Noong ika-24 ng Nobyembre, nagsimula ang taunang Pambansang Linggo ng Aklat. Pinangungunahan ng Philippine Librarians Association (PLAI), ito ay naglalayong himukin ang literasiya at itaguyod ang importansya ng mga libro at aklatan sa bansa.
Ngunit nabago ang pagdaraos nito ngayong taon, sapagkat tayo ay nakakubli sa ating mga tahanan. Bagama’t hindi natin naranasan ang pagdalo sa mga book fair na karaniwang inilulunsad, may mga paraan pa rin upang maramdaman natin ang paggunita rito.
Naririto ang ilang rekomendasyon ng mga librong patuloy na paiigtingin ang pagmamahal mo sa literaturang Pilipino.
Umiikot ang kwento kay Jay, isang Fil-Am na naninirahan sa Amerika at ang tanging nais lamang niya ay palipasin ang kanyang mga huling araw ng high school nang mapayapa. Ngunit nagbago ang kanyang mga plano nang nalaman niyang naging biktima ng madugong war on drugs ang kanyang pinsan na si Jun. Dahil ayaw nitong pag-usapan ng kanyang pamilya sa Amerika, pinili ni Jay na pumunta sa Pilipinas upang hanapin ang katotohanan sa likod ng pagkamatay ng kanyang pinsan.
Sa pamamagitan ng piksyon, inihatid ng manunulat na si Randy Ribay ang kanyang mensahe na kahit maituturing ka na tila isang “outsider” sa problema ng isang bansa, hindi ito dahilan para hindi tumulong sa mga nangangailangan, lalo na ang mga taong na ang karapatan nila ay inaabuso.
Sa kanyang unang nobela, inihahatid ni Arlene Chai ang isang kwento tungkol sa mag-ina na sina Caridad, isang Filipina na naninirahan sa Sydney, Australia, at ang kanyang ina na si Thelma. Pinaghiwalay ng dagat at dekada, umabot na sa puntong hindi na nag-uusap ang dalawa. Ngunit sa unang pagkakataon, nakatanggap si Caridad ng isang liham mula sa kanyang inang nasa Pilipinas na nagnanais na mag-usap silang dalawa upang ipagkaloob niya kay Caridad ang isang sikretong itinago niya mula sa pagsilang ng kanyang anak.
Sa pamamagitan ng apat na boses sa pagsasalaysay, ang kwento ng “The Last Time I Saw Mother” ay nagpapakita kung paano makakahanap ng kasiyahan at pag-asa sa gitna ng kahirapan at kung gaano katindi ang kapangyarihan ng katotohanan at kapatawaran sa isang pamilya.
Ang kwentong ito ay nagtataglay ng kapangyarihan na dalhin ka sa nakaraan sa husay ng pagkasulat. Mararamdaman mo talaga na nasa taong 1945 ka, kung saan maraming Pilipino ang nagtago at lumaban sa mga Hapon. Nahahati sa tatlong bahagi ang kwento: Ang una ay mula sa mga mata ng isang Pilipinong pamilya, ang pangalawa ay para sa magkapatid na walang mapagtaguan mula sa mga Hapon, at ang huli naman ay ang boses ng isang lider ng mga guerilla.
Kahit iba-iba ang nagsasalaysay, iisa lamang ang mensahe na inihahatid ng kwento: Sa mga mga oras na nawawalan na tayo ng pag-asa, mayroon pa rin tayong mga mapagkukunan ng lakas upang malagpasan ang mga ito, maging pagmamahal man ng pamilya o ang kabayanihan ng ating mga kapwa Pilipino.
Mayaman sa matalinhagang paglalarawan, biswal, at impormasyon—pinukaw ni Edgar Calabia Samar ang pagpapahalaga sa mayamang mitolohiya ng bansa.
Gamit ang mga tyanak, aswang, manananggal, at kapreng ipinantatakot ng ating mga lolo’t lola, maski na ang mga diwata, diyos, at mga bathalang sinasamba at pinag-aalayan ng iilan, detalyadong ipinaliwanag ng librong ito ang mga ‘di pangkaraniwang nilalang maging ang kahalagahan ng paniniwala sa mga mabubuti at ang mga panlaban o mga “agimat” sa mga masasama.
Sa pamamagitan ng masusing pananaliksik at pambihirang talento ng dibuhista, binuhay nito ang parte ng kulturang nakaligtaan ng mga Pilipino.
Mula sa may-akda ng bantog na pantasyang comic book series na “Moymoy Lulumboy,” nilakbay ni Segundo Matias Jr. sa aklat na ito ang isa sa pangkaraniwang sakit ngunit sensitibong usapin sa mga Pilipino, ang Human immunodeficiency virus (HIV). Ang libro ay pumapatungkol sa buhay nina Gab, Luis, Enzo, at Chuchay—mga miyembro ng isang support group na para sa mga HIV positive. Ngunit ang kanilang pagkakaibigan ay agad na sinubok ng epekto sa buhay ng kanilang karamdaman.
Gamit ang kathang-isip at karanasan ng mga tao sa totoong buhay, layunin ng aklat na imulat ang mga mambabasa sa mapait na katotohanan sa likod ng sakit na HIV at kung papaano ito kinakarga ng mga nahawahan.
Ang Ubod (2016) ay isang mayamang koleksyon ng literatura at boses ng hilagang Luzon na naglalaman ng isinaling piyesa mula sa iba’t-ibang bernakular na wika ng bansa tulad ng Iloko, Kankanaey, Banao Kalinga, Bontok, Ibaloi, at Tuwali Ifugao. Bilang isang antolohiya o koleksyon ng mga akdang pampanitikan, tampok ang mga tula at katha ng mga umuusbong na manunulat ng bansa na sina Jaime Agpalo, Scott Saboy, lo Jularbal, Junley Lazaga, Richard Kinnud, Florenda Pedro, at Janice Bagawi na mga nagmula sa Baguio at La Trinidad. Sa kabila ng pagkakaiba-iba ng mga dayalekto, ipinakita ng libro sa masining na paraan ang kagandahan at kahalagahan ng mga katutubong wika sa pagbuo ng pagkakakilanlan at kasaysayan ng bansa.
Sa panahon ngayon na lahat ng kwento ay ginagawan ng pelikula o serye, iba pa rin ang pakiramdam ng paggamit lamang ng iyong imahinasyon sa pagbibigay-buhay sa isang salaysay.
Kaya pumili ka na ng isang libro, maghanda ng mainit na inumin, at lakbayin ang iba’t-ibang mundong nilikha ng mga Pilipinong manunulat.