit para sa karakter ni Mercy Novela sa pelikulang “A Very Good Girl” ni Petersen Vargas, ito ay ang naging kahulugan ng kaniyang buhay at pagkatao. Pinagsasama ng pinakabagong pelikula ng Star Cinema ang isang metikulosong kuwento ng paghihiganti sa makabuluhan at napapanahong panlipunang komentaryo na sumasalamin sa iba’t ibang aspeto ng ating lipunan.

 

“This time, there is no mercy.”

Friends and funds make mother. At unti-unti ko itong uubusin,” wika ni Mercy, ang karakter na ginagampanan ni Kathryn Bernardo sa pelikula. Umiikot ang balangkas ng kwento kay Mercy, nang subukan niyang pasukin ang buhay ng mga alta sociedad bilang si Philomena Angeles upang ipatikim kay Mother Molly Suzara (Dolly de Leon) ang tamis ng paghihigantiat sa wakas ay bayaran ang lahat ng kanyang maling nagawa.

 

Hindi ito ang iyong pang-karaniwang pelikula na nilikha ng Star Cinema. Mula sa kanilang mahabang listahan ng mga rom-com, horror, at drama films na pinalabas noong mga nakaraang taon, nangahas ang kumpanya na lumihis sa nakasanayan ng nakararami upang sunggaban ang oportunidad na sumiyasat ng panibagong genre kalakip ang paggunita ng kanilang ika-30 anibersaryo. Nagkaroon ang Star Cinema ng mga makabuluhang pangitain para sa pelikulang ito at kumuha ng kakaibang pananaw sa tipikal na kwento ng mga Pilipino tungkol sa paghihiganti.

 

Ang pagsasalamin ng dark comedy sa mga suliranin ng lipunan

Nangahas sila at nagawa nila. Hindi maipagkakaila na bihira makakita ng pelikula na umaakma sa kategorya ng dark comedy sa lokal na industriya bagamat higit na tinatangkilik ng mga manonood ang rom-com at drama sa mga panahon ngayon. Naglalaman ang pelikulang ito ng iba’t ibang mga politikal at panlipunang konotasyon na hindi tuwirang sinasaad sa mga manonood, kaya’t kinakailangang suriin nang mabuti ang mga linyang ginamit sa pelikula at mabusising panoorin ang bawat eksena upang lubos na maunawaan ang mga mensahe, kahulugan, at kontekstong nais iparating nito.

 

Tulad ng iba pang mga pelikula na tinataguriang dark comedy, inilalantad nito ang mga panlipunang realidad na nakatago sa likod ng mga elementong pampelikula sa isang paraan na hindi direktang ibinubunyag ang mga sakit sa ating lipunan, tulad lamang ng pagkakaiba sa mga antas ng pamumuhay, ang koneksyon sa pagitan ng mga politiko at pamilyang may kaya, at gayundin ang bulok na sistema ng hustisya sa ating bansa. 

 

Ika nga ni Mother Molly, “Justice is expensive, my dear. And poor people like you can’t afford it.” Mahusay na naipakita ang masukal na kaibahan sa dalawang panig ng lipunan sa isang banayan na pamamaraan na kung saan ay sobrang natural ang pag-ugnay ng dalawang konseptong ito. Nilarawan ang realidad ng mga mayaman at mahirap sa pamamagitan ng mabisang paggamit ng mga cinematiko at pampanitikang elemento tulad ng sinematograpiya, diyalogo, mga tayutay, at marami pang iba. Bukod dito, ang paraan ng pagganap ng mga aktor at mga linyang ginamit sa iskrip ay nagsilbing tulay upang ipahayag ang mga pampulitikang damdamin ng pelikula at higit pang ilahád ang kalikasan nito bilang isang nakakubling panlipunang komentaryo. Tunay na maraming mapupulot na aral mula sa mga diyalogo nito dahil malalim ang pagtatak ng bawat linya at nag-iiwan ito ng mga kaisipan na maaaring mapagnilayan.

 

Pinagsasama ng pelikulang ito ang ilan sa mga luma at ordinaryong elemento ng pelikulang Pilipino sa mga makapanibagong ideya at pananaw. Isa sa mga magandang aspeto ng “A Very Good Girl” ay ang konsepto sa balangkas nito na hindi nag-uugat sa mga problemang may kinalaman sa pag-ibig ang paghiganti ng pangunahing tauhan.

 

Sa kabilang dako, makahulugan at malakas ang datíng ng pelikulang ito sa isang feminismong pananaw sapagkat ang mga tauhan nila Mercy at Mother Molly ay inilalarawan bilang mga kababaihang makapangyarihan at matriyarkal. Maaari itong magsilbing daan tungo sa pag-usbong ng women empowerment sa ating lipunan at mas mabigyan ng pansin ang mga babaeng karakter sa lokal na industriya.

 

Nakaligtaáng potensiyál

Nakagawa ang Star Cinema ng isang malikhain at kahanga-hangang akda, pero hindi ganap na nakamit ang kabuuang potensiyál nito. Mahusay na pinlano ang mga detalye ng unang dako ng pelikula ngunit parang minadali ang katapusan nito at nagmukhang hindi masyado pinag-isipan kumpara sa ibang bahagi ng kwento. 

 

Karamihan sa mga bahagi ng pelikulang ito ay kapuri-puri bagamat mayroon din itong mga pagkukulang pagdating sa balangkas. Tila ay pinilit na ipinagkasya sa limitadong oras ang mga kaganapan dahil sa patong-patong na pangyayari at napakaraming pasikot-sikot na detalye, kaya sa kalaunan ay naging mahirap na itong subaybayan. Samantala, hindi rin klaro kung pakay ba ng mga manlilikha na ilahad ang mga realidad ng ating lipunan sa malikhaing paraan o gumawa lamang ng isang pelikula na may nakakaibang atake sa paghihiganti.

Sa kabila ng lahat ng ito, ang “A Very Good Girl” ay hindi tulad ng iyong karaniwang payak na pelikulang sumusunod sa iisang linya ng mga kaganapan. Bumawi ito sa sinematograpiya at sa kaugnayan ng mga suliraning panlipunan na inilarawan sa pelikula sa ating henerasyon. Nararapat din bigyan ng pagkilala ang kasanayan sa pag-arte nina Bernardo at de Leon sa pelikulang ito, sapagkat kapuri-puri ang kanilang dinámikó bilang “mag-ina” sa istorya at nabigyan nila ng hustisya ang kanilang mga karakter dahil mahusay nilang nagampanan ang kanilang papel.

Samakatuwid, ang pelikulang ito ay siguradong magugustuhan ng mga madlang natutuwa sa palihim at matalinong pag-atake ng dark comedy sa mga sakit ng lipunan o kaya sa mga kawili-wiling pangyayaring nakaugat sa paghihiganti. 

Dahil sa mga makabagong ideya na inihandog ng Star Cinema bilang kontribusyon sa ikauunlad ng ating lokal na industriya, tiyak na nagbukas ng panibagong landas ang “A Very Good Girl” para sa mga susunod na pelikulang Pilipino na may kaugnayang tema.

Last updated: Tuesday, 31 October 2023