“Yorme! Isang #WalangPasok naman diyan!”
Nagiging karaniwan na para sa mga estudyanteng Pilipino, lalo na sa mga taga-Metro Manila, na kapag umuulan na may kaunting kalakasan ay susubaybayan na agad kung magsususpinde na ang mga alkalde ng kanilang lungsod. Tila nagiging tradisyon na ang walang humpay na pangungulit ng mga kabataan direkta mismo sa opisyal na social media accounts ng mga alkalde ukol dito. At kapag hindi nasuspendido ang mga klase, garantisadong uulan ng memes sa mga social media sites.
Bagaman halos lahat ay pabor kapag mayroong suspensyon dahil sa masamang panahon, marami ang nagpapangaral na hindi dapat hinihingi o ipinagdadasal ang suspensyon dahil ibig sabihin nito ay may ibang taong mahihirapan buhat ng masamang panahon. Ito ang panlipunang debate o balitaktakan ng mga Filipino kapag nagkakaroon ng suspensyon.
Dahil sa suspensyon nakatuon ang karamihan sa mga estudyanteng Filipino sa tuwing masama ang panahon, tila nakakaligtaan na yata ang nakakatakot na lakas ni Inang Kalikasan. Nararamdaman na ng tao ang mga masasamang epekto ng patuloy pagsira sa kalikasan.
Nagbabagong panahon
Ang climate change, o ang pagbabago ng kabuuang klima ng ating mundo, ay isang pandaigdigang problema na pinagbabantaan ang kaligtasan ng sangkatauhan. Ayon sa Global Peace Index 2019, ang Pilipinas ay isa sa mga pinakananganganib na bansa sa mga mapaminsalang epekto ng climate change. Isang halimbawa ng epekto nito ay ang mas lumalakas na mga bagyong humagahupit sa bansa.
Mula sa panayam ng The Benildean kay Dr. Marcelino Villafuerte II, Senior Weather Specialist sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), isa sa mga epekto ng climate change ay ang pagpapalakas nito sa ulan buhat ng mas mainit na atmospera. Sa kasalukuyan, mababawasan daw ang bilang ng mga bagyo ngunit mas titindi pa ang mga ito sa mga naranasan nating bagyo.
”Dahil sa pag init ng atmospera natin, mas nakakapagipon ng maraming moisture ang hangin, kung baga [kapag] umulan siya, talagang buhos. If it rains it pours,” ika Villafuerte.
Ayon din kay Villafuerte, para sa kaligtasan ng lahat, hangga’t maari mas maaga dapat ang deklarasyon ng walang pasok kung inasahan talaga na magiging malakas ang ulan kahit walang bagyo. Hindi maipagkakait na napakahalaga ng pagsuspinde ng mga klase sa tuwing magkakaroon ng matinding sama ng panahon o bagyo. Kaya kahit nagbabadya lang ang sama ng panahon ay nagsusupinde agad ng mga klase para sa kaligtasan ng lahat.
Ang PAGASA ay isa sa mga ahensya ng gobyerno na nagbibigay impormasyon kung kinakailangan magsuspinde ng klase kaya’t kailangan pa rin daw ng PAGASA ng pagpapabuti upang mas matiyak ang datos at impormasyon na ibinibigay nito sa publiko.
Ayon kay Villafuerte, pinapahusay ng PAGASA ang kanilang mga numerical models na ginagamit sa larangan ng forecasting. Pinaparami rin ng ahensya ang paglalagay ng mga doppler radar sa buong bansa na ginagamit sa pagtantya ng mas tama at tumpak ang dala-dalang ulang ng isang bagyo. Isinagawa nila ito sa pamamagitan ng tatlongtaong kasunduan na naglalayong magbigay ng karagdagang kagamitan at pagsasanay ng mga tauhan sa pagsasaayos at pagpapanatili ng kanilang mga instrumento sa tulong ng Japan International Cooperation Agency (JICA).
Laban para sa kalikasan
Nalalapit na ang panahon kung saan hindi na natin maayos ang mga pinsalang ginawa natin sa ating kalikasan. Kinakailangan ng malawakang pagbabago sa estruktural at sosyal na pag-iisip ng tao sa kaniyang parte sa pangangalaga ng kapaligiran. Hindi mareresolbahan ang climate change kung patuloy natin itong isasantabi para sa ika-uunlad ng ekonomiya.
Nangingibabaw ang dahilan na para sa kaligtasan ng mga estudyante kaya nagsusupinde ng mga klase. Ganito rin dapat ang mentalidad ng mga Filipino pagdating sa mga aksyon para sa kalikasan. Ang seguridad at kaligtasan ng tao ay nakasalalay sa kalikasang patuloy nating sinisira.
Dibuho ni Jomer Haban
Ang artikulong ito ay bahagi ng Volume 6 No. 1 ng The Benildean:Clickbait.