Cover Photo By Danni Lim
Cover Photo By Danni Lim.

Marka ng Paninindigan


Kaiba ang nagbubulag-bulagan sa nagwawaksi ng katotohanan.


By EA Rosana | Thursday, 7 April 2022

Ngayon, higit noon, mas umigting ang paggamit ng fake news bilang sandata upang baguhin ang kasaysayan at linisin ang pangalan ng iilang kandidato para sa pansariling kapakanan. Gayunman, kung pagtataya ng sariling paninindigan ang halaga ng pagwawagi sa halalan—para kanino ba tayo lumalaban?

 

Lantaran sa internet ang napakaraming diskarte upang ikampanya ang kani-kanilang kandidato para sa nalalapit na Halalan 2022. Kaakibat ng maiinit na diskusyon ang paninindigan sa sari-sariling prinsipyo, na karaniwang nakaangkla sa impormasyong ating nalalaman at pinaniniwalaan. Dahil hindi na rin bago ang fake news, kusa na ngayon ang fact checking ng posts sa social media gaya ng Facebook. Sa kabila ng pagtatama sa kamalian at pagsulong ng progresibong kaalaman, bakit hindi mabago sa sistema ang pagpili sa kung ano ang makatotohanan?

 

Mainit na pagtanggap… sa kasinungalingan

Tinagurian bilang kauna-unahang “social media election,” nagmitsa ang Halalan 2016 ng labis na panatisismo sa mga naghaharing politiko, na siyang ugat ng malaking hidwaan sa pagitan ng mamamayang Pilipino. Pinatunayan ng isang pagsisiyasat ng ikalimang Philippine Trust Index (PTI) na mas pinagkakatiwalaan ng 87.3% na mga Pilipino ang impormasyon sa social media kasya sa tradisyonal na balita. Dahil na rin sa paghina ng balitang pantelebisyon dulot ng mga paratang na nagpasara sa ABS-CBN na pinakamalaking network sa bansa, unti-unting nabura ang linyang naghihiwalay sa konsepto ng mga Pilipino ng tama at mali.

 

Pinainit ng makinarya ng propaganda ang pagtanggap ng taumbayan sa deka-dekadang kasinungalingan, gaya na lamang ng dagliang pagsiklab ng mga tagasuporta ni presidential aspirant Bongbong Marcos, na sinamantala ang social media upang linisin ang pangalan ng pamilya Marcos sa kabila ng napakaraming datos at katibayang inihahain ng kasaysayan, panitikan, at iba pa.

 

Pahayag ni Associate Professor Danilo Arao ng Journalism Department ng University of the Philippines (UP) sa isang panayaman ng UP Media and Public Relations Office, habang dumarami mga Pilipinong mas naniniwala sa fake news ay mas umiigting ang desisyon nilang kumilos nang hindi naaayon sa katotohanan. Kung ang pagpili sa mali ay nagmumula sa mamamayang winawaksi ang totoo, maging bayarang biktima ng kahirapan man o mayamang edukado, tunay na nakasusulasok ang lipunang pinaaandar ng kabulaanan at makapangyarihang mga politiko. 

 

Lagablab ng kaliwa’t kanang hidwaan
Sa pagliyab ng panahon ng kampanya, naikulong ang politikal na pananaw ng bansa sa false dichotomy o dalawang pagpipilian lamang—ang alyansa ng Marcos-Duterte laban sa kampo ni Bise Presidente Leni Robredo na pilit ikinakabit sa mga Aquino.

 

Bilang social media ang bagong mukha ng panatisismo, mas pinaingay ang kapangyarihan ng impluwensiya sa internet bunsod ng kakulangan sa pisikal na komunikasyon ngayong pandemya. Nagsilbi itong ningas ng ego upang paninindigan ang prinsipyong tiwali, kaysa sa panghahamig tungo sa katotohanan.

 

Halimbawa na lamang ang kontrobersiyal na pagtaguyod ni VP Robredo sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC); na bagama’y agarang tinutulan ng mga kritiko, nakababahala pa rin ang pag-usbong ng mga panatiko sa inaakalang radikal na kandidatura ng halalan. 

 

Gayundin, pinaigting ng hidwaang politikal ang guhit sa pagitan ng mataas at mababang antas ng lipunan. Sa halip na gamitin ang katotohanan bilang liwanag sa mga biktima ng pananamantala, niyuyurakan ang mga nasa laylayan ng lipunan sa prinsipyong pinili man nila’y hindi naman sila ang tunay na nagpakana.

 

Para sa kapwa ko kabataang taglay ang puwang para sa bagong karunungan, makapangyarihan ang hilaw na liyab upang paliwanagin ang nagdidilim-diliman. 

 

Para sa nakatatandang henerasyong pinipigilan ang kabataang mamulat sa katotohanan, nawa’y matutuhan niyo na ang kanilang galit ay patungo sa paglaban sa kasamaan. Yaman din lamang na pamana sa amin ang kapayapaan ng hinaharap, ilaan ang boto ng ngayon para sa kapalaran ng bukas. 

 

Sa huli, idinidikta ng ating mga kinukunsinting paniniwala ang halaga natin bilang tao at mamamayang Pilipino. Tayo’y repleksyon nang sino man ating minamarka sa balota.

Nalathala din ang artikulo na ito sa The Benildean Volume 8 Issue No. 1: Redacted.